
Akala Niya ay Tubong Lugaw Siya sa Panloloko; May Mas Mahal Palang Kabayaran Ito
Malaki ang ngisi sa labi ni Almira nang mapasakamay niya ang napakagandang kuwintas na galing sa kaniyang hipag na si Lorna.
“Ate, ingatan mo ‘yan ha. Alam mo naman na ‘yan na lang ang tanging alaala ni mama na naiwan sa akin,” muling bilin ni Lorna sa hipag.
“Oo naman, Lor. Ako nang bahala. Nasa mabuting kamay ‘to, iingatan ko ito na parang sa akin,” pangungumbinsi ni Almira sa babae.
“Naku, kung hindi lang talaga ako gipit na gipit ay hindi ko ‘yan isasanla sa iyo, ate.” Malungkot na minasdan ni Lorna ang kumikinang na kuwintas na ngayon ay nasa palad na ni Almira.
“Wala na tayong magagawa, Lor. Alam mo naman ang patakaran ko sa mga nangungutang: walang kolateral, walang pera. Ibabalik ko rin naman ito sa’yo pag nakaipon ka na ng pambayad,” pagpapalubag-loob ni Almira sa hipag kahit ang totoo ay nagdiriwang ang kaniyang kalooban.
Nang makaalis si Lorna ay isang misteryosong lalaki kaagad ang tinawagan ni Almira upang tulungan si Almira sa kaniyang lihim na gawain.
“Sisiw lang ‘to sa akin! Bigyan mo ako ng tatlong araw at makakagawa ako ng eksaktong replika ng kuwintas na ‘to,” mayabang na wika ni Ronnie habang sinisipat ang kwintas na nababalutan ng purong diyamante.
“Magkano naman ang babayaran ko sa’yo?” kunot noong wika ni Almira sa lalaki.
“Kahit mga sampung porsiyento lang, sapat na sa akin,” pagpe-presyo ng lalaki.
“Ang laki naman! Babaan mo naman, para namang wala tayong pinagsamahan niyan, eh!” pagtawad pa ni Almira sa presyong iginawad ng lalaki.
“Malaki ang kikitain mo rito, tubong lugaw ka! Tapat na ‘yung sampung porsiyento, Mira!” nakakalokong wika ni Ronnie sa babae.
Walang nagawa si Almira kundi pumayag sa presyong ibinigay ng lalaki.
Nagningning ang mata ni Almira nang muling mapatitig sa kuwintas. Tila nakikinita na nito ang limpak-limpak na perang kikitain kapag naibenta nito ang kuwintas sa aktuwal nitong halaga.
“Sige, tatlong araw. Hahanapan ko ng buyer ang kuwintas habang gumagawa ka ng katulad para naman ibebenta na lang natin,” pagpayag niya sa alok ng lalaki.
Sampung taon na sa ganitong karera si Almira. Binabayaran niya nang malaking halaga ang mga nagsasanla sa kaniya ng mga mamahaling gamit bago niya pinapalitan ang mga ito ng peke.
Pagkatapos ay ibebenta niya ang totoong gamit sa higit na mahal na halaga.
Kaya naman napakarami niya nang naipundar na ari-arian.
“Utakan lang naman ‘yan,” yun ang madalas sabihin ni Almira sa sarili sa tuwing inuusig siya ng konsensiya.
Kagaya ng inaasahan ay mabilis na naibenta ni Almira ang kuwintas. Isinanla ito sa kaniya ni Lorna sa halagang limang libo ngunit naibenta niya ito ng limampung libo.
Kaya naman ganun na lamang ang tuwa ni Almira sa takbo ng karerang kaniyang pinasok.
Ni wala sa hinagap niya na ito rin pala ang magiging mitsa ng kaniyang buhay.
Isang araw ay isang babae ang dumalaw sa kaniya. Kipkip nito ang paperbag ng isang mamahaling brand ng bag.
Minasdan niya ang babae mula ulo hanggang paa. Maamo ang mukha nito subalit may talim sa mga mata nitong hindi niya maunawaan.
Nang makuntento ay inusisa niya ang babae ukol sa sadya nito sa kaniya.
“Narinig ko na na nagpapasanla ka raw,” paglilinaw ng babaeng nagpakilalang si Sandra.
Tumaas ang kaniyang kilay. Talaga namang parami na ng parami ang kaniyang mga kliyente. Mabilis kasi siya makipagtransaksyon.
“Oo, totoo ‘yun, ano bang gusto mong isanla?” interesadong tanong niya dito.
Mula sa bitbit na paperbag ay inilabas nito ang isang magarang bag.
Bilang tumatangkilik sa mga mamahaling bagay ay pamilyar si Almira sa bag na isinasanla ng babae. Nagkakahalaga lang naman ito ng tumataginting na dalawang milyong piso!
Nanginginig ang kamay na buong ingat niyang hinawakan ang bag.
“Magkano ang kailangan mo para dito?” tanong niya sa babae nang makabawi.
“Isandaang libong piso,” walang gatol na wika ng babae.
Bagaman nabigla ay hindi nagpahalata si Almira. Masyadong malaki ang hinihingi ng babae subalit hindi niya maaring palampasin ang pagkakataon na kumita ng milyon.
Kaya naman agaran siyang pumayag sa gusto ng babae.
Bago umalis ang babae ay isang bilin ang iniwan nito kay Almira.
“‘Wag na ‘wag mo akong lolokohin, kung ayaw mong mapahamak.”
Imbes na matakot ay ipinagkibit balikat ito ni Almira. Tuwang-tuwa na tinawagan niya si Ronnie upang isakatuparan ang plano nila na gumawa ng replika ng mamahaling bag.
Hiningan siya ng lalaki ng isang linggo, na saktong sakto sa bilang ng araw na hiningi ng babae upang matubos nito ang iniwang bag.
Sa kanilang pagmamadali ay hindi na nila nausisa pa ang bawat bulsa ng bag na ginagawan nila ng replika.
Nang araw na babalikan ng babae ang bag ay handang handa na rin si Almira.
May malawak na ngiti sa labi ni Almira nang buong pag-iingat na iabot niya sa babae ang pekeng bag.
Bahagyang kinabahan si Almira nang kumunot ang noo ng babae habang sinusuri ang bag ngunit nakahinga din siya nang maluwag nang tila makumbinsi ang babae.
Inabot nito sa kaniya ang pera kapalit ng bag. Sumilay ang matagumpay na ngiti mula sa labi ni Almira.
Buong akala ni Almira ay aalis na ang babae subalit muling inusisa nito ang bag. Tila may hinahanap ito sa mga bulsa sa loob ng bag.
Bahagyang napaurong si Almira nang matalim na tingin ang ibinato sa kaniya ng babae nang hindi nito makita ang hinahanap.
“Bakit mo kinuha iyon?”
“A-ang alin?” muling sumibol ang kaba sa dibdib ni Almira dahil sa nakitang galit mula sa mata ng babae.
“‘Wag kang magmaang-maangan! Alam kong kinuha mo ang nakatagong pakete sa bag ko!” sigaw ng babae.
“Anong pakete? Wala akong alam!” patuloy na pagtanggi ni Almira. Hindi niya maunawaan ang sinasabi ng babae dahil hindi niya rin naman inusisa ang laman ng totoong bag.
Namutla si Almira nang bumunot ng baril ang babae at itutok nito iyon sa kaniya.
Agad niyang itinaas ang kamay tanda ng pagsuko. “Ang totoong bag ay nasa taas! ‘Wag mo akong saktan!” pagmamakaawa ni Almira.
Ngunit bingi na ang babae. Naiputok na nito ang hawak na baril.
Bumagsak ang walang buhay na katawan ni Almira. Sa mga mata nito ay bakas ang matinding takot.
“Sinabi ko naman sa’yo na ‘wag mo akong lolokohin,” wika ng babae sa nakahandusay na si Almira bago ito kumilos.
Dali-dali itong umakyat sa taas ng bahay upang kunin ang pakay. Nang makuha nito iyon ay agad din itong tumakas.
Sa imbestigasyon ng pulis, lumabas ang katotohanan.
Napag-alaman ng mga tao ang tunay na gawain ni Almira at magalit man ang mga ito sa kaniya, wala na rin namang silbi dahil wala na ang babae.
May iilang nalungkot sa pagkawala ni Almira subalit marami rin ang nagsabi na karma niya raw iyon sa panglolokong ginawa niya sa maraming tao sa matagal na panahon.
Natutunan ng mga tao mula sa trahedya na sinapit ni Almira na ang bawat ginagawa mo, mabuti man o masama, ay tiyak na babalik sa iyo.
Natutunan din nila na mas mabuti nang mamuhay nang marangal kaysa sumabak sa mapanganib na mundo ng panloloko na maari pang maging mitsa ng buhay mo.