Inday TrendingInday Trending
Binalak ng Dalagang ito na Sirain ang Kasal ng Dating Nobyo’t Kaibigan, Pinigilan Siya ng Kaniyang Ina

Binalak ng Dalagang ito na Sirain ang Kasal ng Dating Nobyo’t Kaibigan, Pinigilan Siya ng Kaniyang Ina

“Sa linggo na nga pala ang kasal ng dati mong nobyo at ng kaibigan natin, ano? Imbitado ka ba?” tanong ni Gladis sa kaniyang kaibigan, isang hapon habang sila’y nagluluto ng makakain sa bahay nito.

“Naku, Gladis, parang hindi mo naman ako kilala, kahit hindi ako imbitado, magpupunta pa rin ako ro’n,” nakangising sagot ni Jamie dahilan upang kabahan ang kaniyang kaibigan.

“Teka, huwag mong sabihing…” sambit nito na agad niyang sinegundahan.

“Oo, manggugulo ako,” nakangiti niyang sagot dahilan upang mapabuntong hininga ang naturang dalaga, “Ginulo nila ang buhay ko, eh, sinaktan nila ako nang todo! Lalo na ‘yong lalaking ‘yon na may lihim na pagtingin pala sa best friend natin? Tapos tatlong buwan pa lamang simula noong naghiwalay kami, ikakasal na siya agad? Hindi ba sila nahihiya sa akin?” wika niya habang gigil na gigil na ginagayat ang mga gulay na lulutuin.

“Akala ko ba nakamove-on ka na, Jamie? Hindi ba’t may bago nang nanliligaw sa’yo?” tanong ng kaniyang kaibigan habang siya’y inaawat sa paggagayat.

“Paano ako makakamove-on, Gladis, kung sobrang lalim nang iniwan nilang sugat, ha? Tagos sa puso ko lahat ng ginawa nila! Kaya kahit anong mangyari, kahit pigilan mo ako, gagawa ako ng eskandalo ro’n! Hayaan mo akong makaganti!” sigaw niya dahilan upang ito’y mapaatras, tumango-tango na lamang ito habang unti-unting kinukuha sa kaniya ang hawak na kutsilyo.

Matapang at hindi papatalo sa lahat ng bagay, ‘yan ang pagkakakilala ng lahat ng tao sa paligid ng dalagang si Jamie sa kaniya. Sa tuwing may makakabanggaan kasi, lahat ginagawa niya upang huwag siyang masapawan. Ayaw na ayaw niyang may tatapak sa pagkatao niya o kahit sa mga taong malapit sa kaniya dahilan upang madalas siyang mapaaway.

Ngunit kahit pa ganoon, labis pa rin siyang hinahangaan ng kaniyang mga kaibigan dahil siya’y likas na may kabaitang taglay.

Sa katunayan nga, buong buhay niya sa kolehiyo, wala siyang ginawa kung hindi tulungan ang dalawa niyang matalik na kaibigan pati na ang kaniyang nobyo. Mapapinansiyal na tulong man o kahit sa akademikong larangan, basta’t kaya niya, tumutulong siya.

Ang mga malalapit lamang sa kaniya ang nakakakilala sa malambot na pagkatao niyang ito. Kaya naman, ganoon na lang ang galit niya sa nobyo niyang iyon pati na sa isa niyang kaibigan nang malaman niyang may itinatago na pala itong relasyon sa kaniya. ‘Ika niya noong mahuli niya ang dalawang ito sa bahay ng binata, “Hindi man lang kayo nahiya! Halos ako na ang nagpalamon sa inyo noong nasa kolehiyo tayo! Tapos ngayong may sari-sariling na tayong trabaho, ito ang igaganti niyo sa akin? Ni hindi niyo man lang ako nagawang ilibre sa restawran, sasaktan niyo pa ako nang ganito?!” saka niya pinagsisisira ang mga gamit doon. Pagkatapos na pagkatapos nang pangyayaring iyon, agad siyang nakipaghiwalay sa binata.

Ngunit tila talagang mapanukso ang tadhana, dahil tatlong buwan lang ang nakalipas, nabalitaan na niyang ikakasal ang mga ito dahilan upang hindi siya magdalawang-isip na sirain ito.

“Parang hindi niyo naman ako kilala,” sambit niya sa sarili habang nag-aayos ng sarili bago magpunta sa naturang kasal.

“Akala ko ba ayaw mong naaapakan ng iba ang pagkatao mo? Talaga bang ibababa mo ang dignidad at pagkatao mo para lang sa kanila?” sambit ng kaniyang ina dahilan upang siya’y magulat, “Narinig ko ang binabalak mo, anak, kung sinaktan ka nila, ipakita mong hindi ka apektado kahit na sasabog ka na, ‘yon ang pinakamagandang ganti, hindi ang pagsira sa araw na pinapangarap nila,” dagdag pa nito saka siya niyakap dahilan upang siya’y makaramdam ng lungkot.

“Ma-mama, gusto ko lang pong ipakita sa kanila na hindi ko hahayaang…” hikbi niya.

“Oo, anak, naiintindihan kita, alam ko kung gaano ka katapang at kung paano mo pinahahalagahan ang sarili mo, pero sana huwag nang umabot sa ipapahiya mo ang sarili mo para lang mapatunayan ang halaga mo,” sambit nito na lalo niya pang ikinaiyak.

Doon niya napagtantong tila lumabis nga ang kagustuhan niyang mapatunayan ang sarili sa ibang tao, lalo na sa mga nanakit sa kaniya. Imbis na magpunta sa naturang kasal at manggulo, iniiyak niya na lang sa dibdib ng kaniyang ina lahat ng sama ng loob na naninirahan sa kaniyang puso dahilan upang kahit papaano, lumuwag at gumaan ang kaniyang pakiramdam.

Napag-isip-isip niya ring ito na ang araw na kailangan niyang tanggapin ang mapait na kwento ng kaniyang buhay. Sigurado siyang may katapusan din ang lahat ng nararamdaman niyang hinanakit at darating din ang araw na siya naman ang wagas na liligaya.

Advertisement