Inday TrendingInday Trending
I-Bida Mo Naman Ako sa Facebook!

I-Bida Mo Naman Ako sa Facebook!

Isang hapon, habang tumitingin-tingin ng mga post sa Facebook ay hindi maiwasang mainggit ni Marissa. Nariyan kasi ang larawan ng kanyang mga kaibigan na nagbabaksyon. Ang ilan ay nagpupunta pa sa ibang bansa at ang iba naman ay sinusulit ang ganda ng mga karagatan dito sa Pilipinas.

Nariyan pa ang larawan ng mga magkasintahang kumakain sa mamahaling restaurant. At siyempre, hindi mawawala ang picture ng pagbibigay ng mga nobyo mula sa pinakamaliit na regalo tulad ng mumurahing tsokolate o tsitsirya na may kasamang love letters hanggang sa pinakamalaking sorpresa tulad ng “proposal sa kasal”. Ngunit ang tumawag ng pansin ni Marissa ay ang post na naka-tag kay Karen.

Paano ba naman kasi, ang bongga nito. Nag post ng larawan ang asawa ni Karen ng isang bagong sasakyan at ito ang regalo nito sa kanilang anibersaryo ng kasal. Kaakibat ng larawan ay ang napakalambing na mensahe nito. Napaka daming “likes” ng nasabing post.

Hindi maiwasan ni Marissa ang lubusang mainggit pagkat hindi na niya maalala kung kailan nag-post ang asawang si Jonas tungkol sa kanya o sa kanilang pagsasama. Malambing naman ito kung tutuusin ngunit hindi pa siya nakatanggap ng kahit anong appreciation post mula dito. Naisip niya na baka hindi siya ipinagmamalaki ng mister.

Sa pagtataka ay naisipan nitong tanungin ang lalaki. “Mahal, bakit hindi ka nag po-post sa Facebook ng kahit anong tungkol sa akin?” anito.

“Bakit? Kailangan ba?” sagot ng asawa.

“Kasi kahit noong kaarawan ko, ni hindi ka man lamang nagbigay ng mensahe sa akin.” wika niya.

“Nagbigay ako ng mensahe sa iyo hindi ba? At sinabi ko ito sa iyo nang harapan. Hindi pa ba iyon sapat?” tugon ni Jonas.

Oo nga naman, mas mainam nga naman na personal sabihin ang mensahe ngunit mas nakakakilig kung malalaman din kasi ito ng madla, hindi ba? Iyon ang umaandar sa isipan ni Marissa ngunit hindi na niya iyon pinakawalan sa kanyang bibig. Dama pa rin ang inggit, lihim na umaasa si ang babae na isang araw ay makatanggap din siya ng ganitong post mula sa asawa.

Hindi namamalayan ni Marissa na tila naging tagasubaybay na siya ng post ni Karen at ng asawa nito. Unti-unting lumaki ang inggit kaysa paghanga sa pagsasama ng nasabing mag-asawa. Minsan naisipan niyang magpost ng tungkol sa kanya gamit ang account ng kanyang asawa. Nang malaman ito ni Jonas ay lubha itong nagalit at binura iyon agad.

“Ano ba ang problema mo? At ano ba ang gusto mong patunayan sa mga tao?” pagalit na wika ni Jonas.

“Wala! Bakit ayaw mo akong hayaang magpost ng tungkol sa akin? Asawa mo naman ako. Bakit? Natatakot ka ba na may makakitang iba? Ikinahihiya mo ba ako, Jonas?” sambit ni Marrisa.

“Hindi ko gusto ang ginawa mo. Bakit hindi mo hintayin na ako ang gumawa? At saka tandaan mo hindi nasusukat sa post sa Facebook ang pagsasama at pagmamahalan ng mag-asawa o ng kahit sino!” Inis na tugon ng lalaki.

Natahimik na lamang si Marissa. Siguro nga ay sobra ang pangingialam na kanyang ginawa. Ngunit sobra rin naman yata ang naging reaksyon ng kanyang mister.

Patuloy na sinubaybayan ni Marissa ang post ni Karen at ng asawa nito. Sa pagkakataong ito ay ni-like naman niya ang naka-tag muli na larawan kay Karen na mga bulaklak at tsokolate. Tulad ng dati ay kalakip na naman nito ang isang matamis na mensahe para sa dati niyang kaklase.

Nang kanyang i-like ang post, nagulat siya na bigla na lamang nag-chat sa kanya si Karen.

“Kumusta ka, Marissa?” unang pinadala nitong mensahe.

“Maayos naman ako. Ikaw kumusta? Napak- sweet ninyo ng asawa mo sa Facebook. Parang nilalanggam kayo parati.”, tugon naman niya.

“Oo. Malambing kami ng aking asawa sa Facebook- ngunit sa Facebook lamang.”, sumunod nitong mensahe.

“Ano ang ibig mong sabihin?”, pagtataka ni Marissa.

“Marissa, alam mo ba, ayoko na sa relasyong ito. Sinasaktan niya ako at lagi niya akong niloloko! Ayoko na.” pagbulalas ni Karen ng totoong saloobin.

“Iyang mga larawan na iyan ay pulos kasinungalingan lamang. Pagbabalat-kayo pagkat gusto niyang isipin ng mga tao na nasa ayos kaming kalagayan pero ang totoo ay sirang- sira na kami at gusto ko nang sumuko. Ngunit ayaw niya akong pakawalan. Ang sabi niya ay masisira raw ang kanyang reputasyon kung kami ay maghihiwalay. Magiging tampulan daw kami ng tukso at usapan.”dagdag nito.

“Ang mga regalo na ibinibigay niya sa akin ay upang mapagtakpan ang lahat ng kamaliang kanyang ginawa. Nakita mo ba ang kotse na iyan. Ibinigay niya iyan sa akin bilang regalo noong anibersaryo ng aming kasal. Bago ang araw na yan ay nahuli ko silang nagsisiping ng kanyang babae dito mismo sa aming tahanan. Ang dami ng bulaklak at tsokolate na naka post ay sing dami din ng mga bugbog na aking natanggap.” pagpapatuloy nito.

Hindi alam ni Marissa ang sasabihin sa kanyang pagkagulantang.

“Kaya naiinggit ako sa relasyon ninyong mag-asawa. Hindi bukas ang inyong relasyon sa social media. Kaya wala kayong pananagutang eksplanasyon sa lahat. Magagawa ninyo ang inyong naisin ng walang iniintinding may huhusga sa inyo o kayo ang magiging paksa ng tsismisan. Kung papipiliin ako ay mas gusto ko ang relasyon na mayroon kayo. Tahimik. Panatilihin ninyong ganyan.”, pagtatapos ni Karen.

Dito na natauhan si Marissa. Buong akala niya ay si Karen na ang pinaka swerteng babae sa mundo. Ngunit sa kabila pala ng lahat ng magaganda at nakakainggit na larawan ay may nakatagong kwento. Tama nga naman ang sinasabi ng asawa. Kanyang napagtanto na kahit hindi nga nagbibigay ito ng malambing na mensahe sa facebook ay araw-araw naman itong umuuwi sa kanya at tinutulungan siya sa mga gawaing bahay.

Kahit na hindi siya binigyan ng mensahe sa Facebook noong kanyang kaarawan ay hindi kailanman nito nalimutan ang espesyal na araw ng misis at ang lahat ng kanyang paborito. Wala mang magarbong paandar na ipinakikita sa social media ay higit kailanman hindi siya nito sinaktan o niloko. Dito niya lubusang binigyang halaga ang mga tinuran ng mister.

Simula noon ay napagtanto ni Marissa na hindi lahat ng nakikita sa social media ay totoo at dapat kainggitan. Hindi natin kailangan ikumpara ang ating sarili sa iba.

Advertisement