Una Sa Lahat, Pangalawa Ako
Perpekto kung maituturing ang samahan nila Ramil at Anna. Tulad rin sila ng isang tipikal na pamilya na ang mister ang naghahanapbuhay at ang misis ang nagaasikaso sa bahay. Maganda ang trabaho ng lalaki bilang isang piloto at ang misis naman ay isang dakilang maybahay. Siya mismo ang nag-umaasikaso sa kanyang asawa at sa kanilang nag-iisang anak na si Andrei. Dahil sa uri ng trabaho ng Mister ay talagang nakakaluwag sila sa buhay.
Madalas wala si Ramil dahil sa kaniyang trabaho at malimit itong umuwi minsan dalawang Linggo. Ngunit pag umuuwi naman ito, sinisigurado naman niyang makabawi siya sa kanyang mag-ina. Ipinapasyal niya ang mga ito. Nariyan na kumain sila sa labas, mag-hotel sila o pumunta sila sa mall. Marami ring pasalubong ang mister. Madalas niyang bilhan ng laruan ang anak, marahil ay pampuno na rin sa mga oras na hindi siya nito kasama.
Maganda ang pagsasama ng dalawa. Malambing ang kanilang turingan at kahit matagal ng nagsasama ay halata parin nag kilig sa isat-isa. Madalas ngang kainggitan si Anna ng kanyang mga kumare. Saksi kasi sila sa magandang pagtitinginan ng dalawa.
“Ma-swerte ka rin diyan sa asawa mo ano, Anna. Maganda na ang trabaho’y kuntodo pang iparamdam sa inyo ang kanyang pagmamahal.”, sabi ng kumare niya. Ngumiti ang misis bilang pagsang-ayon.
Ngunit sa kabila ng lahat ng ito ay malaki ang tampo sa kanya ng anak na si Andrei.
‘Bakit palaging wala si Daddy, Mommy?” sambit ng anak sa kanyang ina.
“Piloto kasi ang Daddy mo. Alam mo naman iyon hindi ba?” sambit ng ina.
“At alam mo ba kung ano ang gingawa ng mga piloto?” dagdag nito.
“Nagpapalipad po ng eroplano, Mommy.” sagot nito.
“Tama. At ang Daddy mo ang pinakamagaling na piloto. Malalayo ang mga lugar na pinupuntahan niya anak para maihatid niya ang ibang tao na gustong maglakbay. Kaya si Daddy, hindi siya nakakauwi kaagad.”, pagpapaliwanag ni Anna. “Kaya anak, huwag ka nang magtampo sa Daddy mo, okay?”, paghiling niya pa.
“Opo Mommy. Sabagay po, tuwing nandito naman po siya ay pinaparamdam niya saking gusto niya ako makasama. Nararamdaman ko po iyon tuwing naglalaro kami.” wika ng anak.
Lumipas ang mga panahon at ganito ang kanilang naging siste. Aalis si Ramil upang magtrabaho at babalik din ng kada dalawang Linggo. Kaso sa paglaki ni Andrei, mas hinahanap na nito ang kanyang ama pagkat maraming pagkakataon na kailangan siya ng nagbibinatang anak ngunit wala ito.
“Ano pa, Ma? Ano pa pong pagdiriwang ang wala si Daddy? Nakaraan wala siya sa aking kaarawan. Noong anibersaryo ninyo, mag-isa ka lamang na nagdiwang. Araw ng pamilya sa aming paaralan, ikaw at si lolo lamang ang laging dumarating. Ngayon, araw ng aking pagtatapos, wala pa rin siya?”, pagtatampo nito.
“Mahalaga ba talaga ako kay, Daddy, Ma?”, pagpapatuloy ng anak.
“Huwag kang magsalita ng ganyan, anak. Alam mo naman kung gaano tayo kamahal ng Daddy mo. Kung gaano siya naghahanapbuhay upang maibigay ang buhay na mayroon tayo.”, pagpapaliwanang ni Anna.
“Pero siya ang kailangan ko, Ma!” padabog na nagtungo si Andrei sa kanyang silid.
Alam ni Anna na kahit ano pa ang sabihin niya ay masasaktan ang anak kung hindi makadadalo ang ama nito sa kanyang pagtatapos.
Isang araw sa paaralan ay nakasalubong ni Andrei ang isa niyang mayabang na kaklase kasama ang mga tropa nito. Walang ginawa ang mga ito kundi asarin ang binata pagkat matindi ang inggit ng mga ito sa kanya.
“Hoy Andrei bugok!” malakas na tawag ng kaklase sa kanya sabay tawa ng mga ito. “May alam kasi sa tatay mo!”, patuloy parin ang tawanan ng mga ito.
“Ano na naman yang pinagsasasabi nyo diyan. Wala na naman kayong magawa.”, patuloy itong naglalakad palayo.
“Teka! Teka! Teka! Makinig ka muna kasi parang importante ito, eh.”, mayabang sa salita ng isang binata.
“Nakita namin ang Daddy mong piloto! At alam mo matindi? May ibang minamaneho!”, sabay tawa ng mga kalalakihan.
“Anong ibig niyong sabihin?”, pagtataka ni Andrei.
“Hindi mo talaga alam? May kalaguyo ang Daddy mo!”
“Bawiin mo yang sinasabi mo! Imposible yan!”, galit na sabi ni Andrei. Sa sobrang pikon nito ay sinuntok niya ang lalaki. At doon na nagkagulo. Inawat sila ng mga guro. Habang may pasa sa kanyang mga mukha ay minabuti muna ni Andrei na magtungo sa isang mall upang magpalamig.
Sa hindi inaasahang pagkakataon ay nakita niya ang ama na pumasok sa isang tindahan sa loob ng mall. Napangiti siya at kanya itong sinundan.
“Siguro ay bibili si Daddy ng regalo na iso-sorpresa sa akin”, wika nito sa sarili.
Lalapitan niya sana ito ng biglang may lumapit na isang ginang at isang dalaga sa kanyang ama. Hinalikan ng Ama ang ginang sa pisngi at ang dalagang kasama nito. Kitang kita ni Andrei kung gaano kasaya ang tatlo na tila isang pamilya.
“Dad.” wika niya.
Napalingon sa kanya ang Ama at gulat na gulat ito.
“Kaya pala wala kang panahon sa amin. Ito pala ang inaatupag mo!”, pa-sigaw na wika sa ama.
“At ikaw babae ka! Okay lang sa inyo na nakakasira kayo ng pamilya? Ang saya-saya nyo pa! Dad! Paano mo ito nagawa kay Mommy? Sa amin?! Wala kang kwenta!” mariin nitong sumbat sa ama.
Hindi na hinintay pa ni Andrei na magpaliwanag ang ama. Dali dali itong tumakbo palayo at umuwi sa bahay. Doon ay naglabas siya ng saloobin sa ina.
“Ma! Nakita ko si Daddy sa mall, may kasamang ibang pamilya! Pinagpalit na niya tayo! Tama ang kaklase ko. Kaya hindi umuuwi sa atin si Daddy ay dahil may kalaguyo siya! Ang sama-sama niya–”, natigilan siya ng makita niya ang reaksyon ng ina na tila alam nito ang nagyayari.
“Ma, alam nyo to? Alam nyo na may kalaguyo ang Daddy? At ayos lamang sa inyo? Bakit, Ma?!” nanlulumong wika ng anak.
“Tama ka, anak. May kalaguyo ang Daddy mo. Pero hindi iyong babaeng nakita mo.” wika ng ina.
“Sino, Ma? Sino!?” pasigaw na tanong nito.
“Ako!” umiiyak na sambit ni Anna.“Ako, Anak. Ako ang kalaguyo ng Daddy mo at sila ang orihinal na pamilya!”, napaluhod sa pag-amin ang ginang.
Hindi nila napigilan ang mga sarili at si Andrei ay lubusan ang galit sa kanyang Ama.
Sa tagal ng taon kasi ay itinago nila Ramil at Anna ang kanilang sitwasyon sa kanilang anak. Hindi rin mapakawalan ni Anna ang ama ni Andrei pagkat lubusan silang nagmamahalan.
Dumating si Ramil sa gitna ng pag-uusap. Humingi ito ng tawad sa anak. Ang katunayan ay inaayos na ni Ramil ang diborsyo sa unang asawa. Tanggap naman nito na palayain na si Ramil. Napagkasunduan na nila na tuluyan nang maghihiwalay.
Ang pagkikitang naganap na nasaksihan ni Andrei ay ang kanilang pag-uusap para sa gagawing legal na aksyon. Alam niyang mahirap at matagal siyang mapapatawad ng anak ngunit nangako siya na itatama ang lahat.
Hindi naglaon napatawad na rin ni Andrei ang kanyang ama at natuluyan na silang nagsama-sama ng masaya at bilang isang buong pamilya.