Halos anim na taon nang magkasintahan sila Robert at Gemma. Kahit magkaiba ang kanilang personalidad ay masasabing naba-balanse naman nila ang kanilang relasyon. Magaling makihalubilo sa tao si Robert at may pagkamahiyain naman si Gemma.
May pagkamahangin ang lalaki at si babae naman ay ubod ng matulungin sa kapwa. Sa pananamit rin ay iba ang kanilang panlasa. Si Robert ay lubhang maporma at si Gemma naman ay simple at may pagka-old fashioned. Sa tagal nila ay masasabing hindi naman alintana ng dalawa ang mga pagkakaibang ito.
Nagtatrabaho bilang isang kahera si Gemma. Si Robert naman ay natanggap bilang isang Medical Representative. Simula ng napasok dito si Robert ay nag-iba na ang ihip ng hangin. Dahil sa laki ng kinikita nitong komisyon at mga pribilehiyo na nakukuha sa kumpanya ay madalas nitong maliitin ang trabaho ng kasintahan.
“Sinasabi ko na sa iyo, wala kang kahihinatnan diyan sa trabaho mo.” pagmamaliit ni Robert.
“Masaya ako sa aking trabaho. Saka kakapasok ko pa lang naman. Hayaan mo at magpapakitang gilas ako baka mangyaring ako’y mapansin sa aking abilidad at ma-promote.” tugon ng babae.
“Magpapakitang gilas sa paanong paraan? Sa paglalagay ng pera sa kaha? O sa paglalagay ng mga pinamili sa supot?” sambit ni Robert.
“Grabe ka naman magsalita. Huwag mo naman maliitin ang aking trabaho. Marangal naman ito.” wika niya.
“Saka sa pagkamahiyain mo na yan at sa tipo ng iyong pagsusuot ng damit, sa tingin ko nga ay mapapansin ka. Mapapansin ka at pagtatawanan.”
Nasasaktan man si Gemma ay ayaw na lamang niyang sumagot dahil ayaw niyang magkaroon sila ng away ng nobyo. Iniintindi na lamang niya ito pagkat baka nga tama ang kanyang sinasabi. Losyang kasing pumorma si Gemma at masyado nga itong mahiyain.
Nagpatuloy ang ganitong gawain ni Robert. Walang araw na hindi niya kinutya ang trabaho ng nobya kaya umiiwas na lamang si Gemma. Hindi naglaon, mas tumaas na ang posisyon ng lalaki. At lalong nadagdagan ang kayabangan nito.
Hindi na rin ito madalas mahagilap pagkat lagi itong kasama ng mga kasamahan sa trabaho sa mga bar at sa mga kasiyahan gabi-gabi. Nakikita rin ni Gemma ang pagiging malapit nito sa ibat-ibang babae.Talagang kaylaki ng naganap na pagbabago kay Robert. Kaya isang araw minabuti ni Gemma na kausapin ang kasintahan.
“Robert, baka nakakalimutan mo na ang ating plano na kapag tayo ay nakaipon na ay magpapakasal na tayo. Ngunit parang wala na ito ngayon sa isipan mo. Ang laki na ng pinagbago mo.” wika ni Gemma. “Hindi ka naman ganyan dati. Ngayon binabalewala mo na ako. Nasanay na nga ako sa pangmamaliit mo sa aking trabaho, pero wag ka naman umakto na parang wala kang kasintahan.
Nasasaktan kasi ako. Mula nang pumasok ka riyan sa trabaho na yan ay sobra na ang pinagbago mo. Parang hindi na kita kilala.
Saka akala mo ba hindi ko napapansin ang mga nalalapit sayo iyong mga babae? Parang wala ako sa buhay mo. Ano ba talaga ang lagay natin ha?” pagtatanong ni Gemma.
Nainis si Robert sa lahat ng kanyang narinig. “Alam mo kung napupukaw mo lamang ang atensyon ko sa ganda mo ay hindi naman ako titingin sa iba. Tingnan mo naman ang diperensya ninyo ng mga babaeng nakikilala ko. Lahat sila ay mataas ang pangarap.
Hindi lamang maging isang kahera sa mall. Kung pumostura sila ay tila mataas ang tingin nila sa kanilang mga sarili. Hindi tulad mo na kasing edad ko lamang pero parang manamit ay parang lola ko na.” dire-diretsong wika ni Robert.
“Wala kang pakialam sa pagbabago ko, dahil nakakatamad na ang relasyon na ito. Ni hindi na nga ako nasasabik sa iyo. Masyado kang malamya. Masyado kang walang dating.” dagdag pa nito.
Sa puntong ito hindi na naiwasan ni Gemma ang lumuha at manliit sa sarili.
“Sa lahat ng tao, sa iyo ko pa maririnig ang lahat ng ito. Ang mabuti pa ay maghiwalay na tayo.”marahang sambit ng dalaga.
“Eh ‘di maghiwalay. Sino ang tinakot mo? Sa totoo lamang naman ay marami ang pwedeng pumalit sa iyo. ‘Di hamak na mas maganda, mas maporma, mas matalino, mas mahubong ang katawan at mas nakakasabik. Hindi mo lang alam na sa mga sinasabi mong iyan ay ginagawan mo ako ng pabor.” mariin nitong tugon.
Parang pinagsakluban ng langit at lupa si Gemma sa lahat ng kanyang narinig. Hindi niya akalain na ang lahat ng masasakit na salitang ito ay manggagaling pa mula sa kanyang pinakamamahal. Tila nawala na ng tuluyan ang lalaking kanyang inibig ng ilang taon.
Maraming taon din ang binilang mula nang huling pag-uusap na iyon ng dalawa. At hindi sinasadyang pagkakataon ay muli silang nagkita sa isang bagong tayong mall. Kung titignan ay walang pinagbago sa pananamit ni Gemma. Simple pa rin ito hindi masyadong mapustura. Malaki na ang pinagbago ni Robert. Mataas na ang kanyang posisyon at nakapangasawa na rin ito.
“Kamusta ka na, Gemma. Wala ka parin pinagbago ha?”pagtatanong ni Robert.
“Ayos naman.” tipid na sagot nito.
“Sa mall ka parin nag ta-trabaho?” wika ni Robert.
“Oo. Sa katunayan, dito sa mall na ito.”tugon ni Gemma.
“Hindi ka pa rin talaga nagbabago ha!” Natatawang sambit ni Robert. “Sabagay maswerte ka at maari kitang tulungan. Alam mo ba na asawa ko ang manager sa lugar na ito. Kung may problema ka ay pwede kitang ilapit upang humingi ng tulong sa kanya.” pagmamayabang nito.
“Alam mo napakaswerte ko sa asawa kong iyon. Magaling manamit at napakaganda. Ang hubog ng katawan ay talaga namang nakakahalina. At iba ang dedikasyon niya sa trabaho kaya naman napromote agad! Papunta nga ako sa kanyang opisina ngayon. Ikaw saan ka?” wika nito.
“Ganoon ba. PPapunta rin ako sa dako roon. Siguro ay madadaanan ko ang opisina ng iyong asawa.” sambit ni Gemma. “Tamang tama at pwede kitang ipakilala. Malakas na kapit ang asawa ko lalo na sa kagaya mo.” pagmamataas ni Robert.
“Huwag na,Robert. Marami pa akong trabaho. May naghihintay din sa akin kaya kailangan ko nang mauna.” nagmamadaling umalis si Gemma na tila umiiwas.
Nagtungo si Robert sa opisina ng asawa upang sunduin ito at sabay silang magtanghalian. “Hindi ka maniniwala sa aking nakita. Andito ang dati kong kasintahan at nagta-trabaho siya sa mall na ito. Sabi ko nga ay maari mo siyang tulungan pag nagkataon.”, kwento ni Robert.
Habang naglalakad patungo sa kakainang restaurant ay nakita ng asawa ni Robert ang kanyang boss. “Tara mahal ipakikilala kita sa may-ari nitong mall. Naku tunay na magaling at kahanga-hanga siya pagkat itinaguyod niya ang mall na ito sa sarili niyang pagsisikap.
Ang galing nga eh, kasi akalain mo malapit na siyang ikasal sa nag-iisang tagapagmana ng mga airport dito sa bansa. Ang bali-balita ay nahulog ang loob ng lalaki sa aming amo pagkat nakita daw niya ang angkin nitong ganda at talino pati narin ang linis ng kanyang kalooban.” masayang pagkukwento ng asawa ni Robert.
Unti-unti silang lumapit sa babae at pagharap nito ay hindi inaakala ni Robert ang kanyang makikita.
“Madam Gemma, gusto ko nga po palang ipakilala sa inyo ang aking asawa, si Robert.” pagpapakilala ng misis nito.
Ngumiti lamang si Gemma at umarte na tila hindi nito kilala ang dating kasintahan. “Ikinagagalak kong makilala ka, Robert.” wika ni Gemma.
Tila gusto na lamang ni Robert na mawaala siyang parang bula dahil sa kahihiyan niya sa pangmamaliit kay Gemma. Ang hindi nito alam ay pagkatapos nilang maghiwalay ay nagsikap masyado ang dalaga, pumasok sa ibat-ibang uri ng trabaho at nang makaipon ay pinalad sa negosyo at nagtagumpay hanggang makamit niya ang pinapangarap na mall.
“Alam mo, Robert. Dati akong kahera sa isang mall. Ang dami kong dinaanan para makamit ang kinalalagyan ko nagayon. Kaya kung meron kang kakilala na may problema sa trabaho ay baka maari ko siyang matulungan.”, nakangiting pagtatapos ni Gemma.