Dati Siyang Naging Akin!
“Angelica, invited ka sa kasal ko ah.” excited na wika Demi.
Si Demi ay ang kanyang matalik na kaibigan sa pinapasukang trabaho. Close na close sila dahil sa kahit anong bagay ay magkasundo silang dalawa.
Kahit sa pagkain ay magkasalo sila, malungkot siya kapag hindi ito pumasok at gano’n din si Demi kapag siya naman ang hindi pumasok. Kung tawagin sila ng mga kasamahan ay kambal tuko, hindi kasi sila mapaghiwalay.
“Oo ba! Kailan ba iyang kasal mong ‘yan? Atsaka bakit ba atat na atat kanang mag-asawa? Bata pa naman tayo ah,” natatawa niyang wika.
“Oo Angelica, batang-bata pa ang trenta,” agad naman nitong sagot kaya nagtawanan sila. “Syempre, sa tingin ko naman ay nasa tamang edad na ako para mag-asawa ‘di ba? Gurang narin naman tayo kung maituring, hello! Gusto ko pang magkaanak,” anito.
“Sabagay,” maiksi niyang tugon.
“Kaya ikaw. Maghanap ka na rin ng lalaking pakakasalan.”
“Sus! Isang sakit lamang iyan sa ulo,” aniya.
“Basta ah. Isasama kita sa dinner date namin bukas ng pamilya ko at ng fiancé ko. Syempre, para na rin kitang kapatid kaya dapat nandoon ka.”
“Oo na. Oo na, manahimik ka lang.”
Kinabukasan ay kasama nga siya sa dinner date ng pamilya ni Demi at nang mapapangasawa nito. Medyo kanina pa silang naghihintay sa fiancè ni Demi.
“Malapit na ba siyang dumating anak?” tanong ng Mama ni Demi.
“Opo Ma, malapit na daw siya. Pasensya na po medyo naligaw kasi siya, hindi na kasi niya kabisado ang Manila. Alam niyo naman na matagal siyang nanirahan sa ibang bansa,” paliwanag ng kaibigan.
Maya maya pa ay biglang tumayo si Demi upang salubungin ang lalaking naka-shades at papalapit sa pwesto nila. Nakita niyang agad naghalikan ang dalawa kaya walang kaduda-dudang ito na ang kanina pa nila hinihintay.
“Ma, Pa. Nandito na po si Sean,” agad nitong pakilala sa lalaki.
Pakiramdam naman niya’y slow motion nitong tinanggal ang eye glasses na nakatabon sa mukha nito. Muntik na siyang maubo nang tuluyang tanggalin ng lalaki ang salamin sa mata. Kilala niya ang fiancè ng kaibigan. Paanong hindi, e ito ang dati niyang nobyong si Sean!
“Angelica, ito nga pala si Sean, ang fiancè ko.” pakilala naman ni Demi sa lalaki.
Hindi man lang niya nakitaan ng pagkagulat ang mukha nito na para bang alam nitong magkikita silang dalawa. Kesa intindihin pa ang sariling emosyon ay hindi niya ipinahalata sa lahat ang pagkabalisa. Tinanggap niya ang kamay ng lalaki at nakipagkamay.
“Angelica,” nakangiti niyang sambit.
“Sean,” tugon naman nito.
Nais niyang sampalin si Sean at sigawan. Ngunit hindi niya ginawa, ramdam niyang alam nitong magkaibigan sila ni Demi. Sa dami ba naman ng pictures na pino-post ng kaibigan sa social media nito ay imposibleng hindi man lang siya nakilala ng lalaki. Napatingin naman siya ngayon kay Demi na sobrang tamis ng ngiti habang nakatitig kay Sean.
“May alam ba si Demi?” tanong niya sa sarili na agad naman niyang nasagot. Malamang ay hindi alam ng kaibigan, wala itong alam na may nakaraan sila ng nobyo nito.
Sa kakaisip ay biglang sumakit ang ulo niya kaya nagpasya nalang siyang magpaalam na uuwi na. Hindi din naman siya komportable kaya mas maigi na nga lang na umuwi na siya.
Hanggang sa bahay ay laman parin ng isipan niya si Sean. Wala man lang ba itong naikwento kay Demi? Sana nga ay wala nalang, tutal matagal narin namang nagtapos ang istorya nilang dalawa.
Ang lalim na ng iniisip niya nang biglang tumunog ang kanyang cellphone. Hindi niya kilala kung sino ang tumatawag ngunit sinagot niya parin ito. Baka kasi nakitawag na naman ang Mama niya sa kapitbahay dahil hindi na naman ito nakapag-load.
“Hello?”
“Hello, Angelica?” pamilyar na pamilyar sa kanya ang baritono nitong boses. “Ako, ito si Sean,” pakilala nito.
“Napatawag ka?” aniya. Pinipilit niyang maging normal ang lahat at ayaw ipahalatang bigla siyang kinabahan ng muling marinig ang boses ng lalaking unang minahal.
“Maaari ba tayong magkita at mag-usap?”
“Para saan pa Sean?”
“Gusto lang kitang kumustahin,” anito.
“Huwag na. Nakita mo naman, maayos naman ako. Maayos naman ang pamumuhay ko. Naging okay naman ako, matapos mo akong iwan ng basta-basta nalang.” may halong panunumbat niyang wika.
“Angelica, that’s the reason why I really want to talk to you. Gusto kong mag-explain, gusto kong ipaliwanag kung bakit nangyari ang lahat ng iyon. Hindi ko gustong iwan ka,” anito.
“Huwag na Sean. Huli na ang lahat, ibaon nalang natin ang lahat sa limot at panindigan mo ang kaibigan ko. Ang istorya nating dalawa ay matagal ng nagtapos, pero ang istorya niyo ni Demi ay nagsisimula palang. Kalimutan mo nalang na naging parte ako ng buhay mo. Ayokong maging guilty kay Demi, she’s been really nice to me at isa siya sa mga tumulong sa’kin noong panahon na down ako dahil sa’yo.
Ayokong saktan ang kaibigan ko, pero kahit wala naman akong ginagawang masama ay pakiramdam ko nagi-guilty ako sa kanya kasi wala siyang alam sa lahat. Ayokong dagdagan ang guilt feeling na iyon, kaya huwag na. Magkalimutan nalang tayo ng tuluyan Sean, be happy with Demi ‘coz she’s kind. Hindi ko kayang saktan ang kaibigan ko,” humihikbi niyang sambit.
“Angelica,” malungkot nitong sambit ng pangalan niya.
“Mahalin mo si Demi at huwag na huwag mo siyang sasaktan. Iyon lang ang hihingin ko sa’yo, huwag na huwag mo siyang sasaktan. Dahil para mo narin akong sinaktan ulit kapag nakita kong sinaktan mo ang kaibigan ko. Ito nalang siguro ang cluesure na kaya kong ibigay Sean. Maging masaya nalang tayo sa buhay ng isa’t-isa,” aniya atsaka ibinaba na ang tawag.
Kinabukasan ay nagpasya siyang mag-resign sa trabaho, isang mabigat na desisyong nabuo niya matapos niyang umiyak magdamag. Puno ng pagtataka ang mukha ng kanilang amo at ang mga kasamahan niya sa trabaho, lalong-lalo na si Demi. Babalik nalang siya ng Cagayan De Oro at doon nalang magsisimula ulit. Mas maiging lumayo siya kay Demi upang tuluyan niyang malayuan si Sean.
“Angelica, bakit biglaan yata?” takang tanong ni Demi.
Walang sabi-sabing niyakap niya ito at hinalikan sa noo na lagi niyang ginagawa. “Kailangan ko na kasing umuwi sa’min, Demi. Atsaka, namiss ko na talaga ang probinsya namin.” pagdadahilan niya.
“Ano ba ‘yan! Iiwan mo na pala ako,” mangiyak-iyak nitong sambit.
“Hindi ah! Nasa malayo lang ako pero hindi naman tayo maghihiwalay nang tuluyan. Parang LDR lang,” natawa ito sa sinabi niya. “Sabihin mo sa’kin ah kapag sinaktan ka ni Sean. Babalik ako rito para bugbugin siya,” pigil ang luhang sambit niya.
“Pero Angelica, ‘di ba aattend ka pa ng kasal namin?”
“Oo, susubukan ko,” pero duda siyang a-attend pa siya sa kasal ng dalawa. Sapat na ang sakit na makitang nasa kaibigan na niya ang lalaking bukod tangi niyang minahal.
“Mag-iingat ka doon ah,” bilin pa nito. Nanatili lamang si Demi na nakayakap sa kanya at gano’n din siya.
“Ikaw din dito. Gusto kong maging masaya ka sa piling ni Sean, ayokong makita kang umiiyak.” Sinakripisyo ko ang sarili kong damdamin para sumaya ka lang dahil gano’n ka ka-importante sa’kin, piping dugtong ng isipan niya.
Mas kakayanin niya ang masaktan ulit dahil kay Sean, pero hindi niya kakayaning mawala ang kaibigan na itinuring niyang kapatid sa mga nakalipas na taon.
Images courtesy of www.google.com
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!