Isang Lalaki ang Kumausap sa Dalaga Nang Magpunta Ito sa Lamay; Tumayo ang Kaniyang Balahibo Nang Malaman Kung Sino Ito

“Bes, kamusta? Nasabi mo na ba kay Tita Mel?” saad ni Vivian sa matalik na kaibigang si Gretchen.

“Hindi pa, bes. Alam ko kasing masasaktan si nanay kapag nalaman niyang hindi ako nakapasa sa exam at hindi ako kasali sa mga ga-graduate ngayong taon. Kung makikita mo lang kung gaano siya kasabik na sa wakas ay makakapagtapos na ako,” tugon naman ng dalaga.

“Pero kahit ganoon ay karapatan niyang malaman. Talagang masasaktan si tita pero karapatan niyang malaman. Mas masakit kapag kasi sa iba pa manggagaling ang katotohanan,” sambit ng kaibigan.

Malapit na ang araw ng pagtatapos at hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin sinasabi ni Gretchen sa kaniyang ina na kailangan niyang ulitin ang isang asignatura upang tuluyan na siyang makapagtapos. Dahil sa takot na magbibigay ito ng lubusang kalungkutan sa ina ay namomroblema siya tuloy kung paano ito sasabihin nang hindi ito mabigla. 

Wala kasing hinangad ang ginang na si Mel kung hindi magtapos ang anak dahil sa ito din ang pangarap niya para sa kaniyang sarili. Ngunit dahil nakapangasawa ng maaga at kapos din sa buhay ay hindi na nagawa pa nitong makatuntong sa kolehiyo.

Kaya ganoon na lamang ang takot ni Gretchen na mabigo ang kaniyang ina. Ngunit kahit anong isip niya sa kung paano niya sasabihin ay hindi niya magaawa.

Isang gabi ay napagdesisyunan ng dalaga na ilahad na sa kaniyang ina ang mga nangyari. Kumukuha lamang ito nang tiyempo at sasabihin na niya sa ina ang katotohanan.

“Anak, napakaganda nitong damit na binili ng tatay mo sa akin. Hindi na ako makapaghintay na maisuot ito sa araw ng pagtatapos mo. Napakasaya ko at sa wakas ay may anak akong nakapagtapos!” masayang-masayang wika ng ginang. 

Advertisement

“‘N-nay, nga pala may sasabihin kasi ako sa inyo,” panimula ng dalaga.

“Ano ‘yon? ‘Wag mo sabihin sa’kin, Gretchen, na buntis ka. Naku, ibibitin talaga kita patiwarik!” sambit agad ng ina. 

“H-hindi po, ‘nay! Kayo naman, buntis agad ang nasa isip niyo, e. Hindi po. Wala nga akong kasintahan, tapos magbubuntis pa!” naiinis na wika ng dalaga.

“Mabuti naman. H’wag kang tumulad sa akin, anak. Hindi naman ako nagsisisi na nag-asawa ako ng maaga dahil naging anak kita at masaya ako sa tatay mo. Ang sa akin lamang ay iba ang may narating sa buhay. Kaya pinipilit namin ng tatay mo na gawin ang lahat para sa pag-aaral mo nang sa gayon ay magkaroon ka ng magandang kinabukasan,” pahayag pa ng ina.

Dahil sa sinabi ng ina ay hindi na muli alam ni Gretchen kung paano pa sasabihin sa kaniyang ina na hindi siya makakapagtapos. Alam niyang makakabigat ito sa damdamin ng kaniyang nanay.

“Ano nga pala ang gusto mong sabihin, anak?” tanong ng ginang.

“W-wala naman po. Gusto ko lang pong magpasalamat sa lahat ng ginagawa niyo ni tatay para sa akin,” wika na lamang ni Gretchen.

“Nga pala, pupunta kami sa lamay ng tatay mo. Namat*y kasi ‘yung dati naming kaklase. Tara na at sumama ka na lang sa amin. Wala ka namang gagawin dito sa bahay,” paanyaya ng ina. 

Advertisement

Napilitang sumama si Gretchen sa kaniyang mga magulang.

Habang abala ang kaniyang nanay at tatay sa pakikipagkwentuhan sa mga dating kaklase at kaibigan na noon na lamang ulit nakita ay nasa sulok ang dalaga at namomroblema pa rin kung paano sasabihin sa ina ang katotohanan. 

Biglang may isang lalaki na lumapit sa kaniya.

“Tila ang lalim ng iniisip mo, miss,” sambit ng ginoo.

“Tama po kayo. Hindi ko po kasi alam kung paano sasabihin sa nanay ko ang isang bagay na alam kong ikakasama ng kalooban niya,” tugon niya.

“Alam mo kahit ano pa ‘yan, walang ina ang nakakatiis sa kaniyang anak. Saka tandaan mo na lahat tayo ay nagkakamali at nadadapa. Pero katulad ng sinasabi ng lahat kailangan nating matutong tumayo at lumaban. Kailangan nating itama ang lahat ng mali na nagawa natin. H’wag kang matakot at panghinaan ng loob dahil habang may buhay, may pag-asa. Saka mahal ka ng nanay mo. Sa tingin ko ay mauunawaan ka niya,” wika ng lalaki.

Napangiti si Gretchen sa sinabi nito. Maya-maya’y dumating na ang kaniyang mga magulang.

“Tara na, anak, at uuwi na tayo. Dumungaw ka na muna sa kabaong at ipagdasal ang namat*y,” sambit ng ina. 

Advertisement

Nais sana niyang magpasalamat sa lalaking kaniyang nakausap ngunit paglingon niya ay wala na ito. Dahil nagmamadali na ang kaniyang mga magulang na makauwi dahil gumagabi na ay agad siyang pumunta sa tapat ng kabaong at ipinagdasal ang yumao.

Nang kaniyang silipin ay tumindig ang kaniyang balahibo nang makita na ang lalaking kaniyang kausap ay kamukha ng lalaking nasa kabaong.

Bumuntong hininga siya at muling nagdasal. Doon ay nagpasalamat din siya sa ginoo para sa lahat ng payo nito. 

“H’wag po kayong mag-alala hindi po masasayang ang pagmumulto ninyo. Gagawin ko po ang pinayo ninyo sa akin,” pabulong niyang sambit.

Dahil nga sa mga sinabi ng ginoo ay lumakas ang loob ni Gretchen upang sa wakas ay ipagtapat na sa ina ang kaniyang sikreto.

Sa una ay lubusan ang panghihinyang ng kaniyang ina. Ngunit kaagad din nitong natanggap ang lahat.

“Makapaghihintay naman ang magandang damit na susuotin ko. Ang mahalaga ay may pagkakataon ka pa para patunayan ang iyong sarili, anak. Kayang-kaya mo ‘yan!” saad ng ina sa dalaga.

Lubos na ginalingan ni Gretchen upang makabawi siya sa kaniyang mga magulang. Pagkatapos ng semestre ay naipasa rin niya ang asignatura at makakapagtapos na rin siya ng pag-aaral. 

Advertisement

Sa lahat ng kaniyang gagawin sa buhay ay baon niya ang aral na sinabi sa kaniya ng lalaking iyon sa gabi ng lamay nito.

Ngunit isang araw ay nagulat na lamang siya na makita muli ang nasabing lalaki sa kanilang bahay.

“O, anak, bakit takot na takot ka at tila nakakita ng multo,” tanong ng ina.

“‘Nay, may kailangan po kayong malaman. ‘Di ba po dati ay sinama niyo ako sa lamay ng dati niyong kaklase? Nagparamdam po sa akin ang lalaking iyon. Hanggang ngayon po ay sinusundan niya ako. Narito po siya ngayon,” nangangatog na sambit ng dalaga. 

“Tumigil ka nga sa mga kalokohan mo, Gretchen. Anong multo ang sinasabi mo riyan? Totoong tao ‘yan at siya si Jino, kakambal siya ng nakaburol noon sa lamay na pinuntahan natin!” wika ng kaniyang Nanay Mel.

“Buong panahon na po iyon ay akala ko’y pinagmultuhan ako. Hindi niyo naman po kasi sinabi na kakambal kayo. Pasensiya na po sa mga nasabi ko,” sambit niya sa ginoo.

“Pero nais ko rin pong magpasalamat sa payo ninyo sa akin ng gabing iyon. Dahil po sa inyo ay nasabi ko na rin kay nanay ang lahat at ginamit ko talaga po ang mga payo niyo sa lahat ng pagkakataon. Muli po ay maraming salamat!” saad pa niya sa kaklase ng ina. 

Nakakatawa man ang nangyaring ito sa dalaga ay laking pasalamat niya sapagkat kung hindi dahil sa mga sinabi ng lalaking iyon nang gabing iyon ay hindi sana siya naglakas ng loob na mararating ang narating niya ngayon.

Advertisement

Tunay ngang hindi tayo sinusukat sa ating pagkakadapa kung hindi sa pagtayo at pagbangon natin sa pagkakadapang ito.