Inday TrendingInday Trending
Palaging Pinagmamalupitan ng Babae ang Anak sa Labas ng Kaniyang Mister; Isang Kulay Itim na Aso ang Tutulong sa Bata

Palaging Pinagmamalupitan ng Babae ang Anak sa Labas ng Kaniyang Mister; Isang Kulay Itim na Aso ang Tutulong sa Bata

“Mama, tama na po, masakit po, tama na po!” sigaw ni Elijah habang walang awa siyang pinapalo ni Pilar ng walis tambo.

“Huwag mo nga akong tawaging mama, Hindi naman kita anak, e! Anak ka lang ng tatay mo sa kabit niya! Hayan ang bagay sa iyo para magtanda kang bata ka!” anito.

Mula nang pumanaw ang ama ay si Pilar na naging kasa-kasama ni Elijah. Ang babae ang totoong asawa ng kaniyang ama at siya ay anak lamang sa kabit nito. Iniwan naman siya ng tunay niyang ina sa ama dahil wala raw itong ipapakain sa kaniya kaya itinira na siya ng ama sa bahay nito kasama ang tunay nitong asawa. Tinanggap naman siya ng babae sa pamamahay nito kahit bunga siya sa pagkakasala ngunit kahit kailan ay hindi siya nito pinakitunguhan ng maayos kaya buong buhay ni Elijah ay puro pagmamalupit ang nararanasan niya sa babae.

Nang minsan nakabasag siya ng baso ay galit na galit si Pilar.

“P*tang i*a kang bata ka! Wala ka na bang gagawin kundi ang mamerhuwisyo? Kabibili ko lang ng baso na iyan tapos ay babasagin mo lang?” galit na wika ng babae.

“Hindi ko naman po sinasadyang mabasag. Bigla po kasing dumulas sa kamay ko,” paliwanag ng bata.

“Ang sabihin mo talagang tanga ka lang! Kahit kailan ay buwisit ka sa buhay ko!” anito sabay dampot sa walis tambo at ipinalo sa puwetan ng kawawang bata.

“Aray ko po! Tama na po, hindi ko na po uulitin!” hiyaw ni Elijah na halos hindi na makahinga sa sobrang pag-iyak.

Saka lamang tinigilan ni Pilar ang bata nang marinig nitong tumunog ang telepono. Sinagot nito ang tawag at mayamaya ay gumayak paalis ng bahay.

“Hoy, dito ka lang ha? Huwag kang lalabas ng bahay. Aalis muna ako, tinawagan ako ng kumare ko at mamamasyal kami sa mall. Bahala ka na riyan. Kapag sinuway mo ang utos ko ay bugbog-sarado ka naman sa akin!” sabi nito bago lumabas ng gate.

Naiwan si Elijah sa sala dahil naglalampaso pa siya ng sahig. Pagkatapos ay maghuhugas pa siya ng pinagkainan nila. Sa murang edad ay marami na siyang kayang gawin, dahil maaga siyang namulat sa mga gawaing bahay. Siya kasi ang inuutusan ni Pilar na gumawa sa bahay habang ang babae ay kain, tulog lang ang ginagawa. Hindi rin ito nagtatrabaho dahil buwan-buwan naman ay may sustento ito na nagmumula sa pensyon ng yumaong asawa at mga padala ng mga kapatid nito sa Amerika.

Nang matapos ni Elijah ang mga gawaing bahay ay naisipan niyang lumabas ng bahay. Naisip niya na gagabihin na naman sa pag-uwi ang nanay-nanayan kaya malaya siyang makakalabas para makapaglaro.

Habang nakatambay sa labas ng bahay ay may nakita siyang aso na palakad-lakad sa kalye. Nakita niyang nanghihina ito na para bang hindi pa kumakain. Dali-dali siyang kumuha ng makakain sa kusina at ibinigay sa aso.

“O, kumain ka muna, kawawa ka naman parang hindi ka pa kumakain, e,” wika niya sa kulay itim na asong kalye.

Agad naman nitong nilantakan ang ibinigay niyang pagkain. Sa ‘di malamang dahilan ay lumapit sa kaniya ang aso at naglambing.

“Ano, busog ka na? Saan ka ba nanggaling?” tanong ng bata, patuloy lang sa pagdila sa kaniya ang aso na halatang gusto na siya nito.

Dahil sa sobrang awa ay kinuha niya ang aso at dinala sa loob ng bahay at isinama sa kwarto niya.

“Dito ka muna ha? Huwag ka maingay dito para hindi ka maririnig ni mama kapag dumating. Araw-araw kitang papakainin,” wika ng bata habang hinahaplus-haplos ang aso.

Dinilaan na naman siya nito sa pisngi na tanda na naiintindihan siya nito.

Matagumpay naman na naitago ni Elijah ang alaga niyang aso sa maliit niyang kwarto na katabi ng palikuran. Hindi naman nagpupunta roon si Pilar kaya hindi nito makikita ang kaniyang alaga. Sa tuwing aalis ang babae para sumama sa mga kaibigan nito ay inilalabas ni Elijah ang aso sa kwarto para pakainin at makalaro.

“Alam mo mula nang dumating ka sa buhay ko ay hindi na ako nakaramdam ng lungkot dahil may kaibigan na ako,” sabi ni Elijah sa alaga niyang aso na pinangalanan niyang Blacky.

Naging mabuting alaga naman ito sa kaniya dahil kahit kailan ay hindi nito kinagat ang bata. Pakiramdam ng aso ay mahal na mahal siya ng kaniyang amo.

Isang araw, ‘di sinasadyang pumasok si Pilar sa loob ng kwarto ni Elijah at nakita nito ang kaniyang alaga.

“Eeehh! Elijah, Elijah halika ditong bata ka!” sigaw ng babae.

Dali-dali namang lumapit ang bata. “Bakit po?”

“Anong ginagawa dito ng gusgusing asong iyan? Ikaw ba ang nagdala niyan dito?” singhal ni Pilar.

“O-opo, naawa po kasi ako sa kaniya kaya inalagaan ko po. Mabait naman po si Blacky at hindi po siya nangangagat,” pag-amin ng bata.

“At pinangalanan mo pa talaga ang buwisit na asong iyan ha! Sino ang nagsabi sa iyong magdala ka ng hayop sa loob ng bahay ko at itinago mo pa sa kwarto. Kahit kailan kang bata ka perhuwisyo ka!” anito sabay kuha sa malapad na kahoy at pinagpapalo ito.

“Magtanda ka! Bakit hindi ka pa mawala sa buhay ko, peste ka!” galit na singhal ni Pilar habang walang habas na pinapalo si Elijah.

Mayamaya ay tumahol nang malakas ang aso at sa akmang pagpalo ng tiyahin ay walang ano-anong sinakmal ng aso ang braso ng babae.

“Arayyy! Puny*ta kang aso ka!” malakas na sigaw ng babae saka ibinaling sa aso ang galit at pinagpapalo rin ito sa ulo hanggang sa bigla na lang bumulagta ang hayop.

Sa sobrang takot ay tumakbo si Elijah palabas ng bahay at humingi ng tulong sa mga kapitbahay.

“Tulong, tulong, tulungan niyo po ang Tiyang ko, may sugat po siya dahil kinagat po siya ni Blacky!” sigaw ni Elijah.

Naisugod naman sa ospital ang babae sa tulong ng mga mababait nilang kapitbahay ngunit nang balikan ni Elijah ang alagang aso ay huli na ang lahat. Wala na itong buhay dahil sa marahas na palo ni Pilar sa ulo nito na agad nitong ikinas*wi.

“Blacky, Blacky, anong nangyari sa iyo? Gumising ka! Huwag mo akong iwan!” hagulgol ng bata.

Nang mawala ang alaga ay labis na ang naging kalungkutan ni Elijah. Sa tulong ng mga kapitbahay ay dinala nila ang bata sa DSWD. Nalaman din kasi ng mga ito na pinagmamalupitan siya ni Pilar kaya sa ahensiyang iyon ng gobyerno muna nila ito inilagak.

Napagtanto naman ni Pilar na mali ang lahat ng ginawa niyang pagmamaltrato kay Elijah kaya nangako ito na hindi na muling sasaktan pa ang anak-anakan. Humingi rin ito ng tawad sa pagpasl*ng sa alaga nitong aso. ‘Di nagtagal ay gumaling na rin si Pilar at naging maayos na ang relasyon niya sa bata. Dahil gusto niyang bumawi rito ay ibinili niya ng aso si Elijah upang maging bagong alaga nito. Kulay itim rin ang aso kaya pinangalanan nila itong ‘Blacky’ bilang pag-alaala sa mabait at matapat na alaga ni Elijah na minsang nagtanggol sa kaniya at nagbuwis pa ng buhay.

Advertisement