Inday TrendingInday Trending
Si Brusko at si Beki

Si Brusko at si Beki

Si Adrian ay isang binabae. Bata pa lamang ito ay kinakitaan na ‘to ng kakaibang kilos ng mga tao. Kilos na iba sa kanyang lalaking-lalaking kaanyuan. Mahinhin, makembot at malambot kung ilalarawan ng kanyang mga kakilala. Hindi naman ito lingid sa kanyang kaalaman, maliit pa lamang siya nang maramdaman niya na may kakaiba sa kanyang mga kilos at mga nagugustuhan.

Sa tuwing aayain siya ng mga kaibigan na maglaro ng basketball, mas gusto nitong sumali sa mga babaeng naglalaro ng chinese garter sa gilid ng court. Sa tuwing maglalaro naman sila ng text at pogs ng mga kaibigang lalaki, ay mas natutuwa naman siyang panuorinang mga babaeng naglalaro ng paperdoll sa may harap ng tindahan.

Alam na ni Adrian na beki siya. Ngunit kahit na sigurado na siya sa kanyang nararamdaman, ay hindi niya magawang sabihin ito sa kanyang mga magulang. Hanggang sa unti-unti na rin itong napapansin ng kanyang nanay at tatay.

“Adrian,” tawag ng ina ni Adrian sa kanya habang tinutulungan niya itong magsampay.

“Anak, hindi mo man sinasabi sa amin ng tatay mo pero napapansin namin ang mga kilos mo,” panimulang sabi ng kanyang ina.

“Nay…” nahihiyang sagot naman ni Adrian.

“Bata ka pa, anak. Sa paglaki mo ay mas makikilala mo pa ang sarili mo. At kung ano man ang maging pagkatao mo, ay tatanggapin namin ‘yon ng tatay mo,” wika ng ina.

“Ngunit may isang bagay kaming hihilingin sa’yo, anak. Hindi ka namin pagbabawalan sa mga bahay na gusto mo, pero laging mong iingatan ang iyong sarili. Maging responsable ka lalo sa iyong mga kilos, at ‘wag mong hahayaan na may mga taong mambastos o mangutya sayo,” wika ng ina.

“Patunayan mo sa sa kanila, na hindi porke’t beki ka ay wala ka nang halaga. Pag-igihan mo sa iyong pag-aaral, upang hindi ka basta basta kukutyain at mamaliiitin ng iba,” dagdag pa nito.

Niyakap naman agad ni Adrian ang kanyang ina.

“Alam mo naman ang mapanghusga ang mundo ngayon, anak, nais ko lamang na lakasan at tibayan mo ang loob mo,” dagdag pa ng ina habang patuloy silang nagsamsampay.

Ang kanyang tatay naman ay hindi na niya nakausap tungkol dito. Pinanghawakan na lang niya ang sinabi ng kanyang ina na tanggap rin siya nito. Bilang kapitan ng kanilang barangay, kilala ng mga tao ang tatay niya bilang isang matipuno at malakas na lalaki. Kapitan Brusko kung tatawagin nga ng iba.

Minsan pag nakikita ang anak na kumekembot-kembot ay hina-hayaan niya lang ito. Walang ngiti o pagsimangot na mababakas sa kanyang mga mukha, kaya alam ni Adrian na kahit ganon pa man siya ay tanggap siya ng kanyang ama. Minsan naman pag nagkakatuwaan sa barangay ay napag-uusapan ng mga katrabaho ng kanyang tatay ang kanyang pagkababae, ay ang tanging sagot lamang nito ay pagngiti at pagtango.

Hindi man bokal ang kanyang ama sa pagpapakita ng kanyang saloobin sa pagkatao ng kanyang anak, ay patuloy pa rin nitong hinahayaan ang anak na gawin ang mga bagay na gusto nito.

Isang beses, galing si Adrian sa isang gay contest. Habang suot ang gown at bitbit ang heels na ginamit sa patimpalak, naglakad si Adrian pauwi sa kanila. Nang kanyang nadaanan ang isang grupo ng mga kalalakihan na nagkakainuman malapit sa kanila, iiwas na sana ng daan si Adrian na biglang mapansin ang isang lasing na babaeng paulit-ulit nilang pinasasayaw sa gitna habng hinuhupuan. Nakilala niya ang babae bilang si Ate Myrna, isa sa mga kapitbahay niya.

Kahit nagkakasiyahan ang mga nag-iinom at si Ate Myrna, ay nais na sana niya itong yayain na umuwi dahil tila wala na ito sa sarili niyang diwa sa sobrang kalasingan. Halos mahubad na nito ang kanyang suot-suot na damit, habang gumigiling sa harap ng mga lasing na lalaki.

Dahan-dahang lumapit si Adrian sa mga nag-iinuman at binati ang mga ito ng may lubos na pag galang.

“Magandang gabi po mga kuya. Kaibigan po ako ni Ate Myrna, yayain ko na po sana siyang umuwi dahil mukhang lasing na lasing na po siya,” magalang na wika ni Adrian.

“Aba, loko pala ‘tong binabae na ito eh! Gusto mo pagkatapos namin lasingin, ikaw ang makikinabang? Aba! Akala ko ba mga lalaki ang gusto niyo, bakit pati babae nakikihati kayo?! Hik!” biro ng isang lasing.

“Ay hindi, kaibigan ko po siya. Kapitbahay ko po, ihahatid ko lang po siya dahil baka makatulog na po siya sa kalsada sa sobrang kalasingan,” ani Adrian.

“Tsaka mga kuya naman, ‘di ko bet ang tahong!” pabirong wika ni Adrian upang mapalagay ang loob ng mga lasing na lalaki at pasamahin na sa kanya si Ate Myrna, na patuloy pa rin ang pag giling habang hinihipuan pa rin siya ng mga lalaki.

“Ay kaya naman pala nandito! Nagpapansin ata ito satin eh, embutido ata gusto nito kaya luamapit sa’tin ngayon,” wika ng isang lalaki habang tumatagay ng isang bote ng alak.

Dito ay bahagya ng nainis si Adrian, napataas na ang kanyang boses dahil hindi na ito komportable sa ginagawa ng mga lasing na lalaki.

“Mga kuya, ganito ho ano. I-uuwi ko na po itong kaibigan ko, maiwan na po namin kayo,” wika ni Adrian na biglang hinawakan si Myrna at hinila upang mailayo sa mga kalalakihan.

Ngunit bigla rin namang hinila ng lasing na lalaki pabalik si Ate Myrna.

“Ah bastos pala ‘tong b*klang ‘to eh!” sigaw ng iang lalaki sabay sapak ng kanyang kamao sa pisngi ni Adrian.

Dahil dito ay nagsimula na ang rambol sa pagitan ni Adrian at ng mga lasing na lalaki. Sa takot na masaktan si Ate Myrna, nilapag na muna siya ni Adrian sa bangko na mahaba at doon inihiga. Habang patuloy siyang inaambahan ng mga lasing na lalaki.

Nang mga oras na ‘yon ay nagpapatrolyo pala ang ama ni Adrian kasama ang mga barangay tanod. Agad-agad nilang inawat ang rambulan, at laking gulat na lang ng kanyang ama ng makita siya nitong nakikipag-away sa mga lasing.

Ito ang unang beses na nakita niya na tiningnan siya ng masama ng kanyang ama. Hindi niya kung dahil ba ito sa kahihiyan at gulo na naidulot ng pakikipag-away niya. Dinala silang lahat sa barangay, at doon bahagyang nahismas-masan ang lasing na si Ate Myrna. Hindi pala nito alam ang nangayayari, nagulat na lang ito sa mga kwento ni Adrian kung paano niya nakita na bastusin siya ng mga lasing na lalaki.

Labis ang inis ni Ate Myrna, na binetsin pala ng mga kainuman upang malasing agad. Nang matapos as diskusyunan at linapitan ni Ate Myrna si Adrian upang pasalamat sa paglalakas loob na iligtas siya at ipatanggol, kahit na natadtad ito ng maraming sugat, pasa, at bugbog. Pinasalamatan rin ni Ate Myrna si kapitan, dahil sa katapangan na ipinamalas ng kanyang anak.

Nakauwi na ang lahat at pinaiwan ni kapitan si Adrian para sabay na silang uuwi sa kanilang bahay. Nang maayos na ang lahat ng gagawin, ay sabay na naglakad pauwi ang mag-ama.

At hindi sukat akalain ni Adrian, na dito niya maririnig ang pinakamatamis na salitang kanyang maririnig.

“Anak, hindi ko man ipinaparamdam o sinasabi sa’yo…” wika ng tatay ni Adrian.

“Anak, proud na proud ako sa’yo. Kahit madalas ay pinagkakatuwaan nila ang pagkatao mo anak, wala ‘yon sa’kin. Ang mahalaga ay alam ko na ang anak ko na si Adrian ay lumaki ng may mabuting puso,” patuloy na pagsasalita ng tatay ni Adrian habang pauwi sila.

“Sa araw-araw mong pagtayo sa iyong sariling mong mga paa, at pagtulong sa amin ng iyong ina, ay lubos kaming nagpapasalamat sa itaas na inihandog ka sa amin bilang isang biyaya,” dagdag pa ng ama.

“Kaya patuloy mong alagaan ang mabuti mong puso, anak. Husgahan, maliitan at kutyain ka man ng ibang mga tao, lagi mong tatandaan anak na ang pusong busilak ang laging nagwawagi,” wika ng ama ni Adrian sabay tapik sa kanyang balikat.

Kasabay nito ay nakarating na rin sila sa kanilang tahanan at agad silang sinalubong ng kanyang ina. Nabalitaan kasi nito ang nangyari at dali-dali pinunasan ang mga sugat ni Adrian.

Mula noon, ay mas naging malapit na ang mag-ama. Minsan pa nga ay suma-sama ito sa mga patimpalak na sinasalihan ng anak, at minsan naman ay sumasama sa Adrian sa pagrorondo sa kanilang barangay.

Advertisement