Inday TrendingInday Trending
Si Nanay at Tatay, Parang Aso’t Pusa Kung Mag-away

Si Nanay at Tatay, Parang Aso’t Pusa Kung Mag-away

Tahimik ang bahay. Nag-away kasi ang mag asawang si Carmen at Randy. Napapadalas ang pag-aaway ng dalawa dahil nalugi kasi ang kanilang tindahan dahil sa pagkakabaon nila sa utang.

Pinaka-apektado sa kanila ay si Carmen. Mahigit isang dekada na rin kasi ang tindahan nila na iyon. Doon na sila kumukuha ng pang gastos nila sa araw-araw. Malakas ang kita nila noon doon, kaya ganoon na lamang ang sama ng loob niya ng malugi ang tindahan.

Nasa kwarto si Carmen, tulala at galit. Hindi kasi maiwasan ng dalawang mag-asawa ang ‘di pagtalunan ang pera. Samantalang si Randy naman ay tahimik na nasa sala at pinapanuod ang dalawang anak na gumawa ng mga takdang-aralin.

Tumayo si Randy at niyaya ang mga anak na kumain. Kaning lamig lang ang mayroon sa lamesa, kaya toyo na lang ang inulam ng mag-aama. Habang kumakain ay biglang nagsalita si Carmen.

“Wag niyong kakainin ang kahit ano diyan. Kahit ‘yang toyo at asin, wag niyong uulamin,” galit at inis na sinabi niya ito sa mag-aama.

“Wag niyong babawasan ang mga gamit diyan. Wala na tayong pera, kaya wala na sa atin ang kakain,” dagdag pa nito.

Hindi nakapagtimpi si Randy at agad niyang pinuntahan ang asawa at nagpatuloy ang pag-aaway.

“Carmen, pera lang iyan. Magpapadala ka sa galit mo at sa inis mo dahil lang sa wala kang pera?” padiin na sinabi ito ni Randy sa kanya.

“Bakit ha? Kung ‘di lang kasi tayo nabaon sa mga utang mo na iyon, edi sana may negosyo pa tayo!” sagot ni Carmen na puno ng panghihinayang.

“Eh tama ba na ganyan ang sinasabi mo sa amin ng mga anak mo? Nanay ka Carmen, hindi ka dapat ganyan sa mga anak mo,” sagot ni Randy.

“Tama ba na sasabihan mo ang mga anak mo na wag kumain na para bang pinagkakaitan mo sila? Wala lang tayong pera Carmen pero pamilya pa rin tayo!” dagdag pa ni Randy.

Nang matapos na kumain ang dalawa ay pinapasok na ni Randy ang mga bata sa kwarto nila. Alam niya kasing magpapatuloy pa ang pagdidiskusyunan nila ni Carmen.

Mabait na asawa si Carmen, maalaga rin ito sa kanyang asawa at mga anak. Sadyang labis na kalungkutan at galit lang talaga ang naramdaman nito noong mawala at maubos lahat ng naipundar nila.

Nagpatuloy ang sigawan ng dalawa sa sala. Habang rinig na rinig sila ng dalawang bata. Umiiyak na ang nakakabatang anak ni Randy na si Mia. Natatakot kasi ito sa lakas ng sigawan ng dalawa. Kaya niyakap at pinatulog muna ito ng kanyang Ate Laura.

Si Laura ay ang panganay na anak nila Randy at Carmen. Siya ay nasa hayskul na ngayon, kaya kahit papaano ay naiintindihan niya na ang mga nangyayari. Nalulungkot din at natatakot ngunit hindi niya ito ipinakita sa kanyang kapatid, dahil kailangan niyang lakasan ang loob niya.

Dinig pa rin niya ang walang tigil na sigawan ng kanyang nanay at tatay, na nagsusumbatan sa lahat ng nangyayari sa kanila ngayon. Maging ang kaluskos at balabag ng mga gamit sa labas ay dinig niya mula sa loob ng kwarto.

Maya-maya na lamang ay nagulat ito ng biglang…

“Laura! Halika ka dito, tulungan mo kami ng nanay mo,” sigaw ng ama na tarantang-taranta.

“Bakit ‘tay?” sagot ni Laura habang palabas siya ng pinto.

At laking gulat nito ng makitang duguan ang sahig at ang kanyang ina.

“Anak, wag kang matataranta. Hindi ko sinaktan si nanay,” malumanay niyang sinabi sa anak para di siya mataranta.

Hawak-hawak ni Randy si Carmen at yakap-yakap ito. Nilagyan niya ng tela ang bibig ng asawa kung saan patuloy na umaagos ng dugo.

“Hayaan niyo na ako, mas gusto ko nang lisanin ang mundong ito!” malungkot na sinabi ni Carmen na tulala sa nangyari.

“Ngayon, tumawag ka sa tiyuhin mo at papuntahin mo rito para humingi ng tulong,” utos ni Randy sa kanyang anak.

Agad namang sinunod ni Laura ang ama. Hindi na rin napigilan ang pagluha dahil sa labis na pag-aalala niya sa kanyang ina. Agad niyang tinawagan ang tiyuhin na nakatira malapit sa kanila.

“Hello,” sagot ng lalaki sa kabilang linya.

“Tito, si Laura po ito,” umiiyak niya sagot sa telepono

“Oh bakit anong nangyari?” tanong ng lalaki

“Tito, puwede daw po ba kayong pumunta dito. Si nanay po kasi may dugo, madami pong dugo sa sahig,” sagot ni Laura na walang tigil sa paghikbi.

“Sige, sige. Hintayin mo kami diyan. Papunta na kami diyan,” sagot ng lalaki.

Binaba na ng lalaki ng tawag at matiyagang naghintay si Laura sa may pintuan para abangan ang tiyuhin.

Agad naman nagtungo ang tiyuhin at tiyahin ni Laura sa kanilang bahay. Kapatid sila ni Randy at di naman lingid sa kanilang kaalaman na kasalukuyang dumadaan ang pamilya sa matinding pagsubok, kaya dali-dali na silang nagtungo sa bahay ng mag-anak dahil baka may hindi magandang nangyari.

Nang makarating ang mga kapatid ni Randy, agad silang nagtungo sa sala. Doon nila natagpuan ang nakaupong si Carmen, alaalalay sa kanyang tabi ang bunsong anak niyang si Mia. Si Randy nama’y nililinis ang nagkalat ng dugo sa sahig.

“Kuya Randy, anong nangyari dito?” tanong ng kapatid niyang lalaki. Samantalang ang kapatid niya naman na babe ay inalalayan si Carmen na tumayo at magpalit ng damit para maihatid sa pagamutan.

“Nag-away kasi kaming dalawa. Sa sobrang galit ay nagkasakitan kami, kinagat ako ni Carmen sa balikat at sa sobrang sakit, hindi ko sinasadyang masiko siya,” umiiyak na sagot ni Randy.

Bakas sa balikat ni Randy ang malalim na kagat ng kanyang asawa.

“Nang silipin ko ang kanyang labi ay parang may ngipin na natanggal dito,” dagdag ni Randy.

“Sige kuya. Kami na ang magdadala kay Ate Carmen sa ospital. Dito na lang kayo at samahan sila Laura.

Pagkabihis ni Carmen ay nagtungo ni sila sa pagamutan. Naiwan sa bahay ang mag-aama. Kitang-kita ni Randy ang bakas na pag-aalala ng mga anak nito sa kanilang ina.

Pagkaalis nila ay tinulungan ni Laura ang kanyang ama na linisin ang mga natirang dugo sa sahig. Pagkatapos noon ay tinawag ni Randy ang dalawang anak at umupo sila sa harap ng poon ng Sto. Niño para magdasal.

Hindi man maganda ang takbo ng buhay ngayon ng pamilya niya, hindi niya nakakalimutan ipaalala sa mga anak ang kahalagahan ng pagdadasal at paglapit sa Diyos upang humingi ng gabay.

Nagrosaryo ang mag-aama. Si Laura at Mia ang nanguna sa pagrorosaryo. Pagkatapos magdasal, ay kinausap ni Randy ang mga anak.

“Anak, patawarin niyo si tatay kung nasaktan niya si nanay ha. Hindi iyon sinasadya ni tatay. Mahal na mahal ko kayo at ang nanay niyo,” pasimula niya sa pagkausap sa mga anak.

Nangangamba kasi si Randy na baka mag-iwan ng malalim na sugat sa kanyang mga anak, ang ‘di magandang nangyari sa pag-aaway nilang mag-asawa.

“Tay, bakit ganoon si nanay parang ayaw niya na sa atin? Ayaw na niya mabuhay?” tanong ni Laura sa kanyang ama na walang tigil pa rin ang pagluha.

“Patawarin niyo rin si nanay niyo sa mga masasakit na bagay na kanyang nasasabi niya sa atin. Sobrang nahirapan lang si nanay niyo na magpakatatag sa mga nangyayari sa atin,” wika nito.

“At kahit ganoon ang mga nasasabi niya minsan, siguradong sigurado ako na mahal pa rin tayo ni Nanay,”

“Tay, gagaling naman si nanay ‘di ba? Uuwi din siya dito mamaya diba ‘tay?” tanong ni Mia.

“Oo anak, uuwi din si nanay dito. Papagamot siya nila tito mo. Pag-uwi niya dito magiging mapagmahal tayo lalo kay nanay ha? At lalong magsisikap si tatay para di na kami laging nag-away,” nakangiting sagot nito sa anak.

Makalipas ang ilang oras ay nakabalik na si Carmen at ang mga kapatid ni Randy mula sa ospital. Natanggal ang isang ngipin ni Carmen dahil sa biglang pagsiko sa kanya ni Randy, kaya nagkaroon ito ng malaking sugat sa gilagid. At dahil mataas ang presyon ng dugo ni Carmen ng mga sandaling iyon, kaya malakas ang pag-agos ng dugo mula sa kanyang bibig.

Agad sinalubong ng mga bata ang kanilang nanay, at inalalayan papunta sa kwarto. Dito ay sinamahan na rin siya ng dalawa niyang anak para matulog at magpahinga.

Si Randy naman ay kinausap at nagpasalamat sa kanyang mga kapatid, Humingi rin ito ng paumanhin sa dalawa na dis oras na ng gabi. Maya-maya ay nag paalam na ang dalawa para umuwi at nagiwan ng kaunting pera sa knilang kuya para magamit sa pagbili ng gamot ni Carmen.

Kinabukasan ay nagulat na lang Si Randy dahil may kumakatok sa kanilang pintuan. Pagkabukas niya ay agad niya nakita ang kanyang ina at ama. Naikwento ng mga kapatid ni Randy sa kanilang mga magulang ang nangyari kagabi, kaya maaga silang lumawas galing probinsya para kamustahin ang mag-anak.

Habang tulog ang mag-iina ay nagkaroon ng malalim na pag-uusap ang magulang niya at si Randy. Tumatak sa kanyang isipan ang sinabi na kanyang ama sa kanya.

“Magpakatatag ka, anak. Ang laban mo sa pagsubok na ito ay hindi lang para sa iyo. Ang laban na ito, ay para din sa asawa at mga anak mo. Ang laban mo na ito ay para sa pamilya mo. Kaya magpakatatag ka anak, mas lakasan mo pa ang iyong loob na harapin ang problema dahil sayo kukuha ng lakas ng loob ang iyong mag-iina para magpatuloy sa buhay,” bilin sa kanya ng kanyang ama

Nang magising naman si Carmen ay laking tuwa niya ng makita ang biyenan niyang babae dahil napaka-maalaga nito simula pa lang nung magkasintahan pa sila ni Randy.

Nagluto ang nanay ni Randy, at kumain ng sabay-sabay ang mag-anak.

“Lola, ang sarap po talaga ng sinigang niyo,” nakangiting sinabi ni Mia habang nakasubsob sa mangkok para humigop ng sabaw

Masyang nagtanghalian ang lahat. Nang maghahapon na ay nagpaalam nadin ang magulang ni Randy at babalik na ulit sa probinsiya.

Sa pagkakataong ito ay ang nnay naman ni Randy ang nagbilin ng malalim na salita si Carmen.

“Anak, tutuloy na kami at baka gabihin kami sa daan. Anak, alam ko nahihirapan ka sa sitwasyon niyo ngayon at hindi naging madali para sa iyo ang bigla pagkawala ng mga pinaghirapan niyo. Pero anak, alam kong malalagpasan niyo ito basta magkakasama kayo. Wag ka sanang sumuko, para sa’yo at sa mga anak niyo,” malambing na sinabi ng nanay ni Randy sa kanya

Inihatid ni Laura at Mia ang kanilang lolo at lola sa sakayan. Samantalang, naiwan ang mag-asawa sa buhay. Nagkaroon ang dalawa ng pagkakataon na makapag-usap ng malumanay at magkahingian ng kapatawaran.

Nang dahil sa nangyari na iyon, ay mas lalong nagsikap si Randy na makahanap ng magandang trabaho. Si Carmen naman ay iginugol ang sarili sa pag-aasikaso sa kanilang mga anak. Naging mahirap man ang buhay, ay unti-unting nauunawaan ng mag-anak ang kahalagahan ng mabuting samahan sa loob ng isang tahanan bilang isang pamilya.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement