Inday TrendingInday Trending
May Kakaibang Teknik ang Isang Ginang Upang Mabigyan Siya ng Pera ng mga Lalaki, Mali ang Nabiktima Niya Isang Gabi

May Kakaibang Teknik ang Isang Ginang Upang Mabigyan Siya ng Pera ng mga Lalaki, Mali ang Nabiktima Niya Isang Gabi

“Manong, pahingi naman kahit bente pesos, pambili lang ng gatas at diaper ng anak ko. Wala na kasi akong mahugot ngayon, eh, nawalan ako ng trabaho dahil sa pesteng pandemyang ito. Dali na, pahingi ako ng bente pesos,” pagpapaawa ni Anchang sa isang lalaki habang sinasabayan itong maglakad.

“Naku, hija, pasensiya ka na, wala akong dalang pera, eh, balikan mo na lang ako bukas mga ganitong oras din,” magiliw na sagot nito sa kaniya.

“Bukas pa? Malalagutan na ng hininga ang anak ko dahil sa gutom ngayong gabi! Sige na, manong, para bente pesos lang, eh. Hindi ako naniniwalang wala kang dalang pera, ang gara-gara ng suot mo, eh, bumaba ka pa sa magandang sasakyan doon sa kanto,” sambit niya pa saka hinarangan ang daan ng naturang lalaki.

“Hija, wala na nga akong pera rito, kung mayroon lang, ipapag-grocery pa kita,” pangungumbinsi nito sa kaniya saka nilabas ang bulsa ng pantalon.

“Nagsisinungaling ka pa, ha? Gusto mo bang sumigaw ako rito na minomol*stiya mo ako?” panakot niya rito.

“Kahit sumigaw ka, wala nga akong ibibigay sa’yo,” mahinang sambit nito.

“Ah ganoon?” tanong niya rito saka nagsimula nang magsisisigaw, “Tulong! Tulungan niyo ako! Minomol*stiya ako ng lalaking ito! Tulong!” dahilan upang magpuntahan sa lugar na kinakatayuan nila ang mga residenteng nakatira malapit doon ang pagtulungang dakpin ang kawawang lalaki.

Ngingisi-ngisi siyang pinapanuod ang mga galit na galit na residente. Ito ang maruming diskarte ng ginang na si Anchang sa tuwing magigipit. Madalas siyang nanghaharang ng mga lalaking pakiramdam niya’y may kaya, manghihingi siya ng pera rito at kapag tinanggihan siyang bigyan, kukuhanin niya ang atensyon ng mga taong nakatira sa paligid sa pamamagitan nang pagpapanggap na minomol*stiya o binabastos niya nito.

Kaya naman madalas, kapag siya’y namukhaan na ng mga lalaking inaabangan niya sa iba’t ibang lugar na pinagtatambayan niya tuwing gabi, hindi na nagdadalawang-isip ang mga ito na maglabas ng pera.

Ngunit, kapag naman siya’y may pera na, imbis na dumiretso sa tindahan at bumili ng pangangailangan ng kaniyang anak, sa sugalan pa siya dumidiretso. Ipapantaya niya sa saklaan ang mga perang nalikom niya at kapag siya’y nanalo, sasama naman siya sa mga kaibigan niyang manginginom at sila’y mag-iinom hanggang sa tumilaok ang manok.

Ganito araw-araw ang ginagawa niya, hindi niya iniintindi ang anak na kapitbahay lang ang nagmamalasakit habang siya, nagpapakalunod sa sarap ng buhay.

Ngunit no’ng gabing iyon, tila mali ang lalaking kaniyang nabiktima dahil ilang minuto lang ang lumipas simula nang ipadakip niya ito sa mga taong bayan, siya naman ang dinakip ng mga pulis.

“Te-teka lang po! Bakit ako ang dadakipin niyo? Eh, ako nga po ‘yong minolestiya noong bastos na ‘yon!” daing niya habang siya’y pinoposasan.

“Miss, nairecord ng lalaking iyon sa kaniyang selpon ang buong pangyayari. Bukod pa roon, hindi mo ba ‘yon kilala? Diyos ko, mali ka talaga nang binangga, bakit si mayor pa, aya tuloy bistado ka!” sambit ng isang pulis dahilan upang maghalakhakan ang iba pang mga pulis na naroon.

Nang makarating siya sa presinto, sumalubong sa kaniya ang hindi bababa sa dalawangpung lalaki na nabiktima niya at lahat sila, nagsampa ng kaso laban sa kaniya.

Doon na tuluyang bumaliktad ang kaniyang mundo. Pilit man siyang humingi nang tawad sa mga ito, lalo na sa kanilang mayor na tahimik lang na nakamasid, hindi na siya pinagbigayan ng mga ito.

“Parang awa niyo na po, walang mag-aalaga sa anak ko, isang taong gulang pa lang ‘yon,” mangiyakngiyak niyang daing saka lumuhod sa harapan ng kanilang mayor.

“Hindi mo na kami maloloko, Anchang, umabot na rito sa presinto na pinapabayaan mo lang ang anak mo sa kapitbahay niyo. At ang mga nalilikom mong pera, pinangsusugal mo lang at pinang-iinom!” sigaw ng isa sa mga asawa ng kaniyang biktima dahilan upang mapatigil siya’t manahimik na lang.

Tuluyan nga siyang nakulong at doon siya natauhan sa mga maling ginawa niya. ‘Ika niya, “Sana pala imbis na mangbiktima ako, humingi na lang ako nang tulong kay mayor para makakuha ako ng trabaho. Bukod sa malaya kong magagawa ang mga gusto ko, makakasama ko pa ang anak ko. Diyos ko, patawarin mo ako, parang-awa mo na, gusto ko muling maging malaya!” hikbi niya, isang gabi sa loob ng isang masikip at mabahong na selda kasama ang mga kapwa niya nagsisisi sa buhay.

Advertisement