Inday TrendingInday Trending
Hinamon ng Kasintahan ang Binatang ito, Tinanggap Niya Nga Ito at Hindi Niya Lubos Akalain ang Kinalabasan

Hinamon ng Kasintahan ang Binatang ito, Tinanggap Niya Nga Ito at Hindi Niya Lubos Akalain ang Kinalabasan

“Benedict, gaano mo ako kamahal?” walang anu-anong tanong ni Rose sa kaniyang kasintahan.

“Bakit mo naman natanong, mahal? Hindi mo na ba nararamdaman ang pagmamahal ko?” nagtatakang tanong ni Benedict, saka niya iniharap ang dalaga sa kaniya.

“Hindi naman sa gano’n, gusto ko lang marinig ‘yong sagot mo sa tanong kong ‘yon,” nakangiting sagot nito dahilan upang bahagya siyang makalma.

“Ah, ganoon ba? Mahal na mahal kita, Rose, na para bang hindi ko kayang mabuhay kahit isang araw na wala ka. Alam mo kung bakit? Kasi ikaw ang ilaw ng buhay ko, kung wala ka, siguradong maliligaw na ako,” tugon niya saka pinisil ang kamay ng dalaga.

“Talaga ba?” tanong nito, saka siya agad na tumango.

“O, sige, ngayon, hinahamon kitang mabuhay ng isang araw na wala ako. Hindi mo ako tatawagan, pupuntahan dito sa bahay, kahit pag-isip tungkol sa akin, bawal!” sambit nito dahilan upang siya’y mapaalma.

“Bakit naman? Ayoko!” wika niya saka umiling-iling.

“Mahal mo ako, hindi ba? Pagbigyan mo na ako, sige na?” pakiusap nito dahilan upang mapabuntong hininga na lang siya.

“Diyos ko naman, Rose, kung anu-ano na namang naiisip mo. O, sige, basta kapag nagawa ko, papakasalan mo na ako, ha?” ‘ika niya, bigla namang umiwas ng tingin ang dalaga, “Ang daya mo talaga!” sigaw niya saka niya ito kiniliti dahilan upang sila’y magtawanan.

Mahal na mahal ng binatang si Benedict ang babaeng pinaghirapan niya ng tatlong taon bago mapasakaniya. Hindi niya ito sinukuan noong nililigawan niya pa lang ito kahit na palagi siya nitong tinataboy at dinededma. Kaya naman, nang sagutin siya nito, buong puso niya itong minahal at pinasaya. Pati pamilya nito, tinuring niyang kapamilya.

Laking tuwa naman niya nang lumabas na ang tunay na ugali ng dalaga na hindi niya talaga pinagsisihan. Naramdaman niya ang wagas nitong pagmamahal at pag-aalaga kahit pa sila’y hindi magkasama sa trabaho at hindi madalas magkita. Isang tawag lang nito o mensahe, buo na ang araw niya.

Pakiwari niya, kung wala ang dalagang ito, siguro, ang buhay niya’y nagkandabaluktot-baluktot na. Ito kasi ang siyang nagbibigay lakas loob sa kaniya sa tuwing nawawalan ng pag-asa. Ito rin ang dahilan kung bakit siya ngayo’y may magandang negosyo dahilan upang ganoon niya na lang ito mahalin at taos-pusong pagsilbihan.

Ngunit labis niyang pinagtaka ang kagustuhan nitong mabuhay siya ng isang araw na walang koneksyon dito. Noong una’y naiisip niyang baka may iba na ang dalaga at nagsawa na sa kaniya, ngunit bigla niyang naisip na hindi ganoong tao ang kasintahan niya.

‘Ika niya, “Baka nais niya lang na matutunan kong tumayo sa sariling mga paa ko. Lagi na lang kasi akong nakadepende sa kaniya, eh. Ang kasiyahan ko, ang lakas ko, sa kaniya ko kinukuha, siguro, maigi ngang subukan kong mag-isa lang ako,” sambit niya dahilan upang tuluyan siyang pumayag sa nais ng dalaga.

Kinabukasan, pagkagising niya, agad niyang kinuha ang kaniyang selpon, labis siyang nalungkot dahil ni isang mensahe mula sa dalaga, wala siyang natanggap. Ngunit imbis na panatilihin ang kalungkutang nararamdaman, nagpasiya siyang maging masaya para sa kagustuhan ng kaniyang minamahal.

Kahit na may kulang man sa puso niya ngayong araw, binalewala niya ito. Nakipahalubilo siya sa kaniyang mga katrabaho’t isinubsob ang sarili sa kaniyang negosyo pagtapos ng kaniyang trabaho.

“Grabe, hindi ako lubos na makapaniwalang kaya ko palang wala si Rose. Ngayon, napatunayan kong kaya ko nang tumayo sa sarili kong mga paa! Pero siyempre, hindi ko ito kaya nang habang-buhay! Bukas, makakasama ko na ulit ang prinsesa ko!” sigaw niya bago siya nagpasiyang magpahinga na.

Kinaumagahan, maaga siyang nagising upang dumalaw sa bahay ng dalaga bago siya pumasok sa trabaho. Balak niya itong yayaing lumabas at ihatid sa trabaho. Ganoon na lang ang pagkasabik na kaniyang nararamdaman.

Ngunit, labis siyang nagtaka dahil pagkarating niya sa bahay ng dalaga, puno ito ng mga bulaklak at mga kaanak nitong umiiyak dahilan upang mapahangos siya’t hanapin ang dalaga. Bumungad sa kaniya ang ina nito na magang-maga ang mga mata. Walang lumabas kahit na isang salita sa bibig nito, binigyan lang siya nito ng isang sobre’t niyakap siya.

Agad niya itong binuksan at tumabad sa kaniya ang mensaheng, “Mahal ko, ang galing mo! Ngayon, hinahamon naman kitang mabuhay nang wala ako habang nandito ka sa mundong ito. Sa langit na lang tayo magpakasal, ha? Sulitin mo ang buhay mo rito, matiyaga akong maghihintay sa’yo roon!” dahilan upang siya’y biglang manghina’t mapahagulgol na lang.

Doon niya nalamang tinago pala nito ang sakit niya kahit sa mga sariling magulang. Kaya pala lagi wala itong sweldo dahil patago nitong pinapagamot ang sarili dahilan upang labis siyang magsisi dahil ni minsan, hindi niya ito napansin.

Masakit man at hindi niya alam kung saan magsisimula, tinanggap niya ang hamon ng dalaga’t nangakong magiging matatag sa buhay.

Advertisement