Inday TrendingInday Trending
Nagbayad ng Isang Babae ang Binata Upang Matupad ang Huling Kahilingan ng Ama; Hindi Niya Akalaing Mabibihag pala Nito ang Kaniyang Puso

Nagbayad ng Isang Babae ang Binata Upang Matupad ang Huling Kahilingan ng Ama; Hindi Niya Akalaing Mabibihag pala Nito ang Kaniyang Puso

“Sabik na sabik na ako na magka-apo, Renz. Baka naman sa pagkakataong ito’y mapagbibigyan mo na ako,” saad ni Don Ramon sa kaniyang nag-iisang anak na lalaki.

“Pa, wala pa sa isip ko ang mga bagay na iyan. Isa pa, paano ko kayo mabibigyan ng apo kung kasintahan nga ay wala ako. Masyado akong abala sa mga gawain sa kumpanya para kumuha pa ng isang sakit sa ulo,” sambit ng binata.

“Ano pa ba ang kailangan mong gawin sa kumpanya? Mabuti naman ang takbo nito. At saka tumatanda ka na rin, iho. Baka akala mo ay magandang mamuhay nang mag-isa. Masarap magkaroon ng pamilyang uuwian mo pagkatapos ng isang mabahang araw. Tulad niyo ng mama mo,” wika pa muli ng ama.

“Saka na lang nating pag-usapan ang bagay na ito, pa. Mabuti pa ay ipagpatuloy na natin ang usapan tungkol sa ating mga empleyado. Makapaghihintay ang pag-aasawa ko,” pabirong sambit ni Renz.

Tatlumpu’t limang taon na kasi ang binata at hanggang ngayon ay wala pa itong nagiging kasintahan dahil sa itinuon na lamang niya ang sarili sa pagpapalago ng kumpanya. Para sa kaniya ay nakatali na ang kaniyang sarili dito. Ngunit taliwas ito sa nais ng kaniyang ama. Dahil nagawa na ni Don Ramon at Renz ang lahat upang mapaunlad ito ang tanging nais naman ng ama ay intindihin ng binata ang kaniyang sarili at magkapamilya na ito.

Dahil matigas ang ulo ng binata ay nakaisip si Don Ramon ng paraan. Nagpanggap ito na may malubhang karamdaman.

“Hindi na daw magtatagal pa ang buhay ko, Renz. Sana ay makita man lamang kita na kahit ikasal man lamang. Ngunit mas maganda kung magkakaapo ako kaagad sa iyo. ‘Yun lamang ang nais ko sa buhay na ito,” saad ng ama.

“Pa, gagawa ako ng paraan para mapagamot kayo. Kahit na sa ibang bansa pa. Kukuha ako ng magagaling na espesyalista. Ipapasuri natin ulit ang kalagayan niyo,” sambit ng binata.

“Tanggap ko na, anak. Kaya sana ay matupad mo ang huling kahilingan ko. H’wag mo sana akong biguin,” muling wika ni Don Ramon.

Hindi alam ni Renz ang gagawin. Wala naman siyang kilalang babaeng nais na magpakasal sa kaniya ng ganoong kabilis. Ang isa pa ay ni hindi nga siya marunong manligaw.

Nagmamaneho siya patungo sa opisina at patuloy ang paglipad ng kaniyang isipan hanggang sa kailangan niyang ibwelta ang sasakyan dahil muntik na niyang masagasaan ang isang babaeng nagtitinda ng itlog.

“Walanghiya ka! Sumensyas naman ako bakit hindi ka pa huminto! Bumaba ka riyan! Bayaran mo ang lahat ng paninda ko! Bumaba ka riyan!” sigaw ng dalaga.

“P-pasensiya ka na, miss. Hindi ko talaga sinasadya. Babayaran ko lahat ng mga paninda mo. H’wag kang mag-alala,” tugon ng binata.

Ngunit hindi napansin ng dalaga na may pilay siya. Pagtayo niya ay hindi niya magawang maigalaw ang kaniyang kanang binti. Dahil dito ay kinailangan pa siyang dalhin ng binata sa ospital upang ipasuri.

“Pasalamat ka at walang bali ang binti ko kung hindi ay ipapapulis talaga kita!” maangas na sambit ng dalaga.

“Pasensiya ka na, lumilipad kasi ang isip ko kanina. Marami akong iniisip. Nga pala, ako si Renz. Ano ba ang pangalan mo?” saad ng binata.

“Ako si Karmi,” tugon nito. “A-ano ba ang iniisip mo at parang sobrang lalim? Hanggang ngayon ay hindi maipinta ang mukha mo? Nakabuntis ka ba? Nagnakaw? Ano?” pangungulit ng dalaga.

Biglang may naisip si Renz na isang ideya.

“Baka p’wede mo akong matulungan, Karmi. Pangako, babayaran kita. Mas malaki pa sa kinikita mo sa pagtitinda mo ng itlog. Basta pumayag ka lang!” aniya.

“Ano ba ang gagawin? Kung mas malaki pa sa kikitain ko sa pagtitinda ng itlog ay game ako d’yan. Basta h’wag malaswa at iligal, a!” wika ni Karmi.

“Magpapanggap ka bilang kasintahan ko. Ipapakilala kita sa papa ko na mapapangasawa. Parang awa mo na pumayag ka na kasi malala ang lagay niya. Alam kong walang ibang papayag sa gusto ko. Parang awa mo na, Karmi. Alam ko mabigat na pabor ito dahil kakakilala lang natin pero wala na akong ibang maisip,” sambit ng binata.

“Sa totoo lang ay kailangan ko talaga ng pera para sa gamutan ng nanay ko na may sakit. Nagda-dialysis kasi siya, e. Basta ipangako mo na walang halik o hawak sa maseselang bahagi ng katawan. Papayag ako!” tugon ng dalaga.

Dahil dito ay agad na pinaayusan ni Renz si Karmi upang sa gayon ay maiharap niya ito sa kaniyang ama. Sinabi niyang dati niya itong kaklase at kaisa-isang bumihag sa kaniyang puso. At dahil sa kahilingan ng ama ay agad niyang ipinagtapat kunwari ang nararamdaman at sinagot siya agad nito.

Ngunit nagulat silang dalawa nang nais ni Don Ramon na magpakasal sila agad. Nais ng ginoo na mag-isang dibdib sila kinabukasan. Hindi alam ng dalawa ang kanilang gagawin ngunit hindi na sila makaatras dahil alam ni Renz na ikakalungkot ito ng kalooban ng amang may sakit.

Kinabukasan ay agad nagpakasal ang dalawa. Kahit na wala silang alam pareho sa isa’t isa’y pinilit nilang magsama na tila nagmamahalan. Pinagpatuloy nila ang pagpapanggap para sa kapakanan ng kanilang mga magulang na may mga sakit.

Habang tumatagal at nakikilala nila ang isa’t isa’y nalalaman ni Renz na ekstraordinaryo pala ang babaeng basta na lamang niya pinakasalan. Nakita nito kung gaano kabusilak ang puso ni Karmi at kung gaano niya kamahal ang kaniyang pamilya.

Hindi lubusang akalain ni Renz na unti-unti nang nahuhulog ang kaniyang damdamin sa dalaga.

Samantalang ganoon din si Karmi. Ang akala niya noon na ang lahat ng mayayaman ay masasama ang ugali ngunit pinatunayan ng binata sa kaniya na mayroon ding mabuti ang kalooban.

Isang araw ay narinig na lamang ni Renz ang pag-uusap ng kaniyang ama at doktor nito.

“Basta, ikaw na bahala, dok, magsabi sa anak ko na malubha na ako para naman bigyan na ako ng apo,” utos ni Don Ramon sa doktor.

“Kailan ba matatapos ang pagpapanggap mong ito? Pati ako ay kinakabahan sa ginagawa mo, kumpadre!” wika ng doktor.

“Pa, anong sinasabi ni dok na nagpapanggap? Ibig niyo bang sabihin ay wala talaga kayong sakit? Paano niyo nagawang magsinungaling sa akin?” galit na sambit ni Renz.

“Bakit? Ang akala mo ay hindi ko alam na kumuha ka lang ng babaeng babayaran para magpanggap na asawa mo? Kaya nga hanggang ngayon ay wala pa rin kayong anak!” tugon naman ni Don Ramon.

“Dahil tapos na ang palabas na ito ay maaari na tayong bumalik sa kani-kaniyang buhay. Hindi niyo alam na masyado kong naabala ang buhay ni Karmi para lang mapasaya kayo!” saad ng binata.

“Karmi, makakauwi ka na. Malaya ka na. Hayaan mo ibibigay ko pa rin ang buong bayad mo!” sambit ni Renz sa dalaga.

Agad na iniayos ni Don Ramon ang lahat upang mapawalang bisa ang kasal ni Renz at Karmi at nang sa gayon ay magbalik na ang lahat sa dati. Ngunit hindi maintindihan ni Renz kung bakit tila ayaw niyang matapos ang kanilang pagsasama.

“Namimiss mo siya rito sa bahay, ano? Bakit hindi mo kasi puntahan?” sambit ng pakielamerong ama.

“Pa, ayan na naman kayo. Malay niyo ay hindi naman niya ako gustong makita. Saka tapos na ang kontrata namin,” malungkot na wika ni Renz.

“Pero hindi pa napapawalang bisa ang kasal ninyo. Siguro ay dapat mo siyang puntahan para masabi mo sa kaniya ang totoo mong nararamdaman habang hindi pa huli ang lahat,” wika pa ni Don Ramon.

Dahil sa payo ng ama ay agad na pinuntahan ng binata si Karmi sa kanilang bahay. Nagulat naman ang dalaga nang makita si Renz sa kaniyang harapan.

“A-anong ginagawa ng isang katulad mo dito sa lugar namin?” pagtataka ng dalaga.

“May nais lamang kasi akong kunin dito,” tugon ni Renz.

“May naiwan ka ba? Sige kunin mo na,” pahayag ni Karmi.

Nagulat na lamang si Karmi nang bigla siyang hinablot ng binata.

“T-teka saan mo ako dadalhin?” sigaw ng dalaga.

“Iuuwi na kita. Nalimutan ko ang asawa ko dito. Kaya kailangan na kitang iuwi sa bahay,” saad ni Renz.

“Hindi ko alam kung paano nangyari at kailan pero hulog na hulog na ako sa’yo, Karmi. Hindi lang basta kontrata ‘to. Gusto ko ay totohanin na natin ang kasal at magsama tayo. P-pero siyempre sana ganito din ang gusto mo,” pahayag ng binata.

“Hindi ko akalain na isang araw ay maririnig ko ang mga katagang ‘yan sa’yo. Hindi mo lang alam na habang magkasama tayo ay pinanalangin ko na sana ay hindi matapos ang panaginip na iyon. Ngunit ayokong umasa. Dahil magkaiba ang mundong ginagalawan natin,” lahat ni Karmi habang nangingilid ang luha.

“Mahal kita, Karmi. At hindi ko na hahayaan na mawala ka pa sa buhay ko!” niyakap ni Renz ang dalaga upang hindi na makawala pa sa kaniya.

Pumayag si Karmi sapagkat mahal din niya ang binata. Hindi niya akalain na magiging mabilis ang lahat.

Nang malaman ni Don Ramon na nagbalikan na ang dalawa ay inamin nito na hindi talaga niya inayos para mapawalang bisa ang kasal ng mga ito dahil alam niyang nagmamahalan na ang dalawa.

Muling nagpakasal sina Karmi at Renz at sa pagkakataong iyon ay tunay na ang kanilang nararamdaman. Sa wakas ay natupad na rin ang pangarap ni Don Ramon na magkaasawa ang anak at ilang taon pa ang nakalipas ay nagkaapo na rin siya.

Advertisement