Inday TrendingInday Trending
Upang Huwag Gumastos, sa Albularyo Pinagamot ng Lalaki ang Kaniyang Anak, Mas Malaki Tuloy ang Kaniyang Ginastos Hindi Kalaunan

Upang Huwag Gumastos, sa Albularyo Pinagamot ng Lalaki ang Kaniyang Anak, Mas Malaki Tuloy ang Kaniyang Ginastos Hindi Kalaunan

“Mahal, dalhin na natin si bunso sa ospital! Napakataas na ng lagnat niya! Diyos ko, apat na araw na siyang ganito!” daing ni Bella sa kaniyang asawa, isang umaga nang sumpungin ng mataas na lagnat ang kanilang bunsong anak.

“Bakit sa ospital? Panigurado, malaki ang magagastos natin doon! Halika na kasi, dalhin na natin siya sa albularyo, tiyak nabati lang ‘yan ng engkanto!” sagot ni Seth sa asawa matapos makita ang temperatura ng anak.

“Hindi na nga uso ngayon ‘yan, mahal, mas maigi nang dalhin natin siya sa ospital! Bukod sa mga propesyonal ang titingin sa anak natin, sigurado pa tayong gagaling siya!” giit ng kaniyang asawa dahilan upang bahagya siyang mainis.

“Naku! Ang sabihin mo, propesyonal silang manghuthot ng pera sa mga pasiyente! Eh, kung sa albularyo lang tayo, wala pang isang daang piso, galing na ‘yang anak natin!” sigaw niya rito, tila natataranta na rin siya dahil tila hindi na maganda ang itsura ng kanilang anak.

“Pero, mahal…” pag-aalinlangan ng kaniyang asawa.

“Gusto mo bang gumaling ‘yang si bunso o ayaw mo? Halika na! Magpunta na tayo sa albularyo!” bulyaw niya sa asawa saka na niya agad na binuhat ang kaniyang anak.

Gagawin ng padre de pamilyang si Seth ang lahat para lamang makatipid at huwag magastos ang ipon niyang pera para sa pangarap niyang motorsiklo. Palagi siyang humahanap ng alternatibong paraan upang masolusyunan ang isang bagay o mas murang pagkain at bigas para maibsan ang kanilang gutom na maituturing namang magandang pag-uugali.

Ngunit sa kabilang banda, mayroon din itong hindi magandang bunga dahil kung minsan, kahit na kailangan niyang maglabas ng pera, pinipilit niya pa ring magtipid na labis nang kinaiinis ng kaniyang misis.

Katulad na lamang ng sitwasyon ng kaniyang anak na sa ngayo’y may karamdaman. Kahit anong pamimilit ng kaniyang asawa na dalhin ito sa ospital, lagi niyang sinasabi na pupwede naman itong dalhin sa albularyo na labis na hindi sinasang-ayunan nito.

Hanggang sa umabot na sa apat na araw ang lagnat ng kanilang anak at tila bagsak na ang katawan nito. Dahil sa kagustuhan ng kaniyang misis na gumaling na ito, noong araw na ‘yon, dinala na nga nila ito sa albularyo. Nang tinawas na ito ng naturang albularyo, ika nito, “May nagambalang duwende ang anak niyo sa bakuran ng kapitbahay niyo, humingi kayo ng tawad doon, tiyak gagaling na siya agad,” dahilan upang makampante ang loob nilang mag-asawa at sundin nga ang payo ng naturang albularyo.

Ngunit laking pagtataka nilang mag-asawa dahil bago sila matulog kinagabihan, bigla na lang sumuka ng dugo ang kanilang anak. Kinakausap nila ito ngunit hindi na ito umiimik dahilan upang mataranta muli ang kaniyang asawa at pilitin siyang dalhin na sa ospital ang kanilang anak.

At imbis na sundin na ang asawa, ika niya, “Halika, humingi ulit tayo ng tawad sa duwende!” na labis na ikinainis nito at mag-isang isugod sa ospital ang kanilang anak. Pinigil man niya ito at sinabing wala siyang pangbayad sa ospital, sagot nito, “Bahala na kung paano mababayaran ang bill sa ospital! Ang mahalaga, gumaling ang anak natin! Isipin mo namang mas importante siya kaysa sa perang nakaipit sa balat mo!” dahilan upang siya’y bigla na lamang mapaisip.

Sinundan niya sa ospital ang kaniyang asawa at wala pang isang oras na pag-eeksamina sa kanilang anak, napag-alamanan na ng doktor dito na ito ay may sakit na dengue.

“Naku, bakit niyo naman pinatagal ang sakit ng anak niyo? Delikado ang sakit na dengue, lalo na’t mahina ang katawan niya,” wika ng naturang doktor habang inaayos ang dextrose ng kanilang anak dahilan upang siya’y mapatungo na lamang habang hawak-hawak ang kamay ng kanilang anak.

Doon niya napagtantong bahagya siyang naging masamang ama dahil mas inuna niya ang pansariling kasiyahan kaysa sa kalusugan at kalagayan ng kaniyang bunsong anak dahilan upang ipangako niya ritong babaguhin na ang pag-uugali niyang sobrang sinop sa pera.

Sa kabutihang palad naman, pagkalipas ng isang linggong pamamalagi ng kaniyang anak sa ospital, matagumpay na itong gumaling at bukal sa loob niyang binayaran ang ospital gamit ang perang inipon niya pangbili sana ng pangarap niyang motorsiklo.

Simula noon, mas inuna na niya ang pangangailangan ng kaniyang pamilya. Hindi man nawala ang ugali niyang pagiging matipid, ngayo’y marunong na siyang magtimbang ng sitwasyon.

Advertisement