Paano ang Pagkakaibigan?
“Best friends forever!” sigaw ng dalawang dalaga habang nagpapalitrato na hawak hawak ang kani-kaniyang diploma. Kitang kita ang lubos na pagkagalak sa ngiti ng dalawa – matapos na magpalitrato ay mahigpit na nagyakapan ang mga ito.
Ito ang pinakamasayang araw para sa matalik na magkaibigang si Jenna at Lady – parehas man walang inang dumating para sa kanilang recognition ay masayang masaya ang dalawa na sabay silang nakakapag-enroll sa kolehiyo. Pawang nagkaroon ng pagkakataon para sa isang scholarship si Jenna at Lady sa isang kilalang unibersidad – parehong matalino ang mga ito kung kaya’t nang mabigyan ng pagkakataon na mag-entrance exam ay pawang nakapasa ang mga ito.
Maliit pa lamang si Jenna ay iniwan na sila ng kaniyang ina – ang kaniyang ama na lamang ang mag-isang nagtaguyod na kaniya, at siya ang naging karamay nito sa hirap at saya. Kung gaano kamahal ni Jenna ang kaniyang ama ay siya namang pagkamuhi niya sa kaniyang ina – pakiwari nito’y hindi sila kahit kailan naging mahalaga rito. Umalis ang ina ni Jenna upang magtrabaho sa ibang bansa ngunit hindi na ito muling umuwi. Nabalitaan nalang nila ng kanilang ama na nagkaroon na ito ng ibang pamilya at pinagpasyahan ng ama ni Jenna na mag-isa na lamang siyang alagaan.
Nagkakilala si Jenna at Lady noong ikalawang taon ng hayskul – transferee si Lady mula sa isang eskwelahan sa ibang bansa. Bilang presidente ng klase ay si Jenna ang naging kasa-kasama ni Lady hanggang sa nagkapalagayan sila ng loob. Madalas na mag-aral nang magkasama ang dalawa – nagtutulungan sila sa mga takdang aralin at saka sabay na umuuwi pagkatapos ng klase.
Ngayon ay sandaling panahon na lamang at makaka-gradweyt na ng kolehiyo ang matalik na magkaibigan. Parehong excited at masaya ang dalawa dahil sa wakas ay malapit na silang makatapos. Pagkatapos ng kolehiyo ay babalik ng Amerika si Lady, samantalang si Jenna naman ay nais makapagtrabaho agad upang makatulong sa kaniyang ama.
“Jen, umuwi na raw si mommy! Tumawag si daddy sa’kin! Sa wakas makikita at makikilala mo na s’ya!” masayang salubong ni Lady kay Jenna. “alam mo, magkakasundo kayo no’n Jen kasi si mama alam mo mahilig din sa maanghang yon, tapos sa lahat ng pagkain kahit may sabaw kailangan may toyomansi! Hahaha! Kung hindi nga lang tayo mag best friends eh baka isipin kong nawawala ka niyang anak! Punta ka mamaya sa bahay ha?” dagdag pa nito habang tumatawa nang malakas.
“Nako ikaw talaga, pati mama mo chinichismis mo sa akin. Pero ha, excited din ako ma-meet si tita, pano kasi puro kwento ka lang tungkol sa kaniya. Ni litrato eh wala ka maipakita, lagi mong sinasabi na camera shy ang mama mo,” mapagbirong tugon naman ni Jenna. “halika na nga pumasok na tayo, baka ma-late pa tayo n’yan. Hayaan mo, mamaya dadaan ako sa inyo bago umuwi,” dagdag pa nito at saka na sila pumasok sa klase.
Pagtapos ng klase ay sinundo ng kaniyang ama si Lady at sinabay na nito sa kotse ang kaibigan. Habang nasa byahe ay walang mapagsidlan ang tuwa nito at halatang sobrang sabik na makita ang ina – hindi matapos ang kwento nito sa kabigan tungkol sa ina.
Pagdating nila sa bahay nina Lady ay nagmamadaling bumaba ang dalaga sa sasakyan at patakbong hinanap ang kaniyang mommy. Nang makita ay niyakap niya ito nang mahigpit at saka marahang hinila papunta sa salas.
“Mommy kasama ko si Jen, excited siya na ma-meet ka!” masiglang sambit ng dalaga habang papalapit sila sa may tanggapan.
“Jen!” sigaw nito na siyang tingin naman ng kaniyang kaibigan. “Jen, eto si mama. Ma, siya po si Jenna iyong palagi kong kinukwento sa’yo?” sabik nitong ipinakilala sa ina ang pinakamatalik niyang kaibigan ngunit imbis na maging masaya ito ay halata ang pagkadismaya sa mukha ni Jenna.
“Jen, may problema ba?” nag-aalalang tanong ni Lady. Umiling lamang ang dalaga bilang tugon at saka nito kinuha ang kaniyang bag mula sa sofa. “Ah, nice to meet you po. Sorry Dee, may aasikasuhin pa pala ako saka hinihintay ako ni papa sa bahay. Uuna na ako ha?” nagmamadaling sabi ni Jenna saka ito mabilis na naglakad papalabas.
Sobrang bigat ng dibdib ni Jenna sa kaniyang paglabas mula sa bahay ng kaibigan. Tila naninikip ang kaniyang dibdib na makita niya ang kaniyang ina na siyang pinakilala ni Lady bilang mommy nito. Hindi pa man nakakalayo si Jenna ay may bumusina sa kaniyang sasakyan – lulan nito ang kaibigan at ang mommy nito.
“Jen!” tawag ni Lady sa kaibigan ngunit patuloy lang ito sa paglalakad. Ipinatigil ni Lady ang saskyan at saka bumaba ito – sumunod naman ang kaniyang mommy. “Jen, kausapin mo naman ako. Anong problema? Di’ba sabi mo sa’kin excited kang ma-meet si mommy? Anong nangyari?” paghahabol nito sa kaibigan.
Tumigil sa paglalakad si Jenna, bumuntong hininga ito at saka hinarap ang kaibigan.
“Ang taong ipinakilala mo sa’kin ay matagal ko nang kilala, Dee.”
Unti-unting namuo ang mga luha sa mata ni Jenna.
“Siya ang pinaka-kinamumuhian kong tao. Siya ang mama ko, Dee. Iniwan niya kami… Para sa career niya sa ibang bansa… Hanggang sa hindi na siya bumalik…” pinipigilan ni Jenna ang sarili sa pag-iyak. Napatakip naman ng bibig si Lady at siyang tumingin sa kaniyang ina – nakatungo ito at labis na rin ang pag-iyak. Animo’y istatwa si Lady sa kaniyang narinig – magkakahalong galit, pagkadismaya, sakit, at kalungkutan ang nadarama nito.
Sinubukan suyuin at kausapin ni Lady ang kaibigan matapos ang ilang araw – maging ang ina nito ay sinubukang mapalambot ang puso ni Jenna sa pamamagitan ng pagmamakaawa ngunit tila bato na ang puso nito. Maski ang ama ni Jenna ay kinukumbinsi siyang patawarin ang ina ngunit hindi nito matanggap ang kaniyang natuklasan. Palagi itong nakatulala at tila balisa.
Dumaan ang araw ng pagtatapos at hanggang sa araw na iyon ay hindi iniimik ni Jenna ang kaniyang kaibigang si Lady. Hindi niya matanggap na ang pinakamatalik niyang kaibigan ay ang dahilan ng pagkawala ng taong kaniyang pinakamamahal.
Ngunit isang umaga, nagising na lamang si Lady sa paulit-ulit na katok sa pintuan ng kanyang silid. Laking gulat niya nang makita si Jenna na may malaking ngiti sa mukha.
“Lady, patawarin mo ako kung inuna ko ang emosyon ko. Alam ko naman e, naiintindihan kong wala kang kinalaman sa mga pagkakamali ng ating mga magulang. Kaya sana, kung bigyan mo ako ng pagkakataong makabawi, ay patawarin mo na ako?” naluluhang sabi ni Jenna habang sinusubukang hawakan ang kamay ng kaibigan.
“Ano ka ba? Hindi na tayo BFF! Hindi na tayo best friends forever!” sambit ng nakasimangot na si Lady. Labis itong ikinalungkot ni Jenna at umaktong aalis na, nang bigla siyang pigilan ni Lady.
“Hindi na BFF, kasi sisters forever na!” nakangising dagdag ni Lady. Matapos ay nagyakapan ang dalawa at nangakong wala nang unos ang makakapaghiwalay sa samahan nilang dalawa.