Inday TrendingInday Trending
Pagmamahal Mo, Patunayan Mo

Pagmamahal Mo, Patunayan Mo

“So that was our safety briefing guys, go ahead and enjoy climbing,” pahayag ng instructor pagkatapos niyang sabihin ang mga rules and safety tip ng climbing activities nila. Lalapit sana si Anne sa kanya nang bigla nalang itong magsalita nang makita siya.

“Ay Anne, newbie ka din pala. Sige, kayo nalang ni Andrew ang partners okay?” tanong ng lalaki kay Anne. Lumapit naman si Andrew nang marinig niya ang kanyang pangalan. Tumingin ang binata kay Anne at ngumiti.

“Sure, okay lang po sa akin. Ikaw ba, are you cool with that?” tanong ni Andrew sa dalaga habang di pa rin maalis ang mga ngiti sa labi.

“Yeah, I’m cool with that,” nakangiting sagot ni Anne. Iniwan na ang dalawa ng kanilang instructor.

“I’m Andrew pala,” pagpapakilala ng binata sa kanyang sarili at iniabot ang kanyang kamay sa dalaga.

“Anne,” nakangiting sagot naman ng dalaga.

Napatingin si Anne sa taas ng kanilang aakyatin. Kinakabahan siyang napalunok at tumingin kay Andrew na para bang medyo natatakot sa kanilang gagawin.

“Tingin mo ba kaya ko ‘to?” n-aalalang tanong niya.

“Huwag kang mag-alala, nandito lang naman ako. Handa akong saluhin ka kahit ilang beses ka mang mahulog. Handa akong samahan ka sa bawat pagbagsak at paglipad mo, kaya huwag kang matakot. Nandito lang ako,” nakangiting tugon ni Andrew sa dalaga.

Kahit papaano ay naibsan naman ang kabang nararamdaman ni Anne dahil sa sinabi nito.

Iyon ang naging simula ng masayang pagkakaibigan ng dalawa.

Noong una ay hindi magawang maamin ni Andrew ang kanyang nararamdaman sa dalaga dahil na rin sa torpe pala ang binata. Samantalang muntik na ring sumuko si Anne sa kanyang nararamdaman para sa binata dahil akala niya ay hanggang kaibigan lang ang tingin sa kanya nito.

Mabuti na lamang at nahimasmasan si Andrew nang minsang magkausap sila ng kaibigan niya. Maganda si Anne kaya hindi malabong may ibang lalaki rin ang nagkakagusto sa dalaga, kaya bago pa siya maunahan ng iba ay nilakasan niya ang kanyang loob at tinanong ito kung pwede itong ligawan.

Labis na tuwa ang naramdaman ni Anne at hindi niya na rin pinatagal ang panliligaw ng binata. Naging masaya naman silang dalawa. Pinaramdam ni ng binata sa nobya kung gaano niya ito kamahal. Maraming insecurities si Anne sa kanyang sarili pero lahat ng iyon ay nawala simula ng nakilala niya ang kasintahan.

“Hello love? Nasa trabaho pa ako eh. May tinatapos pa,” sagot ni Andrew sa tawag ng nobya.

“Ah ganun ba? Sige. Wala lang naman ‘to. Namimiss lang kita,” malungkot na sagot ng dalaga sa kabilang linya.

“Oo love miss na din kita. Pero wait lang ha? May kailangan lang akong tapusin. Mamaya nalang kita kausapin, okay?” mahahalatang napaka-busy ng binata sa pagkakasabi nito sa nobya.

“Okay sige, I love-“ hindi na natapos ni Anne ang sasabihin dahil agad nang naputol ang linya. Tiningnan niya na lamang ang cellphone niya at malungkot na napabuntong hininga.

Simula nang na-promote ang kasintahan sa kanyang trabaho ay halos nawalan na ito ng oras para sa kanya. Puro trabaho na lamang ang inaatupag ng lalaki. Bagama’t naiintindihan niya ay hindi pa ring maiwasang sumama ang kanyang loob dahil pakiramdam niya ay siya nalang ang nakakapit at lumalaban para sa kanilang relasyon.

Mabilis na lumipas ang mga araw at dumating na ang unang anibersaryo nila bilang magkasintahan. Alam ni Anne na sobrang abala na naman ang nobyo sa trabaho, kaya naman naisip niya na siya na lamang ang gagawa ng sorpresa para rito.

Naghanda siya ng mga paborito nilang mga pagkain, tsaka syempre, red wine. Inayos niya talaga ang lugar. Sa loob ng condo unit lang naman siya nag set-up ng surprise pero ipinagmamalaki niya ang kanyang nagawa. Napaka-romantic ng ambiance ng paligid. Perfect para sa celebration ng kanilang 1st Anniversary!

Ngunit unti-unting naubos ang kanyang excitement at tuwang nararamdaman sa bawat oras na dumaraan. Maga-anim na oras nang late si Andrew. Tuluyan na siyang nawalan ng gana. Pakiramdam niya ay wala siyang halaga. Nasayang lang oras at effort niya. Ang pagmamahal niya. Sinayang lang lahat ni Andrew.

“Love? Gising ka pa?” Gulat na tanong ni Andrew nang makita siyang nakaupo sa mesa kung nasaan ang candlelight dinner sana nilang dalawa.

Napasinghap naman si Andrew nang mapagtanto kung ano ang nangyayari. Nakalimutan niya kung anong araw ngayon! Agad naman siyang lumapit kay Anne para yakapin sana ito pero umiwas ang dalaga.

“Love, I’m sorry. Nakalimutan ko,” paghingi ng tawad ni Andrew sa kasintahan. Hindi naman siya inimik ni Anne at nagsimula na lamang magligpit ng mga pagkain.

“Pasensya na love, sa labas nalang din kasi ako kumain eh. Katatapos lang kasi ng trabaho at gutom na gutom na ako,” pagpapatuloy pa ni Andrew sa pagpapaliwanag niya. Hindi pa rin siya iniimik ni Anne.

“Love, ano ba talaga ang problema?! Nagso-sorry na ako o!” Medyo tumaas ang boses ni Andrew kaya napatingin si Anne sa kanya.

“Pati ang problema hindi mo na rin alam kung ano? Really, Andrew? Alam mo, pagod na ako. Pagod na pagod na ako. Pakiramdam ko ako nalang naman ang may gusto ng relasyon na ito eh. Ako nalang ang nakakapit. Ako nalang ang lumalaban. Pagod na akong habulin ka,” puno ng emosyong pahayag ni Anne habang nakatitig sa mata ng kasintahan.

“Hindi totoo yan, mahal kita Anne,” akmang lalapit si Andrew sa nobya ngunit umatras ang dalaga.

“Talaga? Dahil hindi ko na ramdam,” puno ng hinanakit na pahayag ni Anne bago tuluyang umalis ng condo unit nila. Napatulala na lamang si Andrew habang nakatitig sa pinto kung saan lumabas ang babaeng pinakamamahal. Hindi siya makapaniwalang iniwan na siya ni Anne.

Akala niya ay hinding hindi siya makakayanang iwanan ng nobya dahil alam niya kung gaano siya kamahal nito. Ito parati ang nag-aadjust para sa kanya. Kailanman ay hindi siya nito pinahirapan, bagkus ay parati pa itong nakaalalay sa kanya. Bigla na lamang nagpaunahan sa pag-agos ang kanyang mga luha ng mapagtantong wala na si Anne sa buhay niya. Binitawan na siya ng babaeng labis siyang mahal.

Makaraan ang isang buwan ay nasa lugar kung saan sila nagkakilala ng lalaking labis niyang minahal at minamahal pa rin si Anne.

“O Anne, nandyan ka lang pala. May nagre-request kasi kung pwede raw bang ikaw ang maging partner niya sa climbing ngayong araw. Okay lang ba sayo?” tanong ng instructor sa dalaga.

“Ah okay lang naman po sakin. Sino at nasaan po ba siya?” Sagot naman ng dalaga.

“Ayan, papalapit na,” sagot ng lalaki na may nakakalokong ngiti sa mga labi at tinuro ang isang binatang hindi niya inaasahan na makikita sa araw na iyon, si Andrew.

“Hi miss, okay lang ba sayo na tayo nalang ang maging partners?” binigyan siya ng binata ng matamis na ngiti. Napataas naman ang kilay niya bilang sagot sa tanong nito. Subalit laking gulat niya ng bigla na lamang lumuhod sa harap niya si Andrew at may inilabas na singsing. Napatakip siya ng bibig sa sobrang gulat.

“Anne, I’m sorry if I took you for granted. Mahal na mahal kita at alam mo yun. Gaya ng sabi ko sayo dati, handa akong saluhin ka sa tuwing mahuhulog ka. Sasamahan kita sa bawat pagbagsak at paglipad mo. Pero hindi ko akalaing ikaw pala ang gagawa noon para sa akin. I’m sorry kung nasaktan kita.

Pinapangako ko sayo, kung bibigyan mo pa ako ng isa pang pagkakataon, hindi na mauulit pa ang mga nangyari. Bibigyan na kita ng sapat na oras at halaga. Patawarin mo na ako. Please marry me,” puno ng emosyong pahayag ni Andrew habang may luhang umaagos sa kanyang mga mata.

Hindi na nakapagsalita si Anne sa labis na tuwang nararamdaman. Niyakap niya na lamang ng mahigpit ang nobyo at paulit-ulit na tumango bilang sagot sa tanong nito sa kanya. Tanga na kung tanga pero sobrang mahal niya ang lalaking ito at handa siyang tanggapin ito kahit na nagkamali pa ito. Mas matimbang pa rin naman ang pagmamahal niya kaysa sa sakit na naibigay nito sa kanya.

Makalipas lamang ang isang taon ay ikinasal na rin sina Andrew at Anne. Agad din naman silang biniyayaan ng kambal na anak na babae at lalaki. Naging isang masayang pamilya sila. Tinupad naman ni Andrew ang kanyang pangako sa asawa at araw-araw na pinapatunayan ang pagmamahal na nararamdaman niya.

Advertisement