
Lubusan ang Galit ng Dalaga sa Amang Bigla na Lamang Silang Iniwan; Sa Pagbabalik ng Kapatid ng Ama ay Malalaman Niya ang Katotohanan
Kanina pa tumutunog ang telepono ni Karisse ngunit hindi niya ito sinasagot.
“Baka gusto mong sagutin ang telepono mo, anak. O kaya kung ayaw mo naman ay p’wedeng pakitanggalan ng tunog. Kanina pa ako naririndi d’yan, e,” sambit ni Carla sa kaniyang anak.
Muling nag-ring ang kaniyang telepono.
“Sino ba kasi ‘yang tumatawag sa iyo at kanina mo pa ayaw sagutin?” tanong niya kay Karisse.
“S-si Tita Leah po, kapatid ni papa. Nakauwi na raw po kasi siya mula sa ibang bansa at nais niya akong makita,” pahayag ng dalaga.
“N-naku! H’wag na h’wag mong kakausapin ang babaeng iyan. Ipipilit na naman niyan ang sarili nila sa iyo. Tandaan mo kung ano ang ginawa ng ama mo sa atin. Maayos na ang buhay natin! H’wag na nilang guluhin pa,” inis na saad ni Carla.
“Alam ko po, ‘nay. Sabi ko nga sa kaniya na matagal ko nang itinuring na wala na akong ama. Hinding-hindi ko po makakalimutan na ipinagpalit lang niya tayo sa kaniyang mga bisyo,” saad pa ng anak.
“Mabuti at nagkakaintindihan tayo. Ayoko nang madikit ang pamilya natin sa pamilya nila. Maayos na ang buhay natin at mananatiling ganito kung lalayo tayo sa kanila. Tama ang ginagawa mo, anak,” susog pa ng ina.
Apat na taon pa lamang ay salat na sa pagmamahal ng ama si Karisse. Lumaki kasi siya na wala ang kaniyang tunay na ama. Sa tuwing iisipin nga niya ang mga panahon na magkasama sila ng ama niyang si Lito ay hindi na niya ito maalala.
Ang tanging naaalala na lamang niya ay ang mga panahon na dinakip ito ng mga pulis. Ang sabi ng kaniyang ina ay dahil daw sa mga masasamang gawin at bisyo. Kaya simula noon ay nakulong na ang ama.
Nakalakihan na niya ang pangangalaga ng kaniyang ina at ng kaniyang amain na si Jerry. Taun-taon naman ay nakakatanggap siya ng tawag mula sa kapatid ng kaniyang ama na si Leah ngunit mariin itong tinututulan ng ina. Dahil na rin sa sama ng loob niya sa kaniyang ama ay hindi na niya nagawa pang atimin na makipag-usap sa kahit sinong kapamilya ng amang si Lito.
Ngunit hindi tumigil sa pangungulit ang kaniyang Tita Leah.
“Tumatawag pa ba sa’yo si Leah, anak?” tanong ni Carla.
“Opo, pero hindi ko na lang po sinasagot. Pinababayaan ko na lang po siyang tumawag,” tugon ng dalaga.
“Tama, anak. Baka mamaya kasi ay kung anu-ano ang sabihin niyan at baka bilugin ang ulo mo. Masaya na tayo sa ganito kasama ang Papa Jerry mo, hindi ba? Siya ang tumayong ama para sa’yo nang mga panahong wala ang iyong ama,” sambit pa ng ina.
Ngunit kahit na binabalewala ni Karisse ang mga tawag ng kaniyang tiya ay hindi pa rin ito huminto. Hanggang sa isang araw ay nakatanggap na lamang siya ng isang mensahe mula rito.
“Ayaw mo bang malaman ang katotohanan, Karisse? Magpapabulag ka na lang ba sa kanila sa tunay na nangyari? Gusto lang kita makausap dahil sa loob ng labing apat na taon ay may karapatan kang malaman ang katotohanan.”
Nasa isip ni Karisse na marahil ay desperado na ang tiya nito upang siya ay makausap kaya kung anu-ano na lamang ang sinasabi sa kaniya. Binlewala niya ang mensahe sa pagkakataong iyon. Ngunit hindi mawala sa isip niya ang sinabi nito. Lalo na nan bigla niyang maalala ang tanging pagkakataong hindi nawala sa kaniyang isipan– kung paano siya mahalin ng ama noong bata pa siya.
Dahil alam niyang hindi papayag ang kaniyang ina na makipagkita siya sa kaniyang tiyahin ay hindi na niya ito ipinaalam. Nang magkita sila ng kaniyang Tita Leah ay hindi na nito napigil pa ang sarili at napaiyak ito habang hinahagkan ang pamangkin.
“Napakalaki mo na talaga, iha. Huling kita ko pa lamang sa iyo ay kinakarga pa kita,” umiiyak nitong sambit.
“Tama na po ang drama. Ano po ba talaga ang nais niyong sabihin? Ano po bang katotohanan ang nais niyong ipaalam sa akin. Baka naman katotohanan lamang iyan para sa inyo!” sambit ni Leah sa tiyahin.
“Tungkol ito sa iyong ama,” bungad ng ginang.
“Hindi totoo na nasangkot ang ama mo sa masasamang gawain at sa bawal na gamot. Hindi siya masamang tao, Karisse. Sa katunayan ay mahal na mahal kayong mag-ina ng papa mo. Kayo ang buhay niya,” saad ni Leah.
“Kung mahal ay bakit hindi niya ipinaglaban na makasama kami? Kung wala pala siyang kasalanan ay dapat pinatunayan niya. Ilang taon akong lumaki na iba ang kinikilala kong ama. Alam mo ba kung gaano kasakit sa akin ang mangulila sa isang taong dapat ay nasa tabi ko?” nagsimula nang mapaluha ang dalaga.
“Sana ay tinanong mo iyang amain mo at ang nanay mo. Sila ang may kagagawan kung bakit nakulong ang kapatid ko! Hindi ko matanggap na sa kabila ng lahat ng ginawa ng ama mo para sa kanila ay ganito ang kanilang igaganti,” wika ng tiyahin.
“A-ano pong ibig niyong sabihin?” pagtataka ni Karisse.
“Matalik na kaibigan ng papa mo si Jerry. Ang hindi alam ng Papa Lito mo ay matagal nang may relasyon si Carla at iyong amain. Nang malaman niya ang tungkol sa pagtataksil na ito ay kukuhain ka dapat nila sa kanila at iiwan ang iyong ina. Ngunit mawawala ang lahat sa nanay mo, pera, ari-arian. Kaya ang ginawa nila ay ipinadampot ang iyong ama at isinangkot sa kung anu-anong masasamang gawain. Pinagdusahan ng ama mo ang mga bagay na wala naman siyang kinalaman,” dagdag pa ni Leah.
Nagulat man ay hindi matanggap ni Karisse ang kaniyang narinig. Sa kaniyang isipan ay marahil, isa na naman ito sa mga drama nila. Nilisan ni Karisse ang tiyahin at umuwi sa kanilang bahay.
Pagdating niya sa kanilang bahay ay narinig niya ang usapan ng ina at amain.
“Kinakabahan ako, Jerry. Alam kong malapit nang lumabas ang katotohanan,” wika ni Carla kay Jerry.
“Sa tingin ko ay hindi maniniwala sa kanila si Karisse kaya h’wag ka nang mag-alala,” tugon ng amain.
Nagulat ang dalawa nang makita si Karisse na kanina pa nakikinig sa kanilang usapan.
Napaluha na lamang ang dalaga dahil napatunayan niyang totoo pala ang sinasabi ng kaniyang tiyahin. Muli siyang nakipagkita sa kaniyang Tiya Leah.
“Patawad at hindi ko po nagawang maniwala sa inyo ng una. Alam ko na po ang katotohanan. P’wede po bang dalhin niyo ako sa papa ko? Nais ko po siyang makita. Nais ko pong sabihin sa kaniya na hindi ako galit at nagsisisi na ako sa mga taong sinayang ko dahil nagpaloko ako sa mama ko at sa aking amain,” walang tigil sa pag-iyak ang dalaga.
Agad na sinamahan ni Leah si Karisse. Ngunit hindi sa preso ang kanilang punta kung hindi sa libingan.
“A-ano pong ginagawa natin dito, tita?” pagtataka ni Karisse. “Huwag niyo pong sabihing…”
Napatango si Leah.
“Oo, iha. Matagal nang yumao ang iyong ama. Dalawang taon pa lamang siyang nasa piitan nang inatake siya sa puso dahil sa labis na pangungulila,” pahayag ng tiyahin.
Lubos ang pag-iyak ni Karisse dahil sa pagkakataong ito ay huli na pala ang lahat para sabihin niya sa ama ang kaniyang pagsisisi. Ni hindi man niya ito nahagkan. Labis ang kaniyang galit sa kaniyang ina at sa kinakasama nito sa pagsisinungaling na kanilang ginawa.
Nang araw na iyon ay hindi na umuwi pa ang dalaga sa kanilang bahay at tuluyan nang sumama sa kaniyang tiyahin.
“Hindi ko kaya na manirahan sa bahay na puno nang kasamaan at kasinungalingan. Sana ay mapatawad ako ni papa sa lahat ng taong nagtanim ako ng sama ng loob sa kaniya. Paalam, papa. Mahal na mahal kita,” tanging nasambit ni Karisse.