Sa murang edad pa lamang ni Anna ay maaga itong namulat sa kahirapan. Nasa elementarya pa lamang siya ng naghiwalay ang kanyang mga magulang. Ang tatay niya ay sumama na sa ibang pamilya. Noong una ay kasama pa niya ang kanyang ina at sa bahay ng kanyang lolo at lola niya sila nanunuluyan. Ngunit sa paglipas ng panahon, madalang na lang umuwi ang nanay ni Anna sa kanila.
Simula ng nagkahiwalay ang magulang ni Anna, hindi nagkaroon ng malalim na paguusap si Anna at ang kanyang. Parang bang wala lang ang nangyari, basta bigla na lang sila lumipat dito sa probinsiya kasama ang kanyang lolo at lola.
Minsan at narinig niya sa mga chismisan ng mga kapitbahay na may iba ng kinakasama ang nanay niya. Hindi na siya nagkaroon pa ng pagkakataon para makausap ang kanyang nanay. Nagulat na lamang ito nang malaman na my plano na ang kanyang ina na lumipad sa ibang bansa, kasama ang Amerikanong kanyang kinakasama.
At nang minsan ay maaabutan niya ang kanyang ina sa bahay, nilapitan siya nito at kinausap.
“‘Nak, aalis muna ko ha? Sinasama na kasi akong ng nobyo ko sa Canada. Kukuhanan niya daw ako ng green card doon, tapos pag naging okay na ang lahat, ikaw naman ang kukunin namin dito,” kwento ng kanyang ina.
Hindi alam ni Anna kung ano ang dapat niyang maramdaman. Kung magiging masaya ba ito kasi nakahanap na ng kasama sa buhay ang kanyang nanay, kung malulungkot ba ito kasi iiwan siya nito, o kung sasama ba ang loob nito sa kanyang ina kasi kahit sa huli sandali, hindi siya ang pinili nito.
Tumango na lamang si Anna, at nagpanggap na nauunawaan niya ang naging desisyon ng kanyang ina. “Sige ho ma. Mag-iingat po kayo dun ha,” sagot ng dalaga.
Matagal din nagkwentuhan ang nanay niya at ang mga tiyuhin at tiyahin niya sa sala. Nakikinig lamang ito. At maya-maya ay nagpaaalam na itong matutulog.
Pagkapasok na pagkapasok niya sa kanyang kwarto ay agad na bumuhos ang kanyang luha. “Ano man lang na sabihin mo mama na hindi mo ko kayang iwan, na kahit ayaw mo akong iiwan ay titiisin mo basta para sa atin,” pabulong niya tong sinasabi habang humihikbi.
“Aalis ka na parang wala kang iiwan dito na anak. Ni hindi mo nga ako tinanong kung ayos lang ba ako eh,” dagdag nito.
Simula noon ay natuto na si Anna na tumayo sa sarili niyang mga paa. Mabuti na lamang andiyan ang Lolo at Lola niya, maging ang Tita Lot niya na hindi nakakalimutan kamustahin siya.
Hanggang ngayon, mula nang umalis ang kanyang ina papuntang ibang bansa ay hindi na ito nagpapadala ng pera. Hindi na din siya ma-contact ng mga kamag-anak nila. Kaya lalong napilitan si Anna na maghanap ng trabaho habang nag-aaral. Ang Tita Lot niya ang madalas na tumutulong sa kanya lalo na sa mga gastusin niya sa eskwela.
Matandang dalaga kasi ang tiyahin niya na ito. At dahil, mag-isa lamang sa buhay ay siya na ang naatasan na mag-alaga sa kanilang mga magulang. Medyo istrikta si Tita Lot pagdating sa bahay, ngunit napaka-maalalahanin naman nito.
Minsan ay napagalitan niya si Anna nang mapansin nito na madalas ay gabi na ito nakakauwi galing eskwela.
“Anna, ilang araw ka ng ginagabi ng uwi ha? Ayaw ko ng ganyan dito sa bahay,” sita ng tiyahin kay Anna.
“Pasensya na po Tita. Naging abala lang po ako sa eskwela at nakahanap po kasi ako ng part-time na trabaho malapit po sa paaralan,” sagot ng dalaga
“Naghahanap po kasi ng part-time staff doon po sa may milktea-han sa may eskwelahan. Tuwing hapon po hanggang pagsara ang oras po ng trabaho. Sinubukan ko pong mag-apply, hanggang tanghali lang naman po ang klse ko araw -araw. Sayang po kasi Tita Lot, katulad po ngayon malapit na po ulit magbayaran para sa prelims kaya malaking tulong na din po ito para makaipon po ako,” kwento ni Anna sa kanyang Tita Lot.
“O siya sige. Basta siguraduhin mo lang na hindi mo napapabayaan ang iyong pag-aaral ha,” bilin nito sa pamangkin.
“Opo Tita Lot. Mas ipagbubuti ko pa po and mas pagsisikapan,” nakangiting sagot nito.
“Pag may kailangan ka, magsabi ka sakin. Gagawan natin ng paraan ha. Siya sige, kumain ka na at magpahinga,” sagot ng tiyahin at pumasok na sa kwarto para magpahinga.
Malaki ang utang na loob ni Anna sa kanyang Tita Lot, at Lolo at Lola. Nang dahil sa knila ay lumaki isyang puno ng pagmamahal at pag-asa, kahit hindi na niya kapiling ang mga magulang.
Nagpatuloy sa pagsisikap si Anna, at patuloy din ang pagtulong sa kanya ng kanyang Tita Lot. Hanggang sa unti-unti ay hindi niya namamalayan na huling taon na pala niya sa kolehiyo at malapit na siyang makatapos sa pag-aaral.
Ngunit dahil na rin siguro sa sobrang pagod kasi pinagsasabay ni Anna ang pag-aaral at pagta-trabaho, ay di niya maiwasan mangamba na baka magkaroon siya ng bagsak na marka sa eskwela at magdulot pa ng karagdagang taon sa pag-aaral.
Minsan sa kanyang pag-iisip ay nakita siya ng kanyang Tita Lot na nakatulala sa kawalan.
“Anna, napakalalim naman ng iniisip mo. Balon na ata yan,” pabirong sabi nito.
“Ay wala po ‘yon tita. May iniisip lang po,” sagot nito.
“Ano yon ‘nak? May problema ba? Halika, pag-usapan natin,” sabi ng tiyahin at sabay na hanagkan niya ang kanyang pamangkin
Sa pagyakap ng tiyahin ni Anna, sa kanya. At tuluyan ng bumagsak ang mga luha nito.
“Natatakot po kasi ako tita. Papalapit na po kasi ang graduation at papahirap na po ng papahirap ang mga aralin. Nababagabag lang po ako na baka hindi ko po kayanin. Paano po pag hindi ako pumasa? Paano po pag hindi ako nakapagmartsa ngayong Marso,” umiiyak niya tong sinabi sa kanyang tiyahin.
“Anak, wag mong problemahin ang hinaharap. Basta ginagawa mo ang lahat ng makakaya mo, siguradong pagpapalain ka ‘nak. Napakatatag mo nga eh, upang malagpasan mo ito ng mag-isa ka lamang. Malapit ka na makarating sa finished line ng pag-aaral. Naniniwala ako na kayang-kaya mo iyan,” sabi ng kanyang Tita Lot habang yakap siya nito ng mahigpit.
Makalipas ang ilang araw, nang mangyari ang kwentuhan nila na ‘yon ng kanyang Tita Lot. May inabot na sobre ang kanyang Lola bago siya pumasok sa eskwela.
“Apo. Anna, pinapa-abot sa iyo ito ng Tita Lot mo. Binilin niya bago siya umalis papasok sa trabaho. Bayaran mo na daw yung natitira mong tuition fee ngayong taon, para hindi ka mo na daw kailanganin pa magtrabaho pagkatapos ng klase,” sabi ng kanyang Lola.
“Hala Lola, nakakahiya po kay Tita Lot. Kaya ko pa naman po eh,” nagtatakang sagot nito sa Lola
“Ay basta, bayaran mo na yung balanse mo school at magpaalam ka na dun sa may-ari nung shop na pinapasukan. Sabihin mo na kailangan mo kasi tumutok sa pag-aaral mo, at graduating ka na,” bilin ng Lola kay Anna.
“Lola…” mangingiyak na sabi ni Anna.
“Sige na apo, wag mo na isipin si Tita Lot mo. Itinabi niya talaga yan para sa iyo, nagkaroon siya ng bonus nung nakaraang buwan. Itinabi niya talaga yan para sayo. Kaya sige na, pumasok ka na,” nakangiting sabi ng Lola niya.
Nang mabayaran na ni Anna, ay hindi na niya kainailangan magtrabaho pa. Kaya mas nagkaroon siya ng oras para mag-aral ng maigi. Sa paglipas ng araw, dumating na din ang araw ng kanyang pagtatapos.
Dapat ay ang kanyang Lolo at Lola lang ang makakasama niya sa araw na ito. Ngunit dahil sa pangungulit niya sakanyang Tita Lot ay napapayag niya itong lumiban muna sa trabaho.
Nagsimula na ang programa. May mga sandali na naluluha ang lahat, dahil sa napaka-importanteng araw na ito.
“Bago natin ihandog ang mga diploma sa ating mga magtatapos, atin muna pakinggan ang mensahe ng ating Magna Cum Laude, Anna Felicita Magdayo,” sabi ng emcee ng programa.
Laking gulat ng Tita Lot niya, at ng knayang Lolo at Lola na siya pla ay Magna Cum Laude. Sinadya niya talaga na hindi ito sabihin para masorpresa ang tatlo.
Nagsimula si Anna sa kanyang speech. Binati ang mga namamahala sa eskwelahan, mga guro, at mga kapwa estudyante at ang mga magulang ng mga ito. Inilahad nito sa kanyang mensahe ang mga napagdaanan nitong hirap at pagsubok, at kung paano niya ito nilagpasan. Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, hindi niya kinalimutan na banggitin ang kanyang Lolo at Lola, maging at tiya nito.
“Sa naging mahabang paglalakbay na ito, ay nais kong ipakilala po sa inyo ang tatlong anghel sa buhay ko. Nandoon po sa bandang gilid, makikita niyo po ang Lola at Lola ko, na walang sawang inalagaan ako simula nung ako’y maliit pa lamang. Katabi nila, ay ang aking Tita Lot, na pinaka-pasasalamatan ko sa lahat,” nangingilid ang luha na sinabi ito ni Anna.
“Bago po matapos ang mensahe ko, hayaan niyo po akong pasalamatan ang taong naniniwala po sa aking kakayahan. Sa tao na hindi po ako iniwan kahit ano man ang mangyari. Kahit na iniwan po ako ng aking tatay, at kahit iniwan na rin po ako ng aking nanay. Hindi po niya ko iniwan. Tinuring nya po akong na para akong kanya. Inalagaan at inalalayan niya ko tulad ng isang magulang sa kanyang anak. Tita Lot, inaalay ko po sa inyo ang tagumpay ko po na ito. Walang sawa ko po kayong pasasalamatan, dahil hindi man po ko pinili ng aking mga magulang, pinaramdam niyo po sa akin na hindi ako si ‘Anna’ lang. Na ako po ay si ‘Anna’ at kakayanin ko ang lahat,” maiyak-iyak na sabi ni Anna at ng matapos ang kanyang mensahe ay natayuan ang mga tao para sila ay bigyan ng masigabong palakpakan.
Kasalukuyan ay nagta-trabaho na si Anna bilang isang Senior Accountant sa isang malaking kumpanya. Sila pa rin ang magkakasama, at hindi niya nakakalimutan na pasalamatan at pinaparamdam ang pagmamahal niya sa mga ito sa bawat araw na nagdadaan.