Inday TrendingInday Trending
Kilala Mo ang Anak Ko, Sweetie Pie?

Kilala Mo ang Anak Ko, Sweetie Pie?

Matagal nang hiwalay sa asawa si Mica. Nalaman niya kasing may anak na sa ibang babae ang kanyang mister, kaya naman tinapos na niya ang relasyon dito. Naiwan sa kanya ang dalawa nilang mga anak, kaya todo kayod siya para maitaguyod ang mga bata.

Lumipas ang panahon at nakaya naman ni Mica ang bigat ng responsibilidad ng isang ama at ina. Dahil sa pagluluto niya sa isang kantina sa isang pabrika, napagtapos niya ang kanyang panganay na anak sa kolehiyo.

“Nak, pangako mo kay nanay na magtatrabaho ka muna ha, bago ka mag-asawa. Tulungan mo muna akong mapagtapos si bunso bago ka bumuo ng pamilya. Okay lang ba yon? Dalawaang taon na lang naman, makakapagtapos na siya.

Saka pumili ka ng hindi ka ipagpapalit ha? Nakita mo naman ang hirap na dinanas ko, ayokong maranasan mo yun. Gamitin mo ang talino mo ha?” pangangaral ni Mica sa anak, isang araw bago ito maghanap ng trabaho.

Isang araw naidestino ang ginang na magbenta sa ibang kantina pagkatapos niyang magluto. Dito niya nakilala ang isang binatang malayo pa sa pila ay nakatingin na sa kanya. Noong ito’y sasandukan na niya, nakatulala lamang ito sa kanya kaya naman natapon ang ulam nito sa damit.

“Ay naku ‘nak, pasensya kana!” sabi ni Mica habang akmang pupunasan ang damit ng binata.

“Huwag mo nang punasan, ayos lang yan. Saka huwag mo naman akong tawaging anak, gusto nga kitang maging misis eh.” anito sabay bigay ng isang maliit na papel na naglalaman ng cellphone number nito. “Tawagan mo ako mamaya.” huling bilin nito sabay kindat.

Sa tinatagal-tagal ng panahon na walang lalaking nagkakagusto sa kanya, agad napukaw ng binata ang loob ni Mica. Pagkauwing-pagkauwi niya, dali-dali niyang pinalabas sa silid ang bunsong anak niyang nag-aaral para matawagan ang numerong binigay nito kanina.

Humaba ang kanilang usapan noong gabing iyon. Hanggang sa dumalas na silang nag-uusap. Isang gabi, napagdesisyunan nilang magkita. Habang tulog ang mga anak, dahan- dahang tumakas si Mica para mapuntahan ang binata.

“Ang ganda ganda mo talaga kahit na may edad kana. Kapag tinititigan kita, parang gusto ko na magpakasal agad sayo.” pambobola ng binata.

Dumalas ang pagtakas na ito ni Mica. Napapansin na ng mga anak niya na kada maaalimpungatan sila sa madaling araw, wala ang nanay nila.

“Nay, nagising ako kanina, wala ka na naman. Saan po ba kayo nagpupunta?” anang panganay niyang anak.

“Ha? Andito lang ako. Baka nasa terrace ako. Hindi kasi ako makatulog nak eh.” paliwanag ni Mica.

Naging gabi-gabi ang pagkikita ng dalawa. Doon na natutulog si Mica sa bahay ng binata at uuwi na lang siya bago sumikat ang araw. At dahil doon, nagbunga ang kanilang ginagawa. Nabuntis muli si Mica. Naisipan niyang ipakilala na ang binata sa mga anak, walang alinlangan namang pumayag ang kanyang nobyo.

“O Jay! Bakit ka andito? Kinausap mo na ba ang nanay tungkol satin? Naku kaya naman pala nagsusungit-sungitan ka sakin ng mahigit isang buwan!” wika ng panganay niyang anak habang pangiti-ngiting nakatingin sa dala niyang binata.

“Kilala mo ang anak ko sweetie pie?” pagdududa ni Mica. Napasimangot naman ang panganay niyang anak.

“Oo, siya yung sinasabi kong nobya ko pero ayoko na sa kanya diba? Eh anak mo pala yan? Ngayon mamili ka, ako at ang anak natin o yang mga anak mo?” mayabang na anang binata.

Nagulat naman si Mica sa mga narinig mula sa lalaki. Ito namang anak niya, halos hindi makaiyak sa sakit na nararamdaman. Wala itong masabi ni isang salita. Kaya naman tumakbo na ito papasok ng silid.

“Tagala Jay? Iyan ang una mong sasabihin? Papapiliin mo ako? Eh walang hiya ka rin pala eh! Ang sabi mo sakin matagal na kayong hiwalay noong babae at nangungulit na lang ngayon. Tapos malalaman ko na anak ko pa yon at hindi pa kayo maayos na naghihiwalay?

Aba kahit anak mo itong dinadala ko, pipiliin ko ang mga anak ko kaysa sa walang pusong lalaking katulad mo! Ang lakas ng loob mong saktan ang anak ko? Mahal kita pero mas mahal ko ang mga anak ko! LUMAYAS KA DITO!” galit na galit na ika ni Mica sabay takbo sa anak niyang nagkulong sa kwarto.

Nadatnan ni Mica ang anak na humahagulgol. Nilapitan niya ito, nagulat naman siya nang agad siya nitong niyakap.

“Anak, pasensya kana ha. Hindi ko akalaing nobyo mo ang binatang iyon. Mas mahal kita kaysa sa kanya. Patawarin mo ang nanay. Hindi siya nararapat sayo o kahit sakin, hindi siya tunay na lalaki.” pagpapaliwanag ni Mica, lalong umiyak ang kanyang anak.

Minsan masusubok ang tunay na pagmamahal ng pamilya kapag nahaharap sa masasakit na sitwasyon.

Image courtesy of www.google.com (Photo for illustration purposes only)

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino

Advertisement