Bata pa lang si Nicole ay restawran na ang negosyo ng kanilang pamilya. Sikat sila sa kanilang lugar lalo na sa mga handaan. Sila palagi ang kinukuhang catering services, mapa-birthday o pista ay walang palya o hindi nababakante ang kanilang kalendaryo.
Ang negosyo na rin nila ang nakapagpa-aral sa kaniya sa kolehiyo at ngayon nga ay ikakasal na rin siya.
“Ma, salamat kasi pinagbigyan mo ang hiling kong engrandeng kasal, ha. Hindi ako makapaniwala na makakapagsuot ako ng ganito kagandang trahe de boda!” masiglang pahayag ng dalaga habang hinahaplos niya ang damit na punong-puno ng mga beads na siyang nagpakinang pa lalo rito.
“Pa, salamat kasi binigay mo sa amin ni mama ang buhay na ganito kaginhawa. Salamat, papa!” saad naman ni Nicole sa kaniyang ama.
“Lahat ay gagawin namin para sa’yo, Nicole. Kaya sana maging ganun ka rin sa magiging anak mo balang araw. Pipiliin mo siya kahit ano mang mangyari at palagi mo siyang ipaglalaban sa mundo. Lagi mo ring tatandaan lahat ng mga bilin namin sa’yo dahil iba na ngayon, magkakaroon ka na ng sariling pamilya,” pahayag naman ni Mang Delfin, ang tatay ng dalaga.
“Si papa naman kung makapagsalita ay parang mawawala na ako. Mag-aasawa lang ako, papa!” sagot naman ng dalaga at tsaka niyakap ang kaniyang ama.
Hindi na nagsalita pa ang kaniyang nanay dahil sa kakaiyak nito at niyakap na lamang din siya. Ito na yata ang pinakamatagal na yakap na natanggap niya mula sa kaniyang mga magulang.
Hanggang sa natapos nga ang araw at iniwan na niya ang kaniyang mga magulang para sumama sa kaniyang mister. Halo-halong emosyon ang kaniyang nararamdaman ngayon dahil alam niyang malulungkot ang kaniyang mga magulang lalo na’t wala na siya sa kanilang poder. Paano’y nag-iisang anak lamang kasi si Nicole.
Isang buwan ang nakalipas at nagising ang babae mula sa isang masamang panaginip. Basang-basa siya ng pawis at halos hindi siya makahinga.
“Hon, anong nangyari?” tanong ni Manuel, ang asawa ng babae.
“Hon, ang sama ng panaginip ko. Nalulunod daw ako sa gitna ng dagat tapos hindi ako makalangoy. Pilit akong kinakain ng mga malalaking alon,” pahayag ni Nicole at tsaka mabilis na kumabog ang kaniyang dibdib.
“Sila mama at papa. Baka may nangyari sa kanilang masama!” sigaw pa nito at mabilis niyang kinuha ang telepono upang tawagan ang kaniyang mga magulang.
“Ma, kamusta kayo diyan? Ang sama kasi ng panaginip ko, e,” naluluhang wika ng babae sa telepono.
“Anak, ayos naman kami. Akala ko ano na ang nangyari at napatawag ka ng dis-oras ng gabi. Matulog ka na ulit, anak. Magiging maayos din ang lahat. Alam kong kakayanin mo dahil pinalaki ka namin ng maayos,” sagot naman ni Aling Vivian, ang nanay ng dalaga.
“Si mama kung makapagsalita ay akala mo laging naghahabilin. Huwag naman kayong ganyan!” baling ni Nicole rito.
Mayamaya pa ay tila nabasag ang kaniyang tenga nang marinig ang sigaw ng kaniyang nanay sa telepono at sunod-sunod na putok ng baril.
“Ma, anong nangyayari?!” hugulgol ng babae. Kaya lamang ay wala ng sagot mula sa kabilang linya.
Masakit mang isipin ngunit pinasok ng mga magnanakaw ang bahay ng mga magulang ni Nicole. Tinangay ang halos lahat ng mga alahas, gamit at pera nila. Ang mas masaklap pa ay winakasan din ang buhay ng kaniyang mga magulang.
Ang masaya niyang taon ay nauwi sa isang madilim na alaala. Makalipas ang isang taon ay nagsunod-sunod pa lalo ang mga trahedya sa kaniyang pamilya.
Nalugi ang kanilang restawran. Sinubukang isalba ito ni Nicole ngunit sandamakmak na utang lamang ang kaniyang inabot. Naloko ng recruitment agency ang kaniyang asawa na kakaalis lamang ng bansa at ngayon ay hindi makauwi ng Pilipinas dahil nanakawan din sa ibang bansa.
“Panginoon, bakit mo binibigay sa akin ang lahat ng ito? Anong nagawa ko para maging ganito ang buhay ko? Bakit? Bakit?” umiiyak na saad ni Nicole tsaka hinagis ang mga plato.
“Kuhanin mo na lang ako kung papahirapan mo lang ako ng ganito sa lupa. Hindi ako masamang tao. Hindi ako nanakit o nang apak ng iba. Pero bakit? Bakit mo ako sinusubukan ng ganito? Bakit sabay-sabay?” sigaw pang muli ng babae tsaka siya napasalampak sa sahig at doon umiyak nang umiyak.
Alam niya sa mga sandaling iyon ay narating na niya ang rurok ng kaniyang pasensya at ubos na ubos na rin ang kaniyang lakas. Humiga na lamang siya sa sahig at tsaka niya tinitigan ang ilaw ng bumbilya.
“Sige na, kuhanin mo na ako. Handa na akong makasama ang mga magulang ko diyan sa itaas,” saad pa ng babae.
Ngunit bigla siyang napatigil sa kaniyang pagluha nang maramdaman niya ang isang sipa. Sumipa ang sanggol na nasa kaniyang sinapupunan. Hinawakan niya ang kaniyang tiyan at bigla siyang napaupo. Pinakiramdaman pa niyang mabuti at sumipa ulit ito.
“Anak? Totoo ba ito? Sumisipa ka na!” masayang saad ng babae. Doon lamang siya nagising sa katotohanan na pitong buwan na pala siyang buntis at malapit na rin siyang manganak. Nakalimutan na niya ang sarili at handa na lang siyang sumuko para matapos na ang lahat ng kaniyang paghihirap pero nagparamdam sa kaniya ang Diyos at iyon ay sa pamamagitan ng kaniyang anak.
“Nakikilala mo ba ang boses ni mama? Sipa ka nga ulit, love. Si mama ito!” saad pang muli ni Nicole habang hawak ang kaniyang tiyan at umaagos ang kaniyang luha.
Hindi naman siya binigo ng bata dahil sunod-sunod nga itong sumipa sa loob.
“Sorry, anak, nakalimutan kong nandiyan ka pala. Patawarin mo ako. Hindi na susuko si mama. Lalaban tayo katulad ng sabi ng lolo mo,” pahayag niya rito. Naalala niyang bigla ang bilin sa kaniya ng ama na ipaglaban niya ang kaniyang anak ano man ang mangyari.
Bumangon si Nicole at muling lumaban sa buhay. Nangutang siya sa mga kaibigan na buong puso naman siyang tinulungan para makauwi ang kaniyang mister. IpinagpasaDiyos na niya ang restawran at nagluto na lamang ng mga lutong ulam na siyang itinitinda niya sa labas ng kanilang bahay at maging sa canteen ng isang factory na malapit sa kanila.
Hindi nagtagal ay nanganak na si Nicole at isang malakas na batang lalaki ang kaniyang isinilang. “Anak, salamat. Dahil sa’yo ay nagkaroon ako ng pag-asa. Ikaw ang bumuhay sa akin para lumaban pa. Kaya naman, anak, asahan mong mamahalin kita habang buhay,” pahayag ni Nicole sa kaniyang anak at tsaka niya ito hinalikan sa kamay.