Inday TrendingInday Trending
Kahit na may Kumakalat na Sakit ay Nagyaya Pa Rin ng Inuman ang Bagong Layang Lalaking Ito, Kahindikhindik ang Binunga Nito

Kahit na may Kumakalat na Sakit ay Nagyaya Pa Rin ng Inuman ang Bagong Layang Lalaking Ito, Kahindikhindik ang Binunga Nito

“Hoy, pare! Kailan ka nakalaya? Aba, welcome back! Kamusta ang buhay sa preso?” galak na galak na bati ng kaibigan ni Mentos sa kaniya, isang umaga nang makasalubong siya nito sa kanilang eskinta, ang araw rin nang kaniyang paglaya.

“Naku, huwag mo nang tanungin! Ang hirap-hirap ng buhay doon! Bukod sa walang lasa ang pagkain doon, halos maghalikan na kami ng mga kapwa preso ko kapag matutulog na kami. Sobrang siksikan doon! Ayoko na ngang bumalik doon, eh!” kwento niya pa rito habang inaarte kung paano ang kaniyang puwesto sa pagtulog doon.

“Grabe pala talaga ang buhay sa preso, ano? O, ngayon, magpakabait ka na para hindi ka na bumalik doon!” sambit nito sa kaniya habang siya’y tinatapik-tapik sa braso.

“Magpapakabait na talaga ako, ‘no! Ayoko na talaga bumalik doon, walang alak doon, eh!” biro niya pa dahilan upang humalakhak ng tawa ang kaniyang kaibigan, “O, ano, inom tayo?” yaya niya rito.

“Eh, bawal nga ang selebrasyon ngayon, hindi ba? May kumakalat na sakit, eh,” tugon nito.

“Anong bawal-bawal? Iinom tayo mamaya, pumunta ka sa bahay namin, ha? Yayain mo ang tropa, hintayin ko kayo! Na-miss ko ang buhay malaya!” masaya niyang sambit dahilan upang matango-tango na lang ang kaniyang kaibigan at sumang-ayon sa kaniya.

Halos tatlong taon ding nakulong ang pasaway na si Mentos sa kulungan dahil sa paggamit niya ng pinagbabawal na gamot. Dahil nga wala siyang pangpiyansa noong mga araw na siya’y nahuli, wala siyang nagawa kung hindi ang magtiis sa buhay preso. Tiniis niya ang mabahong amoy ng mga kapwa niya preso na umaalingasaw sa buong presinto, ginawa niya ang lahat upang maging komportable sa baluktot na posisyon ng pagtulog at higit sa lahat, hindi mabilang na pagkagutom ang kaniyang tiniis.

Kaya naman, ganoon na lang ang saya niya nang malamang nagpadala ng pera pangpiyansa ang kaniyang tiyahin sa ibang bansa na hindi niya lubos akalaing tutulungan siya. ‘Ika niya, “Dininig nga ng Diyos ang panalangin ko! Sa wakas, tinuldukan na niya ang paghihirap ko sa kulungan!”

Sa sobrang kasiyahang nararamdaman niya, pagkalayang-pagkalaya niya, agad niyang hiniram ang selpon ng kaniyang asawa’t agad na tinawagan ang kaniyang tiyahin upang magpasalamat. Mangiyakngiyak niya itong kinausap at nagpasalamat. Tanging bilin lamang nito, “Magbagong buhay ka na, Mentos, ha? Kailangan ka ng pamilya mo. Huwag mo nang hayaang maging pabigat ka sa kanila. Ngayon, alam mong may kumakalat na sakit d’yan, huwag ka muna maglabas-labas, ha? Alagaan mo ang pamilya mo higit sa sarili mo,” na labis niyang sinang-ayunan. Nangako siya rito na gagawin ang lahat upang makabawi sa kaniyang pamilya.

Ngunit, nang makasalubong na niya ang kaniyang kaibigang matagal niyang hindi nakita at nakasama dahil sa kaniyang pagkakulong, tila nawala sa isip niya ang biling iyon ng kaniyang tiyahin at agad niya itong niyayang mag-inom.

Pilit man siyang pigilan ng kaniyang asawa dahil nga bukod sa kumakalat na sakit, wala na silang sobrang pera para sa selebrasyon na nais niya, hindi pa rin siya nakinig dito at ginasta pa rin ang perang natira mula sa kaniyang tiyahin.

Saktong alas siyete ng gabi, dumating ang kaniyang mga kaibigan. May dala ang mga ito ng kaniya-kaniyang ambag sa nasabing selebrasyon. Ang iba’y may dalang lechong manok, chichirya at iba pang maaaring ipangpulutan dahilan upang labis siyang makaramdam ng saya.

“Grabe, na-miss ko ‘to!” sigaw niya saka niya tinungga ang isang basong alak. Pagkatapos na pagkatapos niyang uminom, nilagyan niya muli ng alak ang basong pinag-inuman at ibigay ito sa kaniyang isang kaibigan.

Hindi maipaliwanag ni Mentos ang sayang nararamdaman niya sa muling pagsasama-sama nilang magkakaibigan.

Kinabukasan, naalimpungatan na lang siya ng may narinig siyang hindi pamilyar na boses na kausap ng kaniyang misis dahilan upang agad siyang tumayo at tingnan kung sino ito.

Labis siyang nagtaka nang makitang mga nars ito at balot na balot. Kaya naman, tinanong niya ang mga ito, “Ano pong kailangan niyo?” labis siyang nagulat sa sinagot nito, “Sir, nagpositibo po kayo sa sakit na kumakalat, nakuha niyo po ‘yon sa kulungan. Kailangan niyo na pong sumama sa amin at lahat po nang nakasalamuha niyo’y kailangan na rin po naming konsultahin,” dahilan upang ganoon na lang siya mapailing.

Doon sa ospital sila nagkita-kita muli ng kaniyang mga kaibigan pati ang mga pamilya nito. Ang iba’y galit sa kaniya habang ang iba nama’y pinapalakas ang loob niya. Layo-layo man sila, ramdam na ramdam niya ang pagsisisi ng mga ito sa pagdalo sa nais niyang pagdiriwang.

Labis siyang nagsisi sa ginawang aksyon. Humingi man siya ng tawad sa mga ito, kalusugan na ng mga ito ang nakabaon sa hukay.

Advertisement