‘Prinsesa ng Gabi’ ang taguri kay Jamela ng kanyang mga kapitbahay dahil sa tuwing sasapit ang dilim ay nag-iibang anyo ang dalaga.
Mula sa mahirap na pamilya si Jamela. Maaga siyang naulila sa mga magulang at ang Lola Rosa niya ang mag-isang nagpalaki at nagpa-aral sa kanya ngunit di inaasahang nagkasakit ang matanda na dahilan upang hindi na ito makapagtrabaho para sa kanilang mag-lola. Nakaratay na lamang ito sa papag at hindi na makatayo’t makalakad. Nangangailangan na rin ito ng mga gamot na mahalagang mainom kada araw. Kaya bukod sa pagpasok sa eskwela ay pinagsasabay ni Jamela ang paghahanapbuhay para matustusan ang pangangailangan nila sa araw-araw at pambili ng mga gamot ng kanyang lola. Lahat ng trabaho ay pinasok na yata niya para mabili lang ang mga may kamahalang gamot ni Lola Rosa.
“Hoy, Jamela balita ko pati paglilinis sa kalye ay pinatos mo na ha?” wika ng kapitbahay niyang si Irma.
“Oo, tuwing Sabado at Linggo lang naman iyon kapag wala akong pasok sa eskwela,” sagot niya rito.
“Naku, ikaw talaga napakasipag mo. Baka mabalitaan na lang namin na yumaman na kayong mag-lola sa kakatrabaho mo,” wika naman ng kaibigan nitong si Luz.
“Magdilang anghel ka sana! Pero, teka maiwan ko muna kayo ha, at magtitinda pa ako banana cue. Mabuti nga at maaga kaming pina-uwi sa eskwelahan para makarami ako ng benta,” nakangiting sabi ng dalaga.
Nang makaalis si Jamela ay biglang nagbulungan ang dalawang babae.
“Kunwari pang sipag-sipagan, e nasa ilalim naman ang kulo!” wika ni Luz.
“Sinabi mo pa! Wala siyang kaalam-alam na kalat na sa buong barangay ang lihim niya,” sabi naman ni Irma.
Nang biglang narinig ni Gerry ang pinag-uusapan ng dalawang tsismosa. Si Gerry ang kababata ni Jamela. Matagal na silang magkaibigan ngunit nagulat siya na pinag-uusapan ito ng kanilang mga kapitbahay.
“Sandali, a-ano iyang narinig ko tungkol kay Jamela?” tanong niya sa dalawa.
“Ngayon ba ay hindi mo pa rin alam ang lihim ng kababata mong si Jamela?” natatawang wika ni Irma.
“Anong lihim ang sinasabi niyo?”
“Si Jamela ay ang ‘Prinsasa ng Gabi’,” ani Luz.
“P-prinsesa ng gabi?” nagtatakang tanong ng binata.
“Wala ka ba talagang alam? Kalat na sa buong barangay na nagbebenta ng aliw ang kababata mo?” bulalas ni Irma.
“Ano? H-hindi, hindi iyan magagawa ni Jamela. Kilala ko siya at hindi siya ganoong klaseng babae,” aniya sa dalawa.
“Kung ayaw mo maniwala e, di huwag! Basta binalaan ka namin. Nakita ka ni Mang Ambo noong nakaraang gabi, bihis na bihis at ang ikli ng damit. Napakataas rin ng takong mo girl na parang wala ng bukas. Todo-make up. Halos hindi nga nakilala ni Mang Ambo sa sobrang ganda ng kababata mo, e!” sabad ni Luz.
Nagkaroon ng hinala si Gerry sa kanyang kababata sa mga sinabing iyon ng dalawang babae. Hindi niya inakala na hahantong sa pagbebenta ng laman ang kagustuhan nitong matustusan ang pag-aaral at pagtustos sa gamot ng lola nito.
Habang nagtitinda naman si Jamela sa labas ng presinto ay usap-usapan siya ng mga lalaking nakatambay sa kanto.
“Mga pare iyan iyong pinagtsitsismisan ng mga kapitbahay natin na nagbebenta raw ng aliw sa gabi,” wika ng isang payatot na lalaki.
“Kay gandang dalaga naman pala, e. Siguro maraming suki iyan. Walang kasing puti, o!” hirit naman ng may katabaang lalaki.
Walang anu-ano ay lumapit sa kanila si Jamela at inalok sila ng paninda nito.
“Mga kuya, bili na kayo ng tinda ko. Masarap ito at bagong luto pa,” aniya.
“Tiningnan siya ng mga ito mula ulo hanggang paa at nginisihan.
“Masarap ba talaga iyan miss, baka mabitin lang kami?” tatawa-tawang sabi ng may katandaang lalaki.
“Oo nga, masisiyahan ba kami sa iyo este sa tinda mo?” bungisngis sa pa ng isa pa na mukhang many*kis.
“Naku, mga kuya, siguradong titirik ang mga mata niyo sa sarap, kaya bumili na kayo!”
“Pero hindi banana cue ang gusto naming kainin e. Mas gusto namin iyong tinitinda mo sa gabi,” nakangising sabi ng payatot na lalaki.
“Akala ko naman bibili na kayo. Iyon naman palang tinda ko sa gabi ang gusto niyo. Sige, puntahan niyo ako sa plaza ng alas diyes ng gabi. Ipapatikim ko sa inyo ang tinda ko,” nakangiti at kukurap-kurap pang tugon ni Jamela na para bang nang-aakit.
Halos tumulo naman ang laway ng mga lalaki sa sinabi niyang iyon kaya napagdesisyunan ng mga ito na puntahan ang dalaga sa plaza sa pagsapit ng gabi.
At sumapit na nga ang gabi. Ilang minuto na lang at mag-a-alas diyes na kaya nasa plaza na ang mga lalaking tambay para matikman ang espesyal na paninda ni Jamela. Ang hindi alam ng dalaga ay naroon din ang si Gerry para mapatunayan nito sa sarili na totoo ang usap-uspaan ng mga kapitbahay sa kanyang kababata. Di nagtagal ay nakita na nila si Jamela na paparating sa kanilang tagpuan.
“Siya na yata iyan mga pare. Sa wakas at matitikman na rin natin ang sinasabi nilang ‘Prinsesa ng Gabi’, atat na sabi ng may katabaang lalaki.
Si Gerry naman ay nagngingitngit sa galit dahil sa mga naririnig niya tungkol sa kaibigan. Hindi pa niya naiisip kung ano ang sasabihin niya rito kapag nakita na niya ng harap-harapan ang pag-aalok nito ng katawan sa mga many*kis na tambay na naroon.
Laking gulat nila dahil gaya ng usap-usapan sa barangay ay todo pustura nga ang dalaga at nakasuot ito ng seksing damit
“Magandang gabi po! Nainip ba kayo?” nakangiting wika ni Jamela habang inaayos pa ang kinulot nitong buhok.
Nagulat ang dalaga nang makita roon ang kanyang kababata na si Gerry.
“G-Gerry? A-anong ginagawa mo rito?” nagtataka niyang tanong.
“Ako ang dapat magtanong niyan sa iyo, ano ang ginagawa mo rito sa dis oras ng gabi? At ano ang sinasabi ng mga ito na matitikman ka na nila?” bunyag ng binata sa mataas na tono.
“Ano? Hindi kita maintindihan?”
“Teka nga, sino ba itong g*gong ito? Kami ang nauna sa iyo a?” sabad ng payatot na lalaki.
“Kayo naman, siyempre kayo ang mauuna sa tinda ko. Heto at dala ko na!” aniya.
Laking pagtataka ng mga lalaki kasama si Gerry nang makita ang bitbit niyang basket.
“Ito ang espesyal kong tinda tuwing gabi, bili na kayo!” alok niya sa mga ito.
“B-balot?” sabay-sabay na wika ng mga lalaki. Maging si Gerry ay natulala sa tinda niya.
“Opo, balot at penoy iyan. Tuwing gabi ay nagtitinda ako rito sa plaza. Noong una ay matumal ang benta ngunit nang nag-ayos ako ng ganito, nag-make up at nagsuot ng seksing mga damit ay gabi-gabi nang dinarayo ang aking paninda. Malaking tulong rin ito para sa pambili ng gamot ng lola ko at sa aking pag-aaral kaya bumili na kayo mga kuya, ikaw din Gerry bumili ka na rin!” bunyag ng dalaga.
Nalugmok ang mga tambay sa kanilang natuklasan. Hindi naman pala totoo na nagbebenta siya ng katawan sa gabi. Ang katotohanan ay ang pagbebenta pala ng balot at penoy ang inilalako nito sa plaza. Kahit si Gerry ay humingi ng paumanhin at labis ang pagsisisi sa ginawang panghuhusga sa kababata.
Kinaumagahan ay kumalat ang balita tungkol kay Jamela. Labis ang pagkapahiya nina Irma at Luz sa ginawa nilang tsismis laban sa dalaga. Hinangaan ng mga kapitbahay ang kasipagan at pagiging madiskarte nito sa buhay makapagtapos lang sa pag-aaral at maibigay ang mga kinakailangang gamot ng lola nito.
Mula nang mabunyag ang sikreto ni Jamela ay mas dumami pa ang kanyang mga suki at mas nakilala pa siya bilang ‘Prinsasa ng Gabi’ sa pagtitinda ng balot at penoy sa kanilang barangay.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!