Inday TrendingInday Trending
Alay ng Tambay ang Pag-ibig na Walang Katapusan

Alay ng Tambay ang Pag-ibig na Walang Katapusan

“Hi Iris!” tawag ng isang binata sa naglalakad na dalaga.

“Uy Allan, ikaw pala ‘yan,” nakangiting bati ni Iris sa binata.

Ang binata na ‘yon ay kababata ni Iris, dati niya rin itong kasintahan. Nag-aaral pa lamang ng hayskul si Iris ng maging sila ni Allan. Naging lihim lang ang kanilang relasyon dahil pinagbabawalan pa si Iris na magka-nobyo.

Naging magkasintahan rin sila sa loob ng isang taon. Hindi man sila nagkaroon ng pagkakataon na lumbas noon para mag-date ay naging sapat na ang palihim nilang pagkikita sa kanto, sa paghahatid nito sa sakayan papasok sa eskwela, at pasulyap-sulyap sa tuwing magkakasalubong o madadaanan nila ang bahay ng isa’t isa. Hindi kasi palalabas si Iris sa kanilang lugar, madalas nga ang tawag sa kaniya ng kaniyang mga kakilala ay ‘taong bahay’.

Hindi nagtagal ang kanilang relasyon noon. Bukod sa dahilan na nasa murang-edad pa ang dalawa, natuklasan na rin ng magulang ni Iris ang relasyon nilang dalawa. Hindi naging boto ang mga magulang ni Iris kay Allan dahil si Allan daw ay isang hamak na tambay lamang at walang mapapala ang dalaga sa mga lalaking katulad niya.

Labag man sa loob ni Iris, ay tuluyan na din niyang hiniwalayan ang binata at naging abala na lamang sa pag-aaral. Samantalang si Allan naman, na sobrang nasaktan sa nangyari ay mas nagpursige na baguhin at ayusin ang buhay nito.

Sa paglipas ng panahon, ay nagpatuloy na maging magkaibigan ang dalawa. Kahit hindi naging maganda ang hiwalayan nila, ay nagawa nilang mapatawad ang isa’t isa. Lalo na at halos magkapitbahay lang sila. Kahit na nagkaroon na ng kanya-kanyang buhay ang dalawa ay patuloy pa rin silang hindi nakakalimot sa pagkakaibigan na meron sila noon.

Si Iris ay nakapagtapos na ng kolehiyo at Si Allan naman ay naghahanap-buhay bilang isang tricycle drayber. Minsan nga ay tricycle nito ang nasaksakyan ni Iris sa tuwing ito’y pumapasok at umuuwi galing trabaho.

Madalas si Allan ang bumabati kay Iris, lalo na pag dumadaan ito sa pilahan ng tricycle sa kanilang lugar. Lagi naman siya nitong sinasagot ng isang magandang ngiti.

Hanggang isang araw, hating gabi na nang makauwi si Iris. Habang naglalakad pauwi ay may biglang tumabi sa kanya at inakbayan siya ng mahigpit.

“Holdap ‘to. Iabot mo sakin ang celpon at pitaka mo,” pabulong na sinabi ng lalaki kay Iris.

“Subukan mong pumiglas at sasaksakin kita,” habang nakatutok ang hawak na kutsilyo ng lalake sa tagiliran ni Iris.

Takot na takot si Iris sa mga sandaling iyon. Sa loob ng dalawampu’t limang taon ay hindi pa niya nararanasan ang mapahamak sa kanilang lugar kahit malapit ito sa squatter’s area, kilala kasi ng mga ito ang kaniyang mga magulang.

Sa mga sandaling iyon ay pauwi na si Allan mula sa paghatid sa kanyang pasahero. Habang nagmamaneho ng tricycle ay napansin niya ang isang dalagang naglalakad na pamilyar ng likod nito sa kaniya. Katabi ng dalaga ay isang lalake na mahigpit na mahigpit ang pagkakaakbay. Nang makalapit ay agad niyang nakilala na ang babae si Iris, ngunit lubos itong nagtaka dahil mahigpit na mahigpit ang pagakakadikit ng lalaki kay Iris. Alam ni Allan sa kanyang sarili na kailanman ay hindi magiging ganon ang kilos ni Iris.

Agad-agad niyang nilapitan si Iris.

“Iris may problema ba rito?” tanong ni Allan na biglang hinala ang kamay ni Iris papunta sa tabi niya.

Nabitiwan ng masamang lalaki si Iris at bigla itong naghamon ng away gamit ang kutsilong dala nito.

“Holdaper ka pala ha?!” maangas na hamon din ni Allan sa lalaki.

Nagpang-abot ang dalawa at nagkasuntukan, nag-aagawan pa ang dalawa para makuha ang kutsilyo. Naging matinding ang pagduduwelo ng dalawa. habang si Iris naman ay takot na takot sa nakikitang pag-aaway, at pilit na sumisigaw ng saklolo.

Maya-maya ay naglabasan na ang mga tao dahil sa lakas ng sigaw ni Iris. Nang tangkang kukuyugin na siya ng mga tao, ay agad na tumakbo ang lalaki para tumakas.

Sa pagtakas ng lalaki, ay naiwan si Allan na nakahiga kalsada. Puno ng pasa at dugo ang katawan dahil sa bugbog. Gulat na gulat din si Iris nang makita niyang may hiwa si Allan sa kaniyang braso.

“Allan, dumudugo ang braso mo! Tulong!” sigaw ni Iris habang inaalalayan si Allan na nakahiga sa kalsada.

“Iris, okay ka lang ba kanina? Sinaktan ka ba niya?” tanong ni Allan kahit na kumikirot na ang kaniyang sugat.

“Okay ka lang ako, ‘wag mo na akong alalahanin. Isipin mo ang sarili mo! Napahamak ka tuloy ng dahil sa akin!” pasigaw at umiiyak na sinabi ni Iris kay Allan.

Agad-agad na dinala ng mga tao si Allan sa ospital. Nahuli rin ang lalaking nangholdap kay Iris. Sa ospital ay agad inasaikaso at itinahi ang mga sugat na braso ni Allan.

Maya-maya ay dumating na ang mga magulang ni Iris at mahigpit ‘tong niyakap. Sumunod na dumating ay ang ina ni Allan na lubos na nag-alala sa kanya.

“Nay, sorry po at napahamak si Allan ng dahil po sa akin,” malungkot na sinabi ni Iris sa nnay ni Allan

“Ayos lang iyon, hija. Ang mahalaga ay nasa maayos na ang kalagayan kayong dalawa,” sagot ng matandang babae at agad na ibinaling ang atensyon sa kanyang anak.

“Anak, kamusta na ang iyong pakiramdam?” tanong ng ina kay Allan.

“Nay, okay lang ho ako. Malayong malayo ito sa bituka,” pabiro pang sagot ni Allan.

“Nako nak, paano kung sa iba ka niya nasaksak?Mag-ingat ka lagi kasi!” pasermon niyang sinabi kay Allan.

Maya-maya ay lumapit ang mga magulang ni Iris sa kanila.

“Allan, salamat sa pagsagip sa buhay ng anak namin. Kung hindi dahil sayo, ay napahamak at nasaktan na siguro si Iris ng holdaper,” pasasalamat ng tatay ni Iris kay Allan.

“Tatanawin namin itong malaking utang na loob,” sabi ng nanay ni Iris.

Nagtuloy-tuloy ang paggaling ni Allan. Ang pamilya ni Iris na ang sumagot ng gastusin nito sa ospital. Ilang araw rin na hinahatiran ni Iris si Allan ng mga prutas at pagkain.

Nagpatuloy ang buhay ng dalawa bilang magkaibigan. Dahil din sa nangyari ay naging magkaibigan ang magulang ni Iris at Allan.

Isang araw nang maisipan ni Iris na bisitahin siya ay narinig niya ang batang kapatid ni Allan na nagtanong tungkol sa kanya.

“Kuya Allan, ang tapang mo para sagipin si Ate Iris noon ‘no,” banggit ng kapatid.

“Alam mo, ganyan din naman ang gagawin ng iba kung may makikita silang mapapahamak. Lalong-lalo na kung ang taong iyon ang pinakamamahal mong babae,” sagot ni Allan.

“Kuya, handa ka ngang mawala mailigtas mo lang siya eh,” pang-aasar na sinabi ng kapatid niya,

Nasa may labas si Iris at tahimik na nakikinig.

“Alam mo, minsan may darating sa buhay natin. Akala natin sila na, alam natin sa sarili natin na sila na. Pero darating ang panahon na ipaparamdam sa inyo ng tadhana na hindi kayo nakatakda,” seryosong sinabi ni Allan sa kapatid.

“At kahit gaano pa natin sila kamahal, matutunan natin silang mahalin sa ibang paraan. Sa paraan, na malaya natin silang makakasama,” dagdag ni Allan.

“Si Iris, bata pa lang kami gusto ko na siya. Alam kong siya na yung gusto kong makasama, pero maaga kaming ginising ng tadhana na hindi kami talaga ang para sa isa’t isa. Siguro yung iba iisipin na kakalimutan na nila yung tao, iiwasan para makalimot. Pero hindi para sa akin,” patuloy na pagdra-drama nito sa kapatid.

“Sa paglipas ng panahon, nagpatuloy ang pagkakaibigan naming na dalawa. Masaya na ako na makita kong unti-unti niyang naabot ang mga bagay na gusto niya. Masaya na akong makita yung ngiti niya sa mga pagkakataon na makakasalubong siya.”

“Hindi man panghabambuhay yung pag-ibig namin noon, hindi nawawala yung pagmamahal ko sa kanya. Natutunan lang natin sila mahalin sa ibang paraan at pagkakataon.” nakangiting sinabi ni Allan ito sa kanya kapatid. Nakangiti ngunit bakas sa mukha ang labis na kalungkutan sa katotohanang hindi kailanman mapapasakanya ang dalagang pinapangarap.

Nagpatuloy ang kwentuhan nilang dalawa. Si Iris na nasa labas ay naluha sa mga bagay na kanyang narinig. Maya-maya ay pumasok na ito sa loob ng bahay.

“Tao po. Nandito na ako, may dala akong pagkain,” nakangiting bati nito sa kanila.

Binati siya ng dalawa na tila ba ay tuwang-tuwa sa pagdating niya. Pinagsaluhan nila ang dalang pagkain ni Iris. At si Iris naman ay pinagmasdan si Allan habang ito ay nag-aayos ng hapag-kainan.

“Ako rin, Allan. Hindi nawala yung pagmamahal ko. At tulad mo, natuto akong mahalin ka sa ibang paraan. Maswerte ako, Allan. Dahil may isang katulad mo na dumating sa buhay ko,” mga salitang nasa isip lang ni Iris dahil niya ito masabi.

Patuloy na naging maayos ang lahat. Bumalik ang lahat sa kanya-kanya nilang buhay. Hindi rin tinadhana na magkakabalikan ang dalawa, at kahit ganoon ay masaya silang nagpatuloy sa buhay baon ang aral sa buhay at tunay na pag-ibig.

Kasalukuyan ay may asawa at anak na si Allan. Ginawa niyang Ninang si Iris sa panganay niyang anak. Si Iris naman ay nakatakda ng umalis papuntang ibang bansa dahil sa magandang opurtunidad. Baon na baon ng dalawa ang magagandang alaala at mga aral sa buhay na natutunan nila mula sa pag-ibig na naudlot ng dahil sa pagkakaiba ng estado nila sa buhay.

Advertisement