
Ang Padre de Pamilyang ito ang Nagdesisyon para sa Hinaharap ng Kaniyang Anak, Isang Trahedya ang Nagpagising sa Kaniya
“Anak ko, ano bang problema mo? Bakit kailangang humantong pa tayo rito sa ospital, ha? Pwede mo namang sabihin lahat kay papa, eh, bakit naman sasaktan mo pa ang sarili mo?” mangiyakngiyak na ‘ika ni Mang Ruben habang hinihimas ang kamay ng anak na may l*aslas, isang araw habang nagpapahinga ito sa ospital.
“Wala po,” tipid na sagot nito habang nakatingin sa puting kumot sa kaniyang harapan.
“Mayroon kang problemang hindi sinasabi sa akin, anak. Sabihin mo na, lahat gagawin ni papa para masolusyunan ‘yan. Mahal na mahal kita, anak, ikaw na lang ang buhay ko, hindi ko kayang mawala ka pa,” pangungumbinsi niya rito saka niya mahigpit na hinawakan ang kamay nito.
“Pa-pasensiya ka na po, papa, sana hinayaan niyo na lang ako, napapagod na po akong bigyan ka palagi ng problema,” tugon nito habang nakatingin pa rin sa kumot na nakapatong sa kaniya.
“Huwag mong isipin ‘yan, obligasyon kong problemahin lahat ng problema mo. Ngayon, sabihin mo na sa’kin kung ano man ‘yon, pangako, tutulungan kita,” sambit niya pa saka iniangat ang ulo ng anak, doon na ito nagsimulang umiyak dahilan upang yakapin niya ito nang mahigpit.
Halos magsasampung taon na simula nang magpaalam ang asawa ng padre de pamilyang si Ruben dahil sa sakit nito sa matres. Noong una’y hindi niya alam kung paano at ano ang dapat niyang gawin sa noo’y walong taong gulang na anak nila noon.
Ni hindi niya alam kung nasaan ang mga gamit nito sa eskwela, hindi niya alam ang oras ng klase nito at lalo’t higit, hindi niya alam kung ano ang mga gusto nitong kainin at gawin dahilan upang talagang mangapa siya. Ngunit dahil sa tulong ng kaniyang anak, lahat nang ito’y unti-unti niyang natutunan.
Natutunan niya ring balansehin ang oras niya sa pagtatrabaho bilang isang pulis at ang oras niya bilang isang ama’t ina ng kaniyang anak. Sa katunayan nga, tuwing libreng oras niya, sinasama niya sa parke ang kaniyang anak at tinuturuan niya itong magbasketball, football at iba pang mga laro para lang malibang ito.
Ito ang tanging paraang naiisip niya upang bukod sa mapalapit siya sa anak, maalis niya pa sa isip nito ang pagkawala ng ilaw ng kanilang tahanan.
May pagkakataong ibinibida niya pa rito ang trabaho niya bilang isang pulis dahilan upang kahit siya, makaramdam ng kasiyahan at unti-unting makalimot.
Tila nagtagumpay naman siya rito dahil lumaking masayahin at matalino ang kaniyang anak. Nang ito’y magtapos sa hayskul, kinumbinsi niya itong mag-sundalo na agad naman nitong sinang-ayunan dahilan upang labis siyang matuwa. Ika niya sa hangin, “Kung nandito ka lang, mahal, labis kang matutuwa sa kabaitan at katalinuhan ng anak natin.”
Ngunit ilang linggo pa lang ang lumipas simula nang mag-training ito sa kampo, agad siyang nakatanggap ng balitang nadatnan daw itong walang malay at naliligo na sa sariling dugo sa kama nito sa silid dahilan upang labis siyang mataranta’t magtungo sa ospital na pinagdalhan dito.
Doon niya nalamang nagl*aslas pala ito gamit ang babasaging basong ginagamit nito roon. Hindi niya alam ang emosyong dapat maramdaman, nandoon lang siya habang tahimik na pinagmamasdan ang anak na nagtangkang iwan siya.
Noong oras na ‘yon, habang yakap-yakap niya ang umiiyak na anak, bigla itong nagsalita.
“Papa, may pusong babae po ako. Bata pa lang ako, ramdam na ramdam ko na. Pasensiya na po kayo, hindi ko po kayang magtagal sa kampo. Ayoko ko rin pong makita kang madismaya sa akin kaya pinili ko na lang na tapusin ang buhay ko,” hikbi nito dahilan upang labis siyang mabigla.
Hindi man niya alam ang dapat niyang sabihin at maramdaman, niyakap niya lang ito nang mas mahigpit saka sinabing, “Ayos lang naman kay papa, eh, basta huwag mo lang akong iwan,” dahilan upang biglang tumigil sa paghikbi ang kaniyang anak.
“Talaga po?” paglilinaw nito.
“Oo naman! Ikaw ang buhay ko, eh. Ano bang gusto mong mangyari sa’yo? Susuportahan kita sa lahat ng bagay!” masigla niyang ‘ika dahilan upang mapangiti ang kaniyang anak.
Doon niya napagtantong dapat pala, tinanong niya rin ito kung ano ba talagang gusto nito para sa sarili at hindi lang kung ano ang gusto niya para rito. Kahit pa ganoon ang nangyari, malaki pa rin ang pasasalamat niya sa Diyos dahil bukod sa ligtas ang kaniyang anak, ginising pa siya nito sa kaniyang konting palya sa pagpapalaki sa kaniyang anak.