
Sa Kagustuhang Makapasok sa Paaralan, Sinusuot ng Bata ang Malaking Sapatos ng Ama at Nilalagyan na Lamang ng Sipit Upang Sumikip; May Maawa Kaya sa Kaniyang Kalagayan?
“Nanay, tatay, gusto ko na pong pumasok sa paaralan!”
Sabik na sabik ang batang si Nestor sa ideyang papasok na siya sa paaralan. Sa tuwing naglalako kasi siya ng turon tuwing umaga, lagi niyang nakakasabay ang mga batang kagaya niya, nakasuot ng uniporme, may sukbit na bag sa kanilang likod, upang mag-aral.
Ganoon din ang eksena tuwing hapon naman, na muli siyang umiikot sa kanilang lugar. Napapatanong si Nestor sa sarili niya kung bakit hindi siya pumapasok sa paaralan.
“Wala tayong pera, anak. Wala tayong pambili ng uniporme mo, mga gamit, at sapatos,” sansala ng kaniyang Tatay.
Bumadha ang lungkot sa mukha ni Nestor.
“Gusto mo ba talagang mag-aral na, anak?” tanong ng kaniyang Nanay.
“Opo, Nanay. Gustong-gusto na po!” at muling bumalik ang ningning sa mga mata ni Nestor.
“Tutal kumikita ka naman sa pagtitinda mo ng turon, bibili na lamang ako ng tela sa bayan mamaya at magtatahi ako ng uniporme mo.”
At ganoon na nga ang ginawa ng kaniyang Nanay. Mula sa pinagbentahan ng mga turon ay nakabili ito ng malaki-laking tela, sapat upang maipanahi siya ng dalawang pirasong puting uniporme, at malaking shorts na khaki.
“Mabuti na lang anak at may nagbigay sa iyo ng bag, pinaglumaan ng anak ni Aling Pacing,” saad ng kaniyang Nanay.
Ngunit may isa pa palang problema si Nestor. Wala pala siyang sapatos na de goma papasok.
Sira-sira na ang tsinelas na kaniyang ginagamit sa tuwing naglalako siya.
“Alam ko na po ‘Nay! May nakita po akong lumang sapatos ni Tatay sa likod ng pinto natin. Nakatambak lang po ‘yun, baka puwedeng iyon na lang po ang gamitin ko.”
“Naku anak, pagkalaki-laki niyon! Baka madapa ka pa kapag isinuot mo iyon. Napulot iyon ng Tatay mo sa basurahan, eh mukhang ayos pa naman, kaya pinulot niya at paminsan-minsan ay ginagamit kung may pupuntahang mahalagang okasyon,” sabi naman ng kaniyang nanay.
Umalis saglit si Nestor at nagtungo sa lugar kung saan nakita niya ang tinutukoy na sapatos. Isa itong lumang itim na sneakers. Pangmalaking tao nga ang maaaring gumamit nito at hindi uubra sa kagaya ni Nestor.
Gayunman, isinukat pa rin ito ng bata.
“Puwede na po ito, ‘Nay. Lalagyan ko na lang po ng sipit sa likod para sumikip at hindi lumusot ang mga paa ko,” ani Nestor.
“Sigurado ka ba riyan, ‘nak? Hindi ka ba matatalisod sa gagawin mo?”
“Siguradong-sigurado po!”
At iyon na nga ang simula ng pagpasok ni Nestor sa paaralan. Dahil medyo kabubukas lamang ng mga klase, pinayagan pa rin si Nestor na makapasok nang i-enrol ito ng kaniyang nanay.
Sa araw-araw na pagpasok ni Nestor sa paaralan ay kapansin-pansin ang malalaki niyang sapatos at ang dalawang sipit na nasa bandang likuran ng mga ito. Pinagtatawanan siya ng mga batang nakakasalubong niya, maging ang kaniyang mga kaklase.
Kaya naman minsan, umuwi siyang naiiyak at nagsumbong siya sa kaniyang nanay.
“Pinagtatawanan po ako ng mga kaklase ko, ‘Nay. Ang laki-laki raw po kasi ng sapatos ko,” humihikbing sumbong ni Nestor.
Niyakap naman siya ng kaniyang nanay.
“Anak, huwag mo na lamang silang pansinin. Hayaan mo, iraraos natin na maibili ka ng sapatos na para sa iyo talaga, para hindi ka na rin mapagtawanan ng mga kaklase mo,” pangako ng kaniyang nanay sa kaniya.
“Talaga po, ‘Nay? Pangako po ninyo sa akin ‘yan?”
“Oo anak, basta ba at mag-aaral kang mabuti ha? Tanging pag-aaral mo lang ang maipapamana namin sa iyo ng Tatay mo. Kaya mag-aral kang mabuti. Kaunting tiis lang naman.”
Tinandaan na lamang ni Nestor ang mga sinabi ng kaniyang nanay.
Isang araw, masayang-masayang umuwi si Nestor. May hawak siyang isang kahon ng sapatos.
“Nanay, tingnan po ninyo,” nasasabik na sabi ni Nestor. Binuksan nito ang hawak na kahon. Tumambad ang isang bagong-bago at makinis na itim na sapatos.
“Anak, saan mo nakuha ang sapatos na iyan?”
“Bigay po ito ng mga teachers ko. Tinawag po nila ako sa faculty room nila kanina, tapos iniabot po nila sa akin iyan. Sabi po ng adviser ko, nag-ambag-ambag daw po ang mga teachers ng pera para mabilhan nila ako ng bagong sapatos na para sa akin talaga,” tuwang-tuwang salaysay ni Nestor sa kaniyang nanay.
Kaya naman kinabukasan, sumama ang Nanay ni Nestor sa paaralan. Pinasalamatan niya ang mga guro ng anak dahil sa kanilang ginawa para sa anak.
Naniniwala siyang sa ipinakikitang determinasyon ni Nestor, alam niyang makakamit ng anak ang mga pangarap nito. Bilang isang ina, gagawin niya ang lahat upang maabot nito ang mga iyon.

Hindi Pumayag ang Ama ng Babae na Maging Inhinyero Siya Dahil Gawaing Panlalaki Umano Ito; Susundin Ba Niya ang Dikta Nito at Kalilimutan ang Sariling Pangarap?
