Inday TrendingInday Trending
Liwanag na Dala ng Batang Munti

Liwanag na Dala ng Batang Munti

Si Tatay Lito ay dalawang dekada nang nagtitinda ng almusal, tanghalian at hapunan sa kanilang karinderya. Katuwang niya rito ay ang kanyang asawa na si Nanay Esther at ang anak na si James. Dahil hindi nakatapos ng pag-aaral ay ang karinderya lang ang ikinabubuhay ng pamilya ni Tatay Lito. Gayunpaman, naging maganda ang kita kaya kung minsa’y sobra pa sa pang araw-araw na pangangailangan nila ang kanilang pera.

Ang anak naman niyang si James ay kasalukuyang nag-aaral sa hayskul. At tulad ng mga kabataan ngayon ay mahilig ang mga ito sa uso at teknolohiya. Madalas itong manghingi ng pera sa kaniyang mga magulang upang ipambili ng mga nauusong bagay, damit o cellphone.

Dahil may kaya naman ang pamilya ni Tatay Lito ay ibinibigay niya ang ito sa kanyang anak, dahil napagbubuti naman nito ang kaniyang pag-aaral.

Ngunit nagbago ang pananaw ng anak ni Tatay Lito ng minsan ay masaksihan niya ang ang pagsisikap at kabusilakan ng puso ng kanyang ama.

Bakasyon noon ni James, at wala silang pasok sa eskwelahan. Dito niya nasilayan ang pagsisikap at pagtiya-tiyaga ng kanyang mga magulang sa pagta-trabaho. Dahil karinderya ay hindi sa lahat ng pagkakataon ay malakas ang benta nila Tatay Lito.

“Tay, paano ‘pag may natitira? Binebenta pa rin ba natin ito kinabukasan?” pagtatakang tanong ni James.

Ang alam kasi nito ay pag mga karinderyahan ay iniinit lang ang mga natitirang ulam, o kaya minsan ay gumagawa ng bagong putahe gamit sa tirang ulam.

“Hindi, anak. Sa tagal na namin ng nanay mong nagtitinda ng ulam, alam na namin tantsahin kung gaano kadami ang tinitinda namin at kung hanggang saan lang ang gagawin namin,” wika ni Tatay Lito.

“Binabase namin ng nanay mo sa araw, sa panahon at sa petsa kung madami o kaunti ang iluluto namin para itinda,” dagdag ng kanyang ama.

“Tulad ‘pag lunes at biyernes, mga araw ng sahod, ‘yan ang nga araw na hindi marami ang niluluto namin dahil madalas sa labas nagkakainan ang mga tao. Kapag naman papalapit na ang sahod, marami kaming niluluto kasi mas marami na ang nagkakarinderya dahil kapos na sa pera,” kwento ni Tatay Lito na may halong biro.

“Kaya madalas ay nauubos ang tinda natin, minsan pag naman matumal ay pinapaubos muna namin bago magsara o ‘di kaya ay pinapapakyaw sa mga huling bumibili,” dagdag nito.

“Ay ganon pala ‘yon ‘tay, may pagpa-plano rin pala sa pagkakarinderya,” sagot ni James.

“Oo naman, anak. Ayaw rin kasi namin ni Tatay Lito mo na hindi bagong luto ang tintinda namin, kaya kahit anong mangyari ay hindi kami nag-uulit ng hinain na ulam,” wika ni Nanay Esther.

Sakto naman na habang nagku-kwentuhan ang mag-anak ay dumating ay isang bata na gusgusin, maputik ang paa, at may dalang kalakal.

“O tulad nitong bata na ito, suki ko ‘to,” nakangiting sabi ni Tatay Lito.

Gulat at nagtatakakang mukha naman ang isinagot ni James. ‘Di niya mawari kung paano naging suki ng kanyang ama ang gusgusin at mukhang pulubi na bata.

“Tay Lito, may ulam pa po kayong tinda? Hintayin niyo po akong bumalik mamaya ha? Bibili po ako,” wika ng bata na sumilip sa may estante sa loob ng kainan na tila ba takam na takam sa mga nakahaing ulam.

“Oo ba totoy, hintayin ka namin bumalik. Marami-rami ba yang nakalakal mo?” tanong ni Tatay Lito.

“Marami-rami na rin ho. Pero kailangan ko pa pong manguha ng plastic, para medyo lumaki-laki po ang kita ko ngayong araw,” sagot ng bata na tangay tangay ang kalakal na nasa loob ng sako. Sabay nagpaalam sa mag-asawa na aalis na muna.

Agad nagtanong si James kung sino ang batang kinausap ng kanyang ama. Dito naikwento ng kanyang ama ang buhay ng bata. Madalas daw noon ay dumadaan lang sa kanilang karinderia ang bata sa tuwing nangangalakal ito, pasilip-silip. Hanggang sa isnag beses ay tuluyan na itong pumasok sa kainan upang sana ay bumili ng ulam.

Ang pera lang ng bata noon ay nasa kinse pesos, ito ang kinita niya mula sa isang buong araw na pangangalakal. Sunod sunod na araw itong bumibili ng ng kalahating gulay na daahil ito lamang ang kasya sa kanyang pera, at humihingi na lamang ito ng sabaw. Pinapabalot niya ito sa plastik, upang iuwi. Isang beses ang tinatanong ni Tatay Lito, kung saan niya inuuwi ang ulam na binibili at kung bakit hindi siya bumibili ng kanin. At dito naikwento ng bata na inuuwi niya ito sa kanyang mga maliliit na kapatid, na nag-aantay sa kanya gabi-gabi para sa kanilang pagkain. At ang kapatid niya na sumunod sa kanya ang gumagawa ng paraan para sa kanilang kanin.

Maghapon nangangalakal ang bata upang sa pagdilim ay makapag-uwi ito ng pagkain at ulam sa kanila. Dahil masarap ang tindang ulam nila Tatay Lito, lagi raw nagsasabi na ang kanyang mga kapatid na ang ulam sa kanilang karinderiya ang kanilang gustong kainin. Dahil wala ng ang mga magulang at naiwan na lang sa isang maliit na barong-barong, ang batang lalaki na lang ang nag-aalaga sa kanyang mga kapatid.

Ayon rin sa bata, ayaw nilang magpakuha sa DSWD dahil masaya silang magkakasama ‘di bale nang mahirap. Sa awa nga ay hindi na kinukuha ni Tatay Lito ay bayad ng bata at dinadagdagan niya ito lagi, ngunit mapilit ang bata at pilit na iniiwan ang bayad lagi sa lamesa.

Maya-maya ay bumalik na ang bata na wala na ang bitbit na sako na puno ng kalakal.

“O, mukhang marami-rami ang napagbentahan mo ngayon ha,” wika ni Tatay Lito.

“Opo, kailangan po kasi eh. Para mas malaki po ang kita ko,” sagot ng bata.

“Tay Lito, ano po bang ulam ang mabibili ko sa singkwenta pesos?” tanong ng bata habang tinitignan ang mga ulam na nakahain.

“Aba, mukhang marami kang bibilhin ngayon ha,” ani Tatay Lito.

“Opo, kaarawan po kasi ng bunso kong kapatid. Nais ko po talagang makarami ng kita ngayon, upang makapag-uwi ng marami at masarap na ulam,” wika ng bata.

“Aba ganon ba?! Naku bakit hindi ko sinabi kanina para sana ay nakapagluto tayo ng pansit. Ano ba ang gustong ulam ng iyong kapatid?” sagot ni Tatay Lito.

“Ay kahit ano naman po. Basta pasok po sa pambili ko,” sagot ng bata habang pilit na nililingon ang pritong manok sa dulo ng lamesa.

“Oh ganito na lang, dahil suki na kita. Libre ko na sa’yo ang araw na ito. ‘Wag ka nang magbayad,” ani tatay Lito.

“Naku, hindi po! Magababayad po ako. Nakakahiya po ang hindi magbabayad,” sabi ng bata.

“Paano po ang negosyo niyo? Baka isipin niyo po’y umaabuso na ako,” dagdag pa nito.

Sa pamimilit ni Tatay Lito at Nanay Esther ay napapayag na rin ang bata na huwag magbayad. Dito ay ipinagbalot niya ang bata ng pritong manok, kaldereta, hotdog at shanghai. Dinagdagan pa nito ang dami ng sinupot na mga ulam.

“Ayan, regalo namin sa kapatid mo at sa kasipagan mo. Happy Birthday pakisabi ha,” wika ni tatay Lito.

“Naku po! Salamat po rito sa binigay niyong ulam. Matutuwa po ang mga kapatid ko sa binigay niyo. Maraming salamat po sa biyaya. Ngayon lang po kami makakain ng ganito,” tuwang-tuwa sagot ng bata habang bitbit ang nakasupot na mga ulam.

“Walang anuman. Para sayo ‘yan dahil napakabuti mong kuya,” wika ni Nanay Esther.

“Ibili mo na lang ng cupcake sa tindahan ‘yang pera mo. Kahit isa lang, para may cake yung kapatid mo,” dagdag ni Nanay Esther.

Agad namang tumango ang bata at nakangiting nagpasalamat sa kanila. Nang paalis na ito ay agad siyang tinawag ni James at may inabot.

“Bata, sa iyo na lang ito. Ito na lang ang ibigay mo sa kapatid ko na cake. At ito ang munting kandila, para magamit niyo,” wika ni James na bitbit ang cupcake na ibinigay pala sa kanya ng kanyang kaklaseng babae.

Nakatago lang ito sa ref, at ang kandila naman ay ang kandilang ginamit nila sa kanyang cake noong kaarawan niya. Malaking-malaki ang naging ngiti ng bata, at walang humpay ang pagsabi ng salamat sa mag-anak hanggang sa makalayo na ito sa karinderya at makauwi.

Bakas naman sa mag-anak ang ngiti at saya na kanilang naramdaman ng makita ang masayang ngiti ng bata ng matanggap ang mga ibinigay nila. Dito napagtanto ni James kung gaano siya kaswerte sa mga biyayang kanyang natatanggap. Mas nakita niya ang halaga at pagsisikap ng kanyang mga magulang sa pagta-trabaho upang siya ay mapalaki sa isang masaganang buhay. Dito niya rin nasaksikan at naramdaman ang galak sa puso, sa oras na nakakatulong ng mga nangangailangan na tao.

Samantala, bumalik naman ang bata kinabukasan kasama ang kanyang kapatid sa karinderya upang personal na magpasalamat sa mag-anak. Dito ay inalok ni Tatay Lito ang mga bata na kumain sa kanila, at naghain ito ng mga pagkain. Nagsalo ang lahat sa isang masayang kainan at kwentuhan.

Mula noon ay mas naging malapit ang pamilya ni Tatay Lito at sa mga batang munti. Kasalukuyan ay tumutulong na ang mga bata kay Tatay Lito at Nanay esther sa karinderya, sa paglilinis, kapalit ang masarap at nakakabusog na pagkain.

Advertisement