Inday TrendingInday Trending
Minura at Sinabuyan pa ng Inumin ng Maarteng Babae ang Matandang May Pusong Lalaki; Supalpal Siya Nang Muli Silang Magkaharap

Minura at Sinabuyan pa ng Inumin ng Maarteng Babae ang Matandang May Pusong Lalaki; Supalpal Siya Nang Muli Silang Magkaharap

Tuwang-tuwang binati ni Shena ang mga malalapit niyang kaibigan nang magkita-kita sila sa isang coffee shop. Tamang-tama, araw iyon ng Sabado na wala silang pasok sa trabaho kaya maghapon na naman silang magtsitsismisan.

“O, mabuti naman at nakarating kayong tatlo. Dapat sana ay sa mas sosyal na lugar tayo magba-bonding, kaso itong si Suzy eh, mas gustong magkape kaya naisip ko na dito na lang sa coffee shop na ito tayo mag-girls talk. Sikat din naman ang lugar na ito kaya ‘di kayo mapapahiya kung magpo-post kayo sa Instagram ninyo. Tsaka huwag kayo mag-alala, libre ko na ang mga oorderin ninyo,” wika niya.

“Wow, galante ka ngayon, girl, a!” biro ng kaibigang si Bela.

“Di ka na namin ma-reach, friend!” saad ni Suzy.

“Bakit ba naisip mong manlibre? May nangyaring maganda sa iyo ‘no? Kasi ‘di ka naman manlilibre kung wala. Aminin mo, may nangyari ‘di ba?” hirit naman ni Barry.

Pinamulahan ng pisngi ang babae na halatang kinilig. Nagawa niyang ilibre ang mga kaibigan dahil sa tingin niya ay malapit nang bumigay sa kanya ang lalaking type na type niya. Ang lalaking ito ay ang anak ng may-ari ng kumpanyang pinagtatrabahuhan niya – Si Alexander San Gabriel, ang Vice President ng kumpanya.

Napaka-guwapo kasi nito, matalino at siyempre ubod ng yaman kaya target niya itong maging nobyo. Nararamdaman nga niya na nagkakagusto na rin ito sa kanya. Kaunting kembot pa at tuluyan na itong mahuhulog sa kanyang mga kamay.

“Ano kamo? Anak ng may-ari ng kumpanya kung saan ka nagtatrabaho? Iba na talaga ang level mo, friend.” wika ni Suzy.

“Ipinapangako ko na magiging kami ni Sir Alex sa mismong birthday niya sa darating na linggo. Sa opisina niya gaganapin ang handaan, gusto niya kasing kasama ang mga empleyado nila sa espesyal na araw niya. ‘Di ba napaka-generous niya? Kaya mas lalo akong nai-in love sa kanya,” hayag pa ni Shena sa mga kasama.

“At sa special day pa ng Alex na ‘yon gusto mong maging magdyowa kayo? Paano mo naman gagawin ‘yon?” tanong ni Bela.

“Hindi pa ako nagkamali sa hinala ko, friend. Alam kong may lihim na pagtingin din sa akin si Sir Alex. Sa mga sulyap at titig pa lang niya kapag nagkikita kami sa opisina ay parang tinitig*san ang loko. Lalaki ‘yon at may lib*g sa katawan kaya natitiyak kong siya pa ang unang aamin na gusto rin niya ako,” buong kumpiyansa niyang sabi.

“Eh, ang mga magulang niya, nakilala mo na ba?” tanong ni Barry.

Umiling ang babae.

“Yung mama niya, nakikita ko lang sa opisina pero hindi ko pa nakakausap. Mukhang donyang-donya sa dami ng mga alahas sa katawan at mala-Audrey Hepburn ang ganda kahit masyonda na. Ang papa niya naman na may-ari ng kumpanya ay hindi ko pa nakikita. Sa anim na buwan kong pagtatrabaho roon ay hindi ko pa siya nakaharap. Sabi ng mga kasama ko roon ay sobrang busy daw ng papa ni Sir Alex sa iba pa nilang mga negosyo kaya hindi pumupunta man lang sa opisina kaya si Sir Alex ang tumatayo na pansamantalang CEO. Excited na nga akong makilala ang mama at papa niya, eh, kaya pinaghandaan ko ang pagpapabango sa pamilya ng future boyfriend ko and husband-to-be. Sa birthday niya ay bibigyan ko rin ng mamahaling regalo ang aking mga future in-laws,” pagyayabang pa ni Shena.

Maya maya ay napansin niya na ang tagal i-serve ng mga order nila kaya inis siyang tumayo sa kinauupuan para pumunta sa counter ngunit bago pa siya makalapit doon ay bigla siyang may nakabanggaan. Ang masaklap pa, tumapon sa suot niyang bestida ang cold coffee na dala ng nakabunggo sa kanya.

“Eeee! Ano ka ba naman! Hindi mo tinitingnan ang dinadaanan mo!” galit niyang sigaw.

Hindi naman magkandaugaga ang nakabuhos sa kanya.

“Sorry, miss, hindi ko sinasadya. ‘Di ko napansin na may kasalubong pala ako. Sorry talaga,” sabi nito na pinunasan ng hawak nitong panyo ang nabasa niyang damit.

Mas lalo siyang nanggigil nang makita ang nakabangga sa kanya.

“Hoy, masyondang t*bo! Sa susunod nga ay tingnan mo ang dinadaanan mo ha? Wala akong pakialam kung hindi mo ako napansin, ang siste ay ako pa ang mag-a-adjust sa iyo? T*bo ka na nga, tatanga-tanga ka pa! Sh*t ka, m*ron, imb*cile, f**k *o* ka!” gigil na sabi ni Shena na sinamahan pa ng pagmumura.

Ang totoo’y galit siya sa mga t*bo. Ayaw na ayaw niyang nakakakita ng t*bo, kumukulo ang dugo niya. Eh, ang malas ng nakabangga sa kanya na isang matadang t*bo na sa tingin niya ay nasa sisenta anyos na. Halata kasi sa pananamit, pagsasalita at kilos ang nakabangga sa kanya. Wala rin siyang pakialam kung matanda ito basta alerdyik siya rito. Hindi pa siya nakuntento, nang makita niyang ise-serve na sa mesa nila ang kanilang mga order ay kinuha niya ang inorder niyang inumin at isinaboy sa damit ng matanda.

Kahit sobrang napahiya ay patuloy pa rin itong humingi ng dispensa sa kanya at pagkatapos ay nagmamadaling umalis.

Napangisi si Shena na napatingin sa mga kaibigan.

“See? Malas lang niya at ako ang binangga niya,” natatawa pang sabi ng babae.

Nang sumapit ang araw ng kaarawan ni Alex na kanya raw future boyfriend ay todo bihis at postura si Shena. Nilapitan niya ang lalaki at sinimulang landiin.

“Happy birthday, Sir Alex! Mas lalo kang gumuwapo, a!” buong arte niyang sabi.

“Thank you, Ms. Reyes for the compliment. Ikaw din, you’re so beautiful tonight,” mapagkumbabang tugon ng lalaki.

“Sabi ko na nga ba, may tama rin ito sa akin, eh,” bulong ni Shena sa isip. “Naku, salamat po, sir. Nga po pala, darating po ba ang mama at papa mo ngayong gabi? Siyempre, ‘di nila palalampasin ang espesyal mong araw,” tanong niya.

Tumango si Alex. “Yeah, on the way na raw sila, nakita mo na si mama ‘di ba? Actually hindi talaga siya ang tunay kong ina. Inampon nila ako ni papa noong bata pa ako, pero minahal nila ako at itinuring na tunay na anak kahit hindi nila ako kaano-ano. Malaki ang utang na loob ko sa kanila sa lahat ng narating ko sa buhay,” bunyag ng lalaki.

Napamulagat si Shena sa narinig.

“A-ampon?” aniya na ‘di makapaniwala sa sinabi ng kausap.

Walang anu-ano ay napalingon si Alex sa dalawang tao na pumasok sa pintuan. Napangiti ang lalaki.

“Narito na pala sila, eh.”

Napanganga si Shena nang makita ang mga bagong dating, ang mga magulang ni Alex. Ipinakilala siya nito.

“Papa, mama, si Ms. Reyes, isa sa mga masisipag nating empleyado.”

Ang humarap sa kanya ay ang babaeng sinasabi niyang mala-donya sa dami ng alahas at mala-artista sa ganda kahit matanda na at laking gulat niya nang makilala ang papa ni Alex na siyang may-ari ng kumpanya.

“Oh my God!”

Ang tinutukoy na ama ng lalaki ay ang matandang t*bo na hiniya niya, pinagmumura at sinabuyan ng inumin sa coffee shop. Ang may-ari ng kumpanya na isa sa mga umampon kay Alex ay walang iba kundi si Raquel San Gabriel na isang matandang babae na may pusong lalaki. Kaya nga ‘papa’ ang gusto nitong itawag ni Alex ay dahil mas angat ang pagiging ‘ama’ nito kaysa sa pagiging ina. Ang matandang babae naman na itinuturing ng lalaki na ‘mama’ ay ang matagal nang kinakasama ng ‘papa’ niya na si Grezilda.

Parehong mabait at matulungin ang magulang ni Alex na kahit iba ang pananaw ng iba sa relasyon ng mga ito’y ipinagmamalaki niya ang mga taong nag-aruga at kumupkop sa kanya.

Napansin naman ni Shena na pinagbubulungan siya ng mga magulang ni Alex. Nakilala rin kasi siya ng matandang t*bo kaya kulang na lang ay lamunin siya ng lupa dahil mismong may-ari ng kumpanyang pinagtatrabahuhan niya ang hiniya niya’t pinagmumura. Sa sobrang kahihiyan ay nagtatakbo siya palabas ng opisina dahil wala na siyang mukhang maihaharap pa. Kinaumagahan ay ipinadala na lang niya sa opisina ang resignation letter niya at kahit kailan ay hindi na siya bumalik sa kumpanyang iyon.

Lingid sa kaalaman niya, totoong nagkakagusto na sa kanya si Alex subalit nang malaman nito ang ginawa niya sa ‘papa’ nito ay naglahong parang bula ang nararamdaman nito sa kanya.

Kay saklap na karma ang sumampal sa pagmumukha ni Shena sa sobrang niyang pagiging mapagmataas sa kapwa. Ngayon, wala na nga siyang trabaho, nawala pa sa kanya ang lalaking gustung-gusto niya.

Advertisement