Si Ginang Mercedes
Nagtataka si Gina sa ikinikilos ng kaniyang isang kapitbahay. Bagamat bago si Gina sa lugar ay hindi niya maunawaan ang matandang babae na nakatira sa tapat ng kaniyang tinutuluyan. Ang bahay ng matanda ay isang bungalow na halata na ang kalumaan. Mayroon itong malawak na bakuran na may mga halaman. Madalas ay makikita mo rin siyang inaasikaso ang kaniyang mga tanim.
Tuwing maglalakad si Gina papasok sa trabaho ay malimit niya itong makita na sumisilip sa bintana ngunit sa tuwing maaabutan niya itong nakatitig sa kaniya ay mabilis na sinasarado ng babae ang bintana. Kung makikita naman niya ito sa may terasa ay agad naman itong pumapasok sa loob ng bahay kapag napansin niyang may taong nagmamasid sa kaniya.
Tuwing madaling araw mula araw ng Martes hanggang Linggo ay nakikita niya itong naglalakad ng mag-isa patungong simbahan at babalik sa kaniyang tahanan ng alas syete y medya ng umaga.
Tipid din itong magsalita at hindi rin madalas umiimik ngunit galit na galit ito kapag pinakikialaman ang kaniyang mga tanim lalo na ang santan na nasa labas ng kaniyang gate.
Hindi nakaligtas dito si Gina nang malaglag ang kaniyang barya malapit sa tanim na santan ng matanda. Mayamaya ay narinig niya ang matining na tinig nito na papalapit sa kaniya.
“Lumayo ka riyan at masisira ang mga santan ko!” sigaw nito.
“Pinupulot ko lamang po ang aking barya,” sagot ng dalaga.
“Kung napulot mo na ay lumayas ka na riyan. Ayokong masira ang mga santan ko!” anito.
Nakaramdam ng labis na inis si Gina. Sapagkat hindi naman niya sinasadya ang pangyayari at hindi niya nais sirain ang tanim nito ngunit ayaw siyang pakinggan ng matanda. Napakataray nito.
Isang araw ay nakita niya itong may hawak ng walis at pinapababa ang dalawang binata mula sa puno ng mangga na nasa kaniyang bakuran.
“Bumaba kayo riyan! Ngayon na!” sigaw nito. “Baba! Sinabi nang baba!” patuloy nito sa pagsigaw.
Hindi lamang si Gina ang nakatanaw sa matanda kung ‘di pati na rin si Gng. Mercedes, ang mayamang kapitbahay ni Gina. Malaki ang tahanan nito at may iilang sasakyan. Nakapustura ito palagi. Dahil sa kaniyang antas sa buhay ay sikat sa kanilang lugar si Gng. Mercedes. Sa kabilang tabi naman ni Gina ay ang kaherang si Aling Josie.
“Hay, naku!” sambit ni Aling Josie. “Tara na at nagtataray na naman ang matandang iyan!” pagpapatuloy nito habang pabalik ng bakuran upang magtanggal ng sinampay.
“Parang wala ngang puso. Marami-rami naman ang bunga ng mangga. Bakit ayaw niyang mamigay? Napakataray niya!” sambit ni Gina.
“Hayaan niyo na siya! Ganiyan naman talaga iyan!” pagwawalang bahala ni Gng. Mercedes.
Kinabukasan ay araw ng kapistahan sa kanilang barangay at ang lahat ay abala. Dumalo ng misa si Gina at mataimtim na nagdasal. Tumanaw-tanaw siya sa paligid at nakita niya ang ilang kapitbahay kabilang na si Aling Josie, si Gng. Mercedes at ang matandang babae. Sa dulo ng misa ay binanggit ang taos pusong pasasalamat ng simbahan para sa malaking donasyon na ibinigay ni Gng. Mercedes. Nagpalakpakan ang lahat.
Sa isang kartolina din na nakapaskil sa may barangay ay nakita ni Gina ang pangalan ni Gng. Mercedes na nagbigay ng pinakamalaking donasyon para sa mga palaro sa piyesta. Narinig din niya ang mga bulong-bulungan ng mga tanod doon.
“Napakabait talaga niyang si Gng. Mercedes, ano?” wika ng isang tanod. “Akalain mo’t sinagot na rin niya ang mga pagkaing ihahain para sa mga kabataang mahihirap sa ating lugar,” dagdag pa nito.
“Ang alam ko nga ay nagbigay rin siya ng tulong para sa mga proyekto ng barangay,” tugon naman ng isa pang tanod.
“Hindi ba mayroon tayong seminar sa susunod na buwan? Pati na rin iyong programa para sa dagdag na kabuhayan ng mga ina ay mayroon din siyang tinulong doon,” patuloy na kwento ng tanod. “Parang walang magawa nga sa pera iyang si Gng. Mercedes. Napakabuti niya.” dagdag pa nito.
Habang naglalakad si Gina ay nakasalubong niya ang matandang kapitbahay. Babatiin niya sana ito ng isang magandang umaga ngunit halata ang pag-iwas nito kaya hindi na lamang ito nilapitan ng dalaga.
Patuloy sila sa paglalakad at sa lalim ng iniisip ay hindi namalayan ni Gina na malapit na siya sa kaniyang tinutuluyan at nasa tapat na siya ng bahay ng matanda. Hindi niya napansin na tumama ang payong niyang dala-dala sa tanim na santan ng matanda.
“Hindi ba sinabi ko na sa iyo na lumayo ka sa santan ko?! Anong hindi mo maintindihan doon?!” galit na wika ng babae. “Hindi ko ho sinasadya. Pasensya na,” pagpapaumanhin ng dalaga. “Wala akong pakialam sa paumanhin mo. Ang nais ko ay umalis ka riyan!” wika ng matanda.
Sa sobrang galit ni Gina ay napagsalitaan niya ito ng ‘di maganda. “Ano ho bang problema ninyo? Dahil lamang sa santan ay galit na galit na kayo? Siguro kaya kayo mag-isa diyan kasi walang makatagal sa ugali ninyo!” mariin nitong wika sa matanda.
Natahimik ang matanda at bigla na lamang itong pumasok sa kaniyang bahay.
Nabigla din si Gina sa kaniyang mga sinabi. Patuloy ang kaniyang pagtataka. Lalo na nang makita niyang ang matanda na dumiretso lamang sa loob ng bahay at sinarado ang mga bintana at pintuan nito.
“Piyestang piyesta ayaw niyang makihalubilo. Ano kaya ang tinatago ng matandang iyan?” bulong ng dalaga sa sarili.
Natapos ang mariwasang araw ng kapistahan. Habang pinagmamasdan ni Gina ang mga naglilinis na kapitbahay ay hindi nito maiwasan na tumanaw sa bahay ng matandang babae na saradong sarado pa rin ang bahay.
“Parang may problema sa akin ang matandang iyon,” wika ni Gina kay Aling Josie.
“Huwag mo nang pansinin at ganiyan lamang ;yan talaga,” tugon ni Aling Josie.
“Kaninang umaga babatiin ko sana siya pero parang masama ang tingin niya sa’kin at parang umiiwas. Hindi ko na tuloy siya nilapitan. Tapos hindi ko sinasadya pero natamaan ko ang halaman niyang santan. Nagpaumanhin naman ako pero pinalalayas niya ako at huwag na daw makalapit-lapit pang muli sa halaman niya.” Paglalahad ng dalaga.
“Hayaan mo na siya. Nakakaawa nga siya. Alam mo ba, dati raw ay magiliw ‘yan. Madalas mo raw silang makikita diyan sa may halaman ng kaniyang asawa noong araw. Tinanim daw ‘yan ng asawa niya upang ipaalala ang kanilang kabataan. Magkababata kasi silang dalawa at mahilig daw silang mamitas ng santan noon.” Kwento ni Aling Josie.
Gulat na gulat si Gina sa narinig.
“Kaso nam*tay sa aksidente ang kaniyang asawa. Hindi rin naman sila nagkaanak. At mula noon ay puno na ng lungkot ang kaniyang buhay,” pagpapatuloy ni Aling Josie.
“Kaya pala ganoon na lamang ang pag-aalaga niya sa kaniyang mga halaman.” Napagtanto ni Gina.
“Oo. Tsaka mabuti naman ang kalooban niyang si Gng. Mercedes,” sagot ni Aling Josie.
“Ha? Gng. Mercedes? Dalawa silang Gng. Mercedes dito?” gulat na wika ni Gina.
“Oo. Iyang si Gng. Mercedes na mayaman nating kapitbahay ay Mercedes ang unang pangalan. Wala naman iyang naiaambag dito sa komunidad kung ‘di ang pagiging mahangin niya. Pero iyang matandang babaeng iyan ay Gng. Mercedes din ang tawag sa kaniya sapagkat iyon ang kaniyang apelyido. Sa totoo lang ay walang nakakaalam sa una niyang pangalan. Gusto na lamang niyang tawagin siya ng ganoon alang-alang sa kaniyang yumaong asawa.” Paglalahad ni Aling Josie.
“Lahat ng pensiyon niya ay itinutulong niya rito sa barangay. Maaari siyang magpagawa ng kaniyang bahay ngunit mas pinipili na lamang niya ang tumulong,” dagdag pa nito.
Hiyang-hiya si Gina sa kaniyang ginawa at mga nasabi sa matandang babae. Mabilis niya itong hinusgahan. Kinaumagahan ay tumungo kaagad si Gina sa matanda at humingi ito ng tawad. Bilang ganti sa kaniyang mga nagawa ay humingi rin siya ng pahintulot kung maaari ba niyang tulungan ang matanda na maglagay ng paskil sa tarangkahan upang wala nang gumalaw pa sa mga tanim niyang santan. Pumayag naman ito at mula noon ay wala nang gumambala pa sa mga tanim ng matandang babae.