Inday TrendingInday Trending
Ayaw ng Binatang ito sa Dalagang Pinagkasundo sa Kaniya, ito pala ang Makapagpapabago sa Ugali Niya

Ayaw ng Binatang ito sa Dalagang Pinagkasundo sa Kaniya, ito pala ang Makapagpapabago sa Ugali Niya

“Bakit ka ba sunod nang sunod sa akin, ha? Ilang beses ko bang sasabihin sa’yo na ayoko sa’yo! Ayoko sa babaeng mangmang na nga, mukha pang pera!” bulyaw ni Joe sa dalagang pinasama sa kaniya ng ina, isang araw nang siya’y nakatakdang lumipad papunta sa kaniyang mga magulang sa abroad.

“Sobra ka naman, pinakiusapan lang naman ako ng mommy mo na samahan ka sa pag-alis ng bansa. Ayoko rin naman, eh, kasi alam kong ayaw mo sa akin, pero hindi ko sila matanggihan dahil…” hindi na natapos ni Jess ang sasabihin dahil agad na niya itong binulyawan.

“Dahil sa perang pinamumudmod ng mga magulang ko sa iyo? Kung gusto mo talaga ng pera ko, sa’yo na ‘yong buong mana ko, layuan mo lang ako at huwag kang magpakita sa kasal natin!” sambit niya dahilan upang mangilid na ang luha ng dalagang kausap.

“Ni minsan hindi ko hinangad ang yumaman sa ganitong paraan. Sadyang nakikisama lang ako sa mga magulang mo dahil malaki ang utang na loob ko at ng tatay ko sa kanila,” nakatungong tugon nito, imbis na maawa, dumukot pa siya ng humigit kumulang labing-limang libong piso sa kaniyang pitaka at itinapon ito sa pagmumukha nito.

“Tama na ang pagpapaliwanag, kahit saang banda mo tingnan, mukha pa rin kayong pera ng tatay mo!” sambit niya pa, dahilan upang iwan siya nito’t tumakbo palayo, “Ayan, mabuti, iwan mo na ako! Salamat naman sa Diyos!” sigaw niya saka tuluyan nang pumasok sa airport.

Katulad ng problema ng ilang mayayamang kabataan, ang mga magulang din ng solong anak na si Joe ang nagdesisyon kung sino ang papakasalan niya’t makakasama habang buhay na talaga nga namang nagbigay sa kaniya nang matinding sakit sa ulo.

Ilang beses man niyang kumbinsihin ang kaniyang mga magulang na huwag ituloy ang nalalapit na kasal, tanging sambit lang ng mga ito, “Ang babaeng iyon ang makapagpapabago sa ugali mong hindi malaman kung kanino mo nakuha,” dahilan upang labis siyang magalit sa mga ito.

Noong araw na ‘yon, pagkapasok na pagkapasok niya sa naturang airport, bigla na lang siyang nakaramdam ng pagkahilo. Agad siyang naghanap ng mauupuan ngunit bago pa man siya makalapit sa mga upuan, bigla na lang nandilim ang kaniyang paningin at tuluyan na siyang bumagsak.

Nagising na lang siyang nasa ospital na. Babangon pa lang sana siya nang makita niyang tulog sa kaniyang paanan ang dalagang minaliit niya dahilan upang siya’y mapabuntong hininga.

Sakto namang pasok ng isang nars, ngumiti lang ito sa kaniya saka tinignan ang kaniyang lagay.

“Isang linggo’t mahigit ka nang tulog, sir, at ni isang araw, hindi pumalya itong si Ma’am Jess na bantayan ka. Mabuti naman ngayo’y nakatulog siya. Palagi lang ‘yang nakaupo riyan sa paanan mo habang kausap ang mga magulang mo sa selpon. Swerte mo na sa kaniya, sir, huwag mo nang bitawan,” sambit nito na labis niyang ikinagulat.

Pagkaalis nito, hinawi niya ang buhok na nakatakip sa mukha ng naturang dalaga. Kitang-kita sa lalim ng mga mata nito ang pagkapuyat, bahagya rin itong namayat at parang lantang-lanta dahilan upang labis siyang makaramdam nang pangongonsensya.

Doon niya napagtantong ang dalagang ito’y may mabuti talagang puso dahilan upang naisin ng mga magulang niyang ito ang makasama niya habang-buhay.

Habang pinagmamasdan niya ang pagod na pagod na dalaga, unti-unti niyang nakikita ang kagandang taglay nito dahilan upang bahagya siyang mapangiti.

Mayamaya, nagpasiya na siyang gisingin ito.

“Jess, Jess, gising, nagugutom na ako,” sambit niya dahilan upang mapabalikwas ito’t mangiyakngiyak siyang niyakap.

“Ay, sorry, akala ko kasi hindi ka na magigising, pasensiya ka na iniwan kitang mag-isa. Pangako…” hindi na niya pinatapos ang sasabihin nito at agad na niya itong niyakap.

“Salamat, Jess,” tanging sambit niya.

Lumipas ang mga araw na halos araw-araw na silang magkasama. Pinaglulutuan siya nito ng mga paborito niyang ulam na kahit nanay niya’y hindi magawa dahil sa pagkaaligaga sa trabaho, sinasamahan siya nitong maggala at marami pang ibang gawaing siya lang ang mag-isang gumagawa noon dahilan upang lalong mahulog ang loob niya rito’t tuluyan na silang magpakasal.

Ganoon na lang ang tuwa ng kaniyang mga magulang dahil kitang-kita ang pagbabago ng kaniyang ugali’t pakikitungo sa mga tao simula nang makilala niya nang lubos ang naturang dalaga. ‘Ika ng kaniyang ama, “Sabi naman sa’yo, anak, eh, si Jess ang magpapabago ng ugali mo,” sabay yakap sa kaniya.

Advertisement