
Operasyon ang Palaging Paraan ng Isang Doktor Upang Mapagaling ang mga Pasyente, Umikot ang Mundo Niya Isang Araw
“Kailangan na pong maoperahan ng asawa niyo, nanay, may butas na po ang puso ni tatay. Mas makakatipid po kayo kung hahayaan niyong kami na lang po ang maghanap ng pusong ipapalit sa kaniya,” bungad ni Elmer, isang araw matapos konsultahin ang isang matanda.
“Magkano naman po aabutin no’n, doc?” nangangambang tanong ng asawa ng pasyente.
“Maghanda po kayo ng isang milyon, nanay, kapag kulang, pwedeng hulug-hulugan niyo na lang sa akin. Naaawa na rin po ako kay tatay, eh,” tugon niya saka hinimas-himas ang kamay nito.
“Hindi na po ba madadala sa gamot ‘yon, doc? Maayos naman po ang asawa ko, eh, normal pa naman siyang nakakakilos, para ngang wala siyang sakit, eh, ang tanging iniinda niya lang ay ang paninikip ng dibdib niya,” paliwanag nito saka mangiyakngiyak na niyakap ang asawa niyang napakamot-ulo na lang.
“Senyales na nga po ‘yon, nanay,” giit niya.
“Wala naman kasi kaming ganoong kalaking pera, eh,” buntong hininga nito, “Hay, sige doc, pag-iisipan po muna naming mag-asawa,” nakatungong sambit pa nito saka iniabot sa kaniyang sekretarya ang bayad para sa konsultasyon niya.
“Walang problema, nanay,” nakangiti niyang sambit saka pinatawag na ang susunod na pasyenteng kaniyang kokonsultahin.
Hindi biro ang pinagdaan ng binatang si Elmer sa propesyong mayroon siya ngayon. Nagawa niyang kumain ng kanin at toyo mairaos lang ang isang araw niya habang siya’y nag-aaral sa Maynila.
Wala naman kasi talaga siyang balak na magdoktor, kaya lang, nang mabalitaan niyang malaki ang kikitain niya rito, agad siyang nagpasiyang mag-aral kahit pa hindi niya alam kung saan kukuha ng pera pangsuporta rito.
Lingid din ito sa kagustuhan ng kaniyang mga magulang dahil nga wala silang ibibigay na pera sa kaniya. Ngunit dahil nga labis niya itong gustong maabot, halos araw-araw, dumidiskarte siya para lang may pangbili siya ng mga gamit na kailangan niya, pangbayad sa mga seminar at kung ano pa.
Maituturing ngang milagro ang kaniyang pagtatapos na talaga nga namang ikinatuwa ng kaniyang buong pamilya.
Ito ang naging dahilan niya upang sumubok na agad mag-opera kahit iilang buwan pa lang siyang nagiging propesyonal na doktor.
Nang mapagtagumpayan niya ang una niyang operasyon at malaking pera ang naiuwi niya, doon na siya nagsunod-sunod na sumabak sa operasyon kahit pa hindi naman talaga kailangang operahan ang isang pasyente. Rason niya, “Ang tagal kong nagtiis upang kumita nang malaking pera, wala dapat akong sinasayang na pasyente.”
Iyon ang simula nang pag-angat niya sa buhay hanggang sa nakaapat na taon na siya sa serbisyo’t nakabili na siya ng bahay at lupa para sa kaniyang mga magulang.
Noong araw na ‘yon, halos lahat ng kaniyang pasyente, sinabihan niyang tanging operasyon na lang ang makapagdudugtong sa buhay ng mga ito.
Ang ibang may kaya sa buhay, agad na pumayag at nagpa-schedule ng operasyon sa kaniyang sekretarya habang ang ibang mga kapos-palad, umuuwing lugmok na lugmok. Ngunit imbis na maawa, hindi niya inintindi ang mga ito’t sinimulan na niyang magbilang ng perang kikitain niya sa mga operasyong gagawin dahilan upang labis siyang maging masaya.
Ngunit ang sayang ito, agad na napilitan ng kaba kinabukasan. Pagkapasok niya kasi sa ospital na pinagtatrababuhan, sinalubong agad siya ng mga pulis at ng isang doktor na hindi niya kilala.
Doon niya nalamang nagpatingin pala ang matandang pasyente niya sa naturang doktor na ito kahapon pagkatapos magpakonsulta sa kaniya. Nalaman nito ang tunay na sakit ng matanda na malayong-malayo sa sinasabi niyang butas sa puso nito dahilan upang sampahan siya ng kaso ng pamilya nito.
Nalaman niya ring nagpapanggap lang palang mahirap ang naturang matanda dahil ayaw nitong magpaopera, ito pala’y isa sa mga mayayamang residente ng kanilang lalawigan dahilan upang agad na umikot ang kaniyang mundo.
Iyon na nga ang naging simula nang delubyo ng kaniyang buhay. Sumingaw na ang bahong tinatago niya’t nagsilitawan ang mga pasyenteng inoperahan niya kahit hindi kailangan dahilan upang lalong bumigat ang kasong nakapatong sa kaniya.
Bukod sa nakulong na siya’t nalimas ang perang kinita niya sa maruming paraan na ito, natanggalan pa siya ng lisensya na talaga nga namang labis niyang pinagsisihan. Iyak niya, “Hindi ako nagsumikap sa buhay para lang humimas ng rehas, bakit ba kasi ako masyadong nasilaw sa pera? Diyos ko, patawarin mo ako!”
Malabo mang muli niyang makuha ang kaniyang lisensya, nagpasalamat na rin siya sa Diyos dahil sa aral na kaniyang natutunan. Nagkasala man siya, alam niyang darating ang oras na muli siyang magkakaroon ng pagkakataon upang ipamalas ang galing niya.