Inday TrendingInday Trending
Bawal na Pag-ibig

Bawal na Pag-ibig

Halos araw-araw ay nagpupunta si Joseph sa simbahan ng Quiapo upang humingi ng kapatawaran sa mabigat niyang kasalanan. Nakiapid siya sa babaeng may asawa’t anak na. Alam na alam niya na mali ang kaniyang ginagawa pero nahihirapan siyang bitawan si Daisy dahil napamahal na ito sa kaniya.

“Lord, patawarin niyo po sana ako sa kasalanang nagawa ko at sana bigyan niyo ako ng lakas ng loob para malampasan ang lahat na ito,” dasal ni Joseph.

Alam niya kung ano ang solusyon ng kaniyang problema pero ayaw niya itong gawin dahil bukod sa mahirap ay masakit ito sa kalooban. Hindi niya kaya. Hindi niya alam noon na may asawa na si Daisy. Ang buong akala niya ay dalaga pa ito. Ngunit nang umamin ito sa kaniya ay binalewala lamang niya ang lahat at itinuloy pa rin ang panliligaw. Iniisip niya noon na okay lang dahil hindi naman din sila magtatagal ni Daisy, kumbaga pampalipas oras lang ang lahat. Ngunit makalaunan ay minahal na niya ang babae kaya heto siya ngayon at namomroblema. Kasal ito. Paano kung ipakulong siya ng asawa nito? Tuwing uuwi ito sa asawa ay nasasaktan siya. Hindi man inaamin ni Daisy ay alam niyang naglalabing-labing ang dalawa.

“Daisy, maghiwalay na lang kaya tayo?” ani ni Joseph nang magkita sila ng babae.

“Bakit hindi mo na ba kaya ang ganitong sitwasyon?” balik tanong ng babae.

“Kaya ko naman kaso naaawa na ako sa asawa mo. Mahirap din kaya para sa’ming mga lalaki ang malamang iniiputan kami ng mahal namin.”

“Pero hindi ko kayang hindi ka mahalin, Joseph. Mahal ko ang asawa ko pero mahal din kita at hindi ko kayang mawala ka,” malungkot na wika ng babae.

Laging ganoon ang nangyayari kapag nakikipaghiwalay si Joseph sa babae. Laging hindi natutuloy dahil pareho nilang hindi kaya. Ipinagpatuloy ng dalawa ang kanilang bawal na pag-ibig hangga’t naitatago pa nila.

“Sino dito si Joseph?” Isang lalaking matangkad ang naghahanap sa lalaki. “Ako iyon. Bakit?” tugon ni Joseph.

“Pwede ba kitang makausap? Iyong tayong dalawa lang. May nais lang akong klaruhin sa’yo.” Mahinahong wika ng lalaking hindi kilala ni Joseph pero may hinala na siya kung sino ito. Pinagbigyan niya ang lalaki at nag-usap sila sa may pinakamalapit na coffee shop sa lugar.

“Ako nga pala si Bernard ang asawa ni Daisy,” nakipagkamay pa ito sa kay Joseph.

“Nandito ako para makausap ka hindi para manggulo. Hindi pa alam ni Daisy na alam ko na ang lahat. Matagal ko na kayong minamanmanan. Ngayon nga lang ako nagkaroon ng lakas ng loob para kausapin ka. Gusto ko lang sanang makiusap na sana huwag mong sirain ang pamilya ko. Joseph, kayang-kaya kong makipaghiwalay kay Daisy dahil sa panggag*gong ginawa niya pero lagi kong naiisip ang mga anak namin. Ayokong magaya sa’kin ang mga anak ko na kasuklaman nila ang kanilang ina dahil mas pinili nito ang kabit niya kaysa sa sa’min na pamilya niya. Ibigay mo na lang siya ulit sa’min ng mga anak ko.”

Tinubuan lalo si Joseph ng konsensya para kay Bernard. Siguro kung katulad ito ng ibang asawa na mas pinapairal ang galit ay baka kanina pa siya nito nasuntok at pinahiya sa marami. Pero bilib siya rito dahil nakakaya nitong magpigil.

“Galit ako sa’yo at kay Daisy pero wala akong magawa kung ‘di ang makiusap. Ayokong mawasak ang pamilya ko dahil pinatulan ko ang kahangalang ginawa ng asawa ko. Mula noong pinakasalan ko siya ay isinumpa ko na kahit anong mangyari o kahit anong pagsubok man ang dumating ay mananatili ako bilang kaniyang asawa,” anito dahilan upang maiyak siya.

“Anong ginawa niya? Inaapakan niya ang lalaking walang ibang ginawa kung ‘di ang mahalin ang kaniyang pamilya,” sa isip-isip ni Joseph. Walang-wala siya sa kalingkingan ni Bernard at labis ang pag-uusig ng kaniyang konsensya. Sobrang sama niya pa lang tao.

“Patawarin mo ako, Bernard. Hayaan mo. Simula ngayon ay ako na mismo ang lalayo sa asawa mo,” saad ni Joseph.

Kinagabihan ay nakipagkita si Joseph kay Daisy upang makipaghiwalay. Muli na naman nitong iginiit na hindi nito kaya na mawala siya ngunit buong-buo na ang isipan ng lalaki. Hinding-hindi na niya aapakan muli si Barnard!

“Alam mo bang napakabait ng asawa mo. Napakabuti niyang tao kaya itigil na natin ang pang-aapak sa pagkatao niya. Isipin mo ang mga anak mo at kalimutan mo na naging parte ako ng buhay mo, Daisy. Oo, masakit. Sobrang sakit dahil mahal kita. Pero mas masakit para sa’kin ang malamang ginagawan ko ng masama ang lalaking walang ibang hinangad kung ‘di ang kinabukasan ng pamilya niya. Sana ako na ang huling lalaking iipot sa pagkatao ng asawa mo. Isipin mo lagi ang mararamdaman niya. Handa siyang patawarin at tanggapin ka. Paalam at ito na ang huli, Daisy,” malungkot na wika ni Joseph.

Sobrang mahal ni Joseph si Daisy at hindi niya kayang hindi ito makita kaya ang ginawa niya upang tuluyang makaiwas rito ay umuwi siya ng probinsya. Doon na lang siya magbabagong buhay at maghahanap ng babaeng mamahalin. Ngayon ay sisiguraduhin niyang hindi na siya muling papasok sa patago at komplikadong relasyon.

Mahirap talaga kapag si Kupido na ang mang-trip pero bago mo gawin ang bagay na alam mong may masasaktan kang iba ay mag-isip ka muna ng mabuti. Paano kapag ikaw naman ang nasa sitwasyon nila? Hindi din ito magiging madali at totoong nakakadurog din ito ng puso.

Advertisement