
Todo Hingi ang Kasintahan ng Dalagang Ito sa Kaniya; Laking Gulat Niya nang Malaman ang Balak Nito
“Mahal ko, may sobrang pera ka ba d’yan? Si mama kasi, eh, kumuha pala ng hulugang tocino ro’n sa kapitbahay namin. Tapos ngayon pala ang araw ng bayaran, eh, alam mo namang sa isang linggo pa ang sahod ko kaya wala akong maipangbayad,” daing ng nobyo ni Caria sa kaniya, isang umaga matapos siya nitong ihatid sa kaniyang trabaho.
“Magkano ba ‘yon? Hindi ba’t kabibigay ko lang sa’yo ng limang daang piso kahapon? Wala na bang natira ro’n?” pag-uusisa niya habang siya’y pababa ng bagong bili niyang motorsiklo para rito.
“Naku,wala nang natira. Binili ko ng T-shirt ‘yon, hindi ba?” tugon nito habang inuusisa na ang kaniyang shoulder bag.
“Diyos ko naman, Junie! Inuna mo pa ‘yong luho mo?” tugon niya saka bahagyang inilayo sa binata ang kaniyang bag.
“Eh, gusto ko ‘yon, eh! Ngayon na nga lang ako ulit bumili ng gamit ko, eh!” bulyaw nito sa kaniya dahilan upang siya’y magulantang.
“O, bakit nagagalit ka? Pinagsasabihan lang naman kita kasi…” hindi na niya natapos ang sasabihin dahil agad na nitong hinablot ang kaniyang bag at kumuha ng pera sa kaniyang pitaka.
“Puro ka satsat!” sigaw pa nito sa kaniya bago iharurot ang dalang motorsiklo. Naiwan siyang nakatayo sa tapat ng gusaling pinagtatrababuhan niya, pigil-pigil ang galit at luhang nais nang kumawala.
Nitong mga nakaraang araw, halos araw-araw nang namomroblema ang dalagang si Caria sa kaniyang kasintahang tila nasanay na lagi niyang tinutulungan. Pati tuloy pangtustos sa pamilya nito, madalas, siya na ang sumasalo dahilan upang labis siyang makaramdam ng bigat sa kaniyang dibdib.
Maayos naman talaga siyang pinakisamahan ng naturang lalaki noong sila’y bagong magkarelasyon pa lamang. Ito ang naging dahilan upang siya’y lalong mahulog dito at tulungan ito sa pag-abot ng mga pangarap partikular na ang pag-angat ng pamilya nito sa kahirapan.
Sa katunayan, bukod sa hinanap niya ng trabaho ang naturang binata, kung minsan, binibigyan niya pa ang pamilya nito ng grocery o kung hindi nama’y nagbibigay siya ng pera rito upang makatulong sa mga bayarin.
Wala naman talagang problema sa kaniya ang pagtulong niyang ito. Sarili na lang naman niya ang kaniyang binubuhay dahil ang lahat ng kamag-anak niya’y nasa ibang bansa na kasama ang kaniyang mga magulang. Ngunit nang tila naramdaman niyang umaabuso na ang kaniyang nobyo, ro’n na siya namroblemang maigi.
Pati kasi mga luho nito, bisyo, mga bayarin sa bahay, at kung minsan pati utang ng pamilya nito, siya ang sumasalo. Tinatangka niya mang pagsabihan ang kasintahan, bigla na lang itong magagalit dahilan upang siya’y manahimik na lang at ibigay ang gusto nito.
Noong araw na ‘yon, pagkatapos siyang masigawan ng kasintahan, may humila sa kaniyang isang matandang babae patungo sa isang magarang sasakyan. Dahil nga sa kaniyang pagkagulat, agad siyang sumakay sa sasakyan nito nang siya’y yayain nito.
“Nobyo mo ba ang lalaking ‘yon, hija?” tanong nito sa kaniya, tumango-tango lang siya habang nililibot niya ang tingin sa sasakyan nito, “Diyos ko, matagal ko nang hinahanap ang lalaking ‘yon, eh! Binebenta niya kasi ang bahay na ito, kaso hindi ko mahanap kung saan. Pwede mo ba akong tulungan? Ang ganda kasi nitong bahay at mura pa kaya kahit malayo ako, dinayo ko talaga!” tuwang-tuwang sambit nito saka ipinakita sa kaniya ang isang selpong naglalaman ng litrato ng bahay na tinutukoy.
Napapikit na lang siya nang makita niyang bahay niya ang nasa litrato.
“Ah, eh, bahay ko po ‘yan, hindi ko po ‘yan binebenta. Pasensiya na po kayo,” sambit niya saka siya agad na lumabas ng naturang sasakyan. Agad niyang tinawagan ang naturang binata, pasigaw pa siyang sinagot nito noong una ngunit nang banggitin niya ang tungkol sa pagbebenta ng bahay niya nang hindi niya alam, bigla itong kumalma.
“Ah, eh, mahal, kung ibebenta kasi natin ‘yon, magkakapera na tayo, makakabili pa tayo ng sarili nating bahay. Hindi ba maganda ang naisip ko?” uutal-utal na sambit nito dahilan upang lalo siyang mainis at ‘yon ang naging dahilan ng kanilang hiwalayan.
‘Ika niya, “Ayos lang na gatasan ako ng buong pamilya mo, pero ang pagbebenta ng bahay na pinundar ng mga magulang ko simula bata ako, o kahit ano pang gamit ko nang hindi ko alam, ibang usapan ‘yon!” dahilan upang magmakaawa ang naturang binata sa kaniya.
Doon niya napagtantong siguro nga, mahal lang siya ng naturang lalaking iyon dahil sa perang mayroon siya.
Hindi man niya alam kung kailan muling makakabangon sa sakit na nararamdaman, ngayo’y nagising na siya sa katotohanang hindi niya kailangan ang ganoong klaseng lalaki.