Inday TrendingInday Trending
Nagagalit pa ang Ginang sa Tuwing Sinisingil ng Pinagkakautangan, Isang Aral ang Ibinigay sa Kaniya ng Pinagkakautangang Kapitbahay

Nagagalit pa ang Ginang sa Tuwing Sinisingil ng Pinagkakautangan, Isang Aral ang Ibinigay sa Kaniya ng Pinagkakautangang Kapitbahay

“Pambihira ka naman, Beth! Alam mo ba kung anong oras lang? Alas diyes lang ng umaga! Maniningil ka na agad? Alam mo namang wala pa akong benta kapag ganitong oras!” bulyaw ni Osang sa kaniyang kapitbahay habang inaayos niya ang mga panindang isda, isang umaga nang singilin siya nito sa pwesto niya sa palengke.

“O, bakit ka maninigaw d’yan, ha? Baka nakakalimutan mo, Osang, ikaw ang nagsabi ng araw at oras kung kailan mo ako babayaran! Sinunod ko lang ang sinabi mo no’ng nakaraang buwan na halos lumuha ka ng dugo makahiram lang ng limang libong piso sa akin! Tapos ngayong singilan na, sisigaw-sigawan mo ako rito sa palengke? Aba, ang kapal naman ng mukha mo!” sagot nito sa kaniya, nagtingin na rin ang ibang mga tao sa palengke dahilan upang lalo siyang mainis.

“Babayaran ka naman, eh! Hindi mo ba mahintay na ako ang magpunta sa inyo?” galit niyang tanong dito habang tinataboy niya ang mga langaw na dumadapo sa paninda niyang isda.

“Hoy, tingnan mo nga kung anong petsa na ngayon! Kahapon ang usapan natin! Pumunta ka ba sa bahay namin? Magbayad ka na lang kung ayaw mong itumba ko ‘tong mga paninda mo!” banta nito sa kaniya saka hinawakan ang ilalim ng lamesang pinaglalagyan ng kaniyang mga paninda.

“Wala akong pera ngayon! Umalis ka na!” buong tapang niyang sagot saka hinisikan nang malansang tubig ang ginang dahilan upang bahagya itong mapaatras.

Kilala bilang isang utangera ang ginang na si Osang sa kanilang buong lugar. Dahil nga pinapaikot niya lang ang kaniyang puhunan sa pagtitinda ng mga isda, sa tuwing siya’y nalulugi o may agarang bayarin sa kanilang bahay at pag-aaral ng kaniyang mga anak, agad siyang lumalapit kung kanino para mangutang ng pera kahit pa ito’y may kalakip ng tubo.

Ayaw niya mang mangutang at umasa sa iba, wala siyang magawa kung hindi humiram ng pera dahil sa hirap ng buhay na dinaranas nilang mag-iina.

Maayos naman talaga siyang magbayad noon, ngunit nang maramdaman niyang palaki na nang palaki ang kaniyang mga utang sa iba’t ibang mga tao dahil sa dami ng kaniyang bayarin at pangangailangan ng kaniyang mga anak, kung minsa’y nagtatago na siya’t hindi sumusunod sa usapan ng bayaran dahilan upang kagalitan siya ng mga nagpautang sa kaniya.

Bukod pa ro’n, may ugali rin kasi siya. Ayaw niyang sinisingil siya lalo na’t sa harap ng maraming tao dahilan upang palagi niyang makaaway ang mga nagpapautang sa kaniya.

Noong araw na ‘yon, matapos niyang mawisikan ng tubig ang kaniyang kapitbahay na naniningil, bigla nitong itinaob ang lamesang pinaglalagyan ng kaniyang mga paninda saka ito tinapak-tapakan. Napasigaw na lang siya’t napaupo nang makita niyang durog-durog na ang kaniyang mga paninda. Nais man niyang awatin ito, tila bigla siyang nawalan ng lakas nang makita niya kung anong nangyari sa kaniyang pinaghirapang mga paninda.

“Ayusin mo ang pag-uugali mo, ha? Ikaw na nga ang nagungutang, ikaw pa ang mayabang! Kung pananatilihin mo ‘yang ganyang pag-uugali mo, papanaw kang mahirap at baon sa utang!” sigaw pa nito habang pigil-pigil na ng mga kapwa niya tindera roon. Tumango-tango lang siya saka niya pinulot ang mga isdang hindi pa durog.

Napagtanto niyang mali nga talaga ang pag-uugaling pinapakita niya sa mga pinagkakautangan niya. Ika niya, “Sana hindi ko na pinaabot sa pagkakataong masisira ang mga paninda ko, ngayon, hindi ko alam kung saan ako kukuha ng pera pangtinda ko bukas,” saka niya pinunasan ang kaniyang luha’t muling nilagay sa lamesang natumba kanina ang mga isdang wala pa sa kalahati ang natirang buo at maibebenta pa.

Simula noong araw na ‘yon, nagdoble kayod siya upang makabayad sa lahat ng pinagkakautangan. Dahil nga wala siyang perang pangpuhunan, hindi muna siya nagtinda at pumasok muna bilang isang kargador sa bagsakan ng isda. Laking pasasalamat niya pa dahil ang panganay niyang anak ay may napasukang trabahong kayang ipagsabay sa pag-aaral nito.

Dahil sa kaniyang pagsusumikap at dahil sa tulong ng kaniyang panganay na anak, dalawang buwan lang ang nakalipas, tuluyan na siyang nakabayad sa kaniyang mga pinagkakautangan. Bukod pa ro’n, labis niya ring ibinaba ang kaniyang sarili sa mga ito at ganoon na lang humingi ng tawad sa kaniyang ugaling pinakita lalo na sa kapitbahay niyang si Beth na nagbukas ng kaniyang mga mata sa mali niyang gawain.

Ilang araw pa ang lumipas, muli na siyang nakapagtinda ng mga isda.

Nag-uumapaw ang kaniyang saya dahil bukod sa siya’y payapa nang nakakapagtinda, wala pa siyang utang na dapat bayaran na iniisip.

Advertisement