Inday TrendingInday Trending
Laging Pinagagalitan ng Kapatid ang Dalagang Ito Dahilan Upang Lumayo ang Loob Niya Rito, Isang Pangyayari ang Muling Nakapagpalapit sa Kanila

Laging Pinagagalitan ng Kapatid ang Dalagang Ito Dahilan Upang Lumayo ang Loob Niya Rito, Isang Pangyayari ang Muling Nakapagpalapit sa Kanila

“Ano, Helen, gabi ka na naman umuwi! Amoy alak ka pa! Iyan ba ang natutunan mo sa unibersidad na pinapasukan mo?” galit na bungad ni Crisel sa kaniyang nakababatang kapatid, isang gabi nang umuwi itong nakainom.

“Wala kang pakialam,” malamig na tugon ni Helen saka dumiretso sa kanilang kusina upang uminom ng tubig.

“Anong wala? Baka nakakalimutan mo, ako ang nagpapalamon at nagpapaaral sa’yo, umaayos-ayos ka ng pagsagot sa akin!” bulyaw pa nito dahilan upang mainis na siya.

“Ate naman kasi, eh! Stress na stress na ako sa buhay ko! Patong-patong ang mga dapat naming ipasang proyekto! Tapos bubungangaan mo pa ako pag-uwi ko? Nilimot ko lang naman saglit ang delubyo ng buhay ko!” sigaw niya rito saka niya inihagis sa lababo ang basong pinag-inuman niya.

“Hindi solusyon ang pag-inom, Helen, kung ‘yan lang ang problema mo! Kung ayaw mong ayusin ang buhay mo, tumigil ka na lang sa pag-aaral!” sigaw rin nito sa kaniya.

“Ewan ko sa’yo, ate! Hindi mo naman ako naiintindihan, eh! Akala mo madaling mag-aral? Buti nga ikaw nagtatrabaho ka na lang!” tugon niya saka siya kumaripas nang takbo patungo sa kaniyang silid.

Si Helen at ang kaniyang nakatatandang kapatid na lang ang tanging magkaagapay sa buhay. Bata pa lang sila nang mawala ang kanilang ina sa sakit na k*nser habang ang kanilang ama naman, kamakaila’y pumanaw na rin dahil sa isang aksidente. May mga kamag-anak man silang malapit sa kanilang tinutuluyang bahay, hindi sila magawang matulungan nito dahil ito’y mga kapos din sa buhay.

Ito ang naging dahilan upang tumigil ang kaniyang ate sa pag-aaral upang magtrabaho para sa gastusin nilang dalawa na labis niyang ikinapasasalamat noon. Ngunit isang taon pa lang simula nang ito na ang bumuhay sa kaniya, palagi na siya nitong pinagagalitan sa tuwing uuwi siya ng gabi na labis naman niyang ikinagagalit.

Doon na nagsimulang sumama ang loob niya sa kaniyang kapatid. Ika pa niya, “Napakain at napaaral mo lang ako, nag-iba na ang ugali mo. Kung nabubuhay lang ang nanay at tatay, sana may masusumbungan ako!”

Noong gabing iyon, pagkasarado niya ng pintuan, agad siyang humagulgol at niyakap ang litrato ng kaniyang mga magulang. Nangako siya sa mga ito na kapag dumating ang araw na magkatrabaho siya, hindi niya gagayahin ang kaniyang kapatid. Kinabukasan, pagkagising na pagkagising niya, agad siyang nag-ayos at pumasok sa eskwela. Ngunit habang siya’y naglalakad, naagaw ng isang matandang nasa tapat ng isang kotse ang kaniyang atensyon dahilan upang tignan niya ito nang malapitan.

Doon niya nakitang binubungangaan ng matanda ito ang kaniyang kapatid na nakaluhod sa harapan nito.

“Ilang beses ko bang ipapaalala sa’yo na ayokong-ayokong nahuhuli ka sa mga usapan natin, ha? Ako pa ang nagluto ng almusal ko, naghanda ng ipapanligo kong tubig at lahat nang gawain mo bilang katulong! Tapos ngayon, iiyak-iyak ka sa harapan ko?” bulyaw nito dahilan upang mas dumami pa ang taong nakikiisyoso rito.

“Hi-hinintay ko pa po kasi ‘yong kapatid ko umuwi kagabi kaya nahuli po ako nang gising. Pasen…” hindi na nagawang tapusin ng kaniyang ate ang sinasabi nito dahil bigla na lang niyang binuhusan ng tubig na baon niya ang naturang mayamang matanda.

“Hoy, matandang amoy lupa, wala kang karapatang ipahiya ang ate ko! Pinapasweldo mo lang siya, hindi ikaw ang nagbigay buhay sa kaniya! Nagagalit ka kasi ikaw ang nagsilbi sa sarili mo? E ‘di sana ipaputol mo na lang ang kamay at paa mo para lagi kang pagsisilbihan. May pera ka lang, at nakasakay sa magandang sasakyan, pero makasalanang tao ka pa rin! Pwe!” bulyaw niya rito saka dinuraan ang sasakyan nito, agad niyang itinayo ang kaniyang kapatid at hinila ito pauwi sa kanila.

Pagkauwi nila, agad silang nagkatitigan ng kaniyang kapatid saka sila nagtawanan.

“Ang angas mo doon, bunso, ha? ‘yan ba ang natutunan mo sa lagi mong pag-iinom?” biro nito dahilan upang labis siyang mapahagalpak nang tawa, “May mabuting magagawa pala ang ganitong kalokohan mo, Helen,” dagdag pa nito saka siya niyakap.

Doon niya napagtanto ang hirap na ginagawa ng kaniyang kapatid para lang mapakain at mapag-aral siya. Mangiyakngiyak siyang humingi ng tawad dito at nangakong mag-aaral mabuti.

Noong araw ding iyon, agad na naghanap ng trabaho ang kaniyang ate habang siya, sinimulan na niyang gawin ang mga proyektong kailangan niyang ipasa sa eskwelahan.

“Ngayon, naiintindihan ko na kung bakit lagi akong binubungangaan ni ate, mas mahirap ngang kumita ng pera kaysa mag-aral,” sambit niya habang yakap ang litrato ng kanilang mga magulang.

Advertisement