Inday TrendingInday Trending
Buong Akala ng Dalaga ito ay May Kabit ang Kaniyang Kinakasama, ‘Di Siya Makapaniwala sa Malalaman

Buong Akala ng Dalaga ito ay May Kabit ang Kaniyang Kinakasama, ‘Di Siya Makapaniwala sa Malalaman

“O, Hilda, bakit naman ganitong oras ka magyayakag na mag-inom, ha? Alam mo bang alas siyete pa lang ng umaga? Ni hindi pa nga ako nakakapagmumog!” inis na inis na sambit ni Katie sa kaniyang kaibigan, isang umaga nang bulabugin siya nito.

“Malamang, alam ko! Sadyang ang pangit lang ng umaga ko ngayon dahil sa babaero kong asawa!” sagot ni Hilda.

“Huwag mong sabihing nahuli mo na siya?” tanong ng kaniyang kaibigan na agad niyang tinanguan dahilan upang mapahawak ito sa ulo, “Naku, sabi naman sa’yo, eh! Ilang beses ko nang nakikita ‘yan sa Tagaytay na may kasamang ibang babae! Eh, ikaw ‘tong si t*nga, mas naniniwala sa asawa kaysa sa kaibigan! Anong balak mo ngayon? Siyempre, dahil t*nga ka, kapag sinabi niyang kaibigan niya na naman ‘yon, maniniwala ka naman!” sermon nito sa kaniya.

“Hindi na, ano! Sobra-sobra na siya! Mamaya, samahan mo ako sa bahay no’ng babae, balita ko kasi, nitong mga nakaraang araw, doon siya umuuwi pero ang sabi niya sa akin, stay-in daw ang trabaho niya sa Maynila!” kwento niya pa, bakas na bakas sa kaniyang mukha ang panggagalaiti.

“Oo ba, hindi kita hahayaang mag-isang magpunta ro’n! Pero bago ‘yan, akin na pangbili ng alak,” wika nito dahilan upang agad siyang maglabas ng pera at mapatungo na lang sa lamesa sa sobrang galit na nararamdaman.

Mag-iisang taon nang may kinakasama si Hilda. Nakilala niya ang lalaking ito sa isang Dating App na sikat ngayon. Noong una’y sila’y nag-uusap lamang sa selpon, nagtatawagan at nagpapalitan ng mensahe, ngunit hindi nagtagal, nagpasiya ang naturang binata na ligawan at kitain siya na agad niyang sinang-ayunan.

Dito na siya nagsimulang mahulog sa matatamis na salita at aksyon ng naturang binata hanggang sa nagpasiya na siyang pumasok sa isang relasyon at manirahan sa isang bahay kasama ito.

Masaya naman siya sa buhay na mayroon kasama ang bagong kilalang binata. Nabibili siya nito ng mga bagay na nais niya, pagkaing gusto niyang kainin at pagmamahal na matagal na niyang hinihintay dahilan upang siya’y mabulag na rito na kahit marami nang nagsasabi sa kaniya na may ibang babae ito, hindi siya naniniwala. Lagi niyang rason, “Mahal na mahal ako no’n, panigurado namamalikmata lang kayo!”

Ngunit nitong mga nakaraang araw, tila labis ang naramdaman niyang paghihinala dahil lagi itong may kausap nang patago sa selpon dahilan upang sundan niya ito nang patago noong ito’y nagpaalam sa kaniya na may dadaluhang pagdiriwang sa kumpanyang pinapasukan.

Doon niya napatunayang mayroon nga itong ibang babae. Kitang-kita niya kung paano ito yakapin ng isang babaeng nakatira sa isang subdivision sa Maynila dahilan upang agad na sumama ang loob niya.

Kahit dalawang oras ang layo nito sa bahay na tinitirhan nila, nang makita ang pangyayaring iyon, agad siyang umuwi at nagpunta kinabukasan sa bahay ng kaniyang kaibigan. Doon na nabuo ang plano niyang pagsugod sa bahay ng naturang babaeng iyon.

Pagdating ng hapon noong araw ding iyon, nang mahimasmasan na mula sa alak, agad na silang bumiyahe ng kaniyang kaibigan.

Ilang oras pa ang lumipas, matagumpay na silang nakarating sa bahay ng naturang babae. Nang makita niyang bukas ang gate nito, agad silang pumasok, ‘ika niya, “Mas maganda kung makikita natin sa akto ang pagtataksil ng babaerong iyon!”

Ngunit bigla na lang siyang napatigil nang makapasok na sa naturang bahay na ito. Tumambad kasi sa kaniya ang napakalaking picture frame ng kinakasama niya pati na ng naturang babae na pawang nakasuot ng damit pangkasal.

Nilibot niya pa ang kaniyang mata at nakita niya ang iba pang mga litratong kinuhanan sa kasal ng dalawa pati na ang litrato ng anak na babaeng ito na tila isang taong gulang pa lamang dahilan upang labis siyang manghina.

“I-ibig sabihin ba nito, Hilda, ikaw ang kabit?” uutal-utal na bulong ng kaniyang kaibigan dahilan upang siya’y mapaluha.

Bago pa man sila makaalis sa naturang bahay, sila’y naabutan ng babaeng may-ari ng bahay dahilan upang tanungin sila nito, “Sino po sila?” at dahil hindi niya matanggap na siya’y isang kabit at nais niyang maghirap ang lalaking lumoko sa kaniya, sagot niya, “Ako nga pala ang kinakasama ng asawa mo sa Cavite, akala ko ikaw ang kabit, ‘yon pala, ako ang kabit. Pasensiya ka na, hindi ko alam na may asawa siya. Kung ako sa’yo, turuan mo siya ng leksyon. Pakisama na lang ako sa pagganti mo at pangako, puputulin ko na ang relasyon ko sa kaniya para sa’yo at para sa anak niyo,” saka niya mabilis na hinila palayo ang kaniyang kaibigan habang siya’y umiiyak.

Advertisement