Inday TrendingInday Trending
Seaman-loloko

Seaman-loloko

Nasa highschool palang ay mag-nobyo na si April at Joey. Hanggang mag-kolehiyo ay matibay ang relasyon nilang dalawa. Saksi si April sa lahat ng paghihirap ng binata sa pag-aaral lalo na at ang kinuha nitong kurso ay Marine. Noong una ay tinutulan niya iyon. ngunit pursigido ito kaya bilang isang nobya ay wala siyang nagawa kundi ang suportahan na lamang ang kanyang mahal.

Mabilis na lumipas ang araw at dumating na nga ang araw ng pagsampa nito sa barko.

“Mag-iingat ka doon, mahal ah. Tumawag ka sa’kin palagi at huwag na huwag kang mambababae!” hindi niya maiwasang hindi matakot sa isiping baka makahanap ng iba ang nobyo lalo na’t malayo ito sa kanya.

“Ano ka ba? Mahal kita at ikaw lang ang mamahalin ko. Sasakay ako ng barko para mag-trabaho hindi para maghanap ng ipapalit sa’yo,” malambing nitong wika sabay yakap sa kanya ng mahigpit.

“Siguraduhin mo lang talaga, Joey.”

“Hindi naman lahat ng seaman, Mahal ay manloloko. ‘Yong iba pa nga’y sila ang niloloko,” anito.

“Malaki naman ang tiwala ko sa’yo, Mahal. Kaya sana’y huwag mong sisirain ang tiwalang iyon,” seryoso niyang tinitigan ang nobyo sa mga mata. Hindi na ito nagsalita pa sa halip ay ginawaran lamang siya ng halik sa noo at ngumiti saka tuluyang nagpaalam.

Lumipas ang maraming araw, ni minsan ay hindi naman pumalya si Joey na magparamdam at mangumusta kay April. Minsan nga lang kapag nasa laot na ang mga ito’y hindi ito nakakatawag sa kanya dahil walang signal.

Nalaman din niyang tatlong buwan na pala siyang buntis bago paman ito sumampa sa barko. Kaya minsan ay nagiging bugnutin siya at mainitin ang ulo. Lalo na kapag hindi nakakatawag si Joey ay kay bilis-bilis niyang magalit at minsan pa’y ito ang napagbubuntunan niya ng inis, kaya lagi na lamang silang magkaaway.

Marami pa siyang naririnig na kapag ang mga seaman daw ay bumaba ng barko’y didiretso ang mga ito sa isang bar na may mga babae, mga kahit anong pangit na sinasabi ng karamihan. Kaya lalong umiinit ang bumbunan niya, madalas tuloy niyang inaaway si Joey, hindi alintana ang pagod nito sa trabaho.

Siguro minsan ay hindi na siya nito matantya kaya pinapatulan na rin nito ang init ng ulo niya. Umabot pa sa point na hindi na sila nag-uusap na dalawa, isang Linggo hanggang tatlong Linggo at wala din siyang balak na kausapin ito.

Hanggang sa dumating ang araw na manganak siya. Tanging ang kanyang mga magulang lamang ang naroon at wala si Joey, malungkot man ay pilit niya itong inintindi. Nang manganak siya’y akala niya tapos na ang pagiging mainitin ng ulo niya, ngunit lumala yata iyon at halos tuwing mangangamusta ito sa kanilang mag ina ay wala na silang ginawa kundi ang magbangayan.

Ayaw man niyang deretsahin ito’y nais na niyang makipaghiwalay. Lagi nalang kasi silang nagkakasagutan at laging umaabot sa initan ang usapan nila. Hindi na sila nagtagpo. Ang mga pinangako nito noon na pagbaba nito ng barko ay magpapakasal sila’y binitawan na niya at hindi na umaasang mangyayari pa. Iniisip nalang niyang baka pagbaba nito’y saka lamang ito makikipaghiwalay sa kanya.

Dumating ang araw ng pagbaba ni Joey sa barko, diretso itong umuwi sa kanila ng anak niya at ginampanan ang pagiging Ama.

Mula ng dumating si Joey ay ito na halos ang gumagawa ng tungkulin niya sa anak nila. Ito ang nagpapa-araw, nagpapaligo, nagpapatulog, ginigising lamang siya nito kapag kailangang dumede ng anak nila at ‘pag tapos na ay kukunin nito ulit upang patulugin.

“Joey,” mahina niyang tawag rito habang hinihele nito ang anak nila.

“Bakit?” nakangiting tanong nito.

“Ako na ang magbabantay. Baka pagod kana, mula kasi noong dumating ka’y hindi kana pinagpahinga ni baby,” aniya.

Ngumiti ito atsaka niyuko ang natutulog nilang anak. “Hayaan mo na ako, Mahal. Minsan ko lang nagagawa ‘to, mas madalas kasing ikaw ang kasama ni baby, kasi nasa malayo ako. Kaya naman habang may pagkakataon akong bantayan at alagaan siya’y gagawin ko. Hindi lang para sa kanya, kundi para na rin sa’yo. Mabawasan ko man lang ang stress mo.”

Gusto niyang umiyak sa sinabi nito. Ano bang magandang nagawa niya at ibinigay sa kanya ang ganitong klaseng lalaki? Pakiramdam niya’y hindi siya deserving sa labis na pagmamahal na ibinibigay ni Joey. Wala na siyang ginawa kundi ang awayin ito at bigyan ng stress, pero mas iniisip pa rin pala siya nito.

“Alam ko naman kung bakit mo ako laging inaaway e, naiintindihan kita Mahal. Syempre, mahirap naman talaga lalo na’t wala kang katuwang noong nagbubuntis ka, nanganak ka na wala ako sa tabi mo at wala ka pang kapalitang mag-alaga kay baby.

Hindi katulad kapag nandito ako, may katuwang ka. Pasensya kana talaga Mahal ah, kailangan ko kasing kumayod para sa’yo at kay baby. Kaya kailangan kong lumayo, kung dito lang kasi ako sa tabi niyo baka hindi ko maibigay sa pamilya natin ang isang magandang buhay.”

Hindi niya mapigilang humikbi sa sinabi ni Joey. “Hindi mo ako ipagpapalit kahit na lagi kitang inaaway?”

“Ha? Bakit ko naman gagawin ‘yon? Noon ikaw lang ang buhay ko tapos ngayon nadagdagan na ni baby. Sa inyong dalawa na umiikot ang mundo ko tapos ipagpapalit ko kayo? Hinding-hindi ko kayo ipagpapalit sa kahit kanino, Mahal. ‘Di ba sabi ko magpapakasal pa tayo? Tutuparin ko nga iyon e lalo na’t nandito na si baby.”

“Kasi sabi nila ang mga seaman daw ay manloloko. Kaya kapag hindi kita natatawagan ay napa-praning ako. Kasi kung anu-ano nalang ang pumapasok sa isip ko,” pag-amin niya na ikinatawa nito ng malakas.

“April, nakilala mo ako noong panahon na hindi pa ako seaman. Nagkataon lang na ito ang gusto kong propesyon kaya ako naging seaman. At saka, sabi ko naman sa’yo noon ‘di ba na hindi lahat ay manloloko. Kaya pwede bang alisin mo iyan sa isip mo,” anito.

“Oo na. Hindi na.”

“Ikaw lang ang babaeng gusto ko. Ikaw ang mahal ko kaya hinding-hindi kita ipagpapalit kanino man. At hindi por que seaman ako ay lolokohin na kita, sa isang dosenang apple ba kung may isang bulok ibig sabihin ba no’n ay bulok na ang lahat? ‘Di ba hindi? Gano’n lang din kaming mga seaman. Kung nagkataon man na may nalokong babae ang isang seaman, hindi naman ibig sabihin no’n ay manloloko na ang lahat.”

“Oo na. Alam ko na, I love you.”

“I love you too.”

Hindi lahat ng seaman ay masasama. Hindi ibig sabihin na ganyan ang propesyon ng isang tao ay hindi mo na dapat pagkatiwalaan.

Sabi nga ni Joey, kung may isang bulok sa isang kwarto, hindi nagkakahulugan na bulok na ang lahat ng nasa loob. Kaya huwag nating husgahan ang isang tao dahil lamang sa sinasabi ng karamihan.

Images courtesy of www.google.com

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement