Inday TrendingInday Trending
Inakala Niyang may Bisyo ang Nag-iisang Anak; Natigagal Siya nang Matuklasan ang Pakulo Nito

Inakala Niyang may Bisyo ang Nag-iisang Anak; Natigagal Siya nang Matuklasan ang Pakulo Nito

Sabado. Napabalikwas ng bangon ang binatilyong si Matty nang marinig niya ang pagtunog ng kaniyang alarm.

Dali-dali niyang inayos ang kaniyang higaan bago lumabas mula sa kaniyang masikip na silid.

Sinalubong siya ng mabangong aroma ng kapeng barako na sa tingin niya ay maagang isinalang ng kaniyang ina.

“‘Nay, aga mo naman yata magsimula?” Bati niya sa inang abala sa paglalagay ng sinulid sa luma nitong makina.

Matagal na niyang hinihimok ang ina na palitan nito ang makina nito. Ngunit lagi lang nitong sinasabi na madami silang gastusin kaya patuloy itong nagti-tiyaga sa luma nitong makina na halos kinakalawang na.

“Naku, anak, napansin ko kasi na marami-rami rin ang naibebenta natin nung mga nakaraang araw kaya naman gusto ko pang damihan ang gawa para mas mas malaki naman ang kitain natin,” hindi lumilingong sagot ni Romina sa anak na si Matty.

Hindi maiwasan ni Matty na mapangiti sa sinabi ng ina. Talaga namang hindi matatawaran ang sipag nito.

Bilib na bilib siya sa ina. Mag-isa siya nitong itinaguyod sa pamamagitan ng pananahi. Kaya naman ganun na lamang ang pagsisikap niya na tulungan ito ngayong hindi na siya bata.

“Mag-almusal ka muna, anak, bago ka magtinda ngayong umaga. Napakaaga mo ngang nagising eh, Sabado naman, ayaw mo bang magpahinga muna?” tanong ng kaniyang ina.

“Hindi na ‘nay, sayang din po ang kikitain natin sa mga maagang bumabiyahe,” sagot ni Matty habang kumakain ng pandesal.

Isa pa, mayroon siyang pinag-iipunan kaya naman ganun na lamang ang kagustuhan niya na kumita nang malaki.

Maya-maya lang ay handa na si Matty magtinda.

“‘Nay, alis na ho muna ako!” paalam niya sa ina habang kipkip ang isang malaking bag na puno ng bilog na basahan.

“Sige, ‘nak, mag-ingat ka at sana makabenta ka nang madami!”

Maliksi niyang binagtas ang daan papunta sa kaniyang regular na puwesto.

Ilang sandali pa ay abala na ang binatilyo sa pag-aalok sa mga dumadaang motorista.

Samantala, balisa naman ang pakiramdam ni Romina. Ilang buwan na rin kasi simula nang napansin kasi niya na bahagyang kulang ang pera na ibininigay ni Matty mula sa pagtitinda nito.

Ayaw niya naman pagdudahan ang anak. Napakabait kasi nito upang gumawa ng kahit na anong ikasasama ng kalooban niya.

Ngunit ayaw niya rin naman ipagsawalang bahala ang masamang kutob. Ayaw niya din kasi na mapahamak ang kaniyang anak kung sakali mang may pinagkakaabalahan ito na hindi niya alam.

Lalo pa’t madami sa kaedaran nito ang nasasadlak sa kung ano-anong bisyo.

Kaya naman napagdesisyunan niya na kausapin ang anak tungkol dito.

Maggagabi na nang makauwi si Matty. May malaking ngiti sa kaniyang labi dahil halos nakaubos siya ng mahigit limandaang basahan.

Sa tingin niya kasi ay sapat na ang pera na naipon niya mula sa pagtitinda upang mabili ang ninanais.

“‘Anak, kumusta?” masiglang bati ni Romina sa anak na kapapasok lang ng bahay.

“Maganda ang bentahan ngayong araw, ‘nay, halos nakaubos ako ng tinda,” may pagmamalaki sa boses ni Matty nang sumagot sa ina.

Agad niyang inabot sa ina ang napagbentahan ng araw na iyon.

Ngunit taliwas sa kaniyang inaasahan ang naging reaksiyon ng kaniyang ina. Imbes na malaking ngiti ay malungkot ang ekspresyon nito habang binibilang ang pera na ibinigay niya.

“‘Nay, may problema ho ba?” nag-aalalang wika niya sa ina.

“Wala naman anak, ikaw ba? May gusto ka bang sabihin sa akin? O ‘di kaya ay may gusto ka bang ipabili? Sabihin mo lang,” panghihimok ni Romina sa anak.

Agad naman lumikot ang mata ni Matty. Napansin kaya ng ina ang panaka-nakang pagbawas niya sa kita nila?

“W-wala naman po, ‘nay. Pasok na po muna ako sa kwarto, gagawa pa po ako ng mga assignment,” mabilis na pag-iwas ni Matty bago patakbong pumunta sa kaniyang silid.

Kaya naman lalong umusbong ang pagdududa sa puso ni Romina. Lalo na’t kinabukasan ay maagang nagpaalam ang anak upang pumunta kung saan.

Nang sumapit ang tanghali ay abot abot ang kaba ni Romina nang hindi umuwi ang anak.

Mas lalong bumilis ang pagtahip ng kaniyang dibdib nang bumungad sa kaniya ang isang hindi pamilyar na mukha.

“Kayo ho ba si Romina Senese?” tanong ng lalaki.

“Ako nga ho, sino ho kayo? May nangyari ho ba sa anak ko?” kinakabahang tanong niya sa lalaki.

Bahagyang natawa ang lalaki. “Naku, hindi ho, may delivery ho para sa inyo.”

Nanlaki ang mata niya nang makita ang bagong bagong makina na ibinaba ng lalaki mula sa sasakyan nito.

Mas lalong nanlaki ang mata niya nang bumaba rin mula sa sasakyan si Matty, na may malaking ngiti na nakapaskil sa labi nito.

“‘Nay, surprise!” malakas na sigaw ni Matty sa ina.

“A-ano ‘to, anak? P-paano ka nakabili nito?” utal-utal na tanong ni Romina sa anak.

“Pinag-ipunan ko ‘yan, ‘nay, mula sa mga kinita natin,” kumakamot sa ulong sagot ni Matty.

Tigagal si Romina. Iyon pala ang pinag-iipunan ng anak!

“Alam ko kasi na hindi ka bibili kaya naman nag-ipon ako ng paunti-unti para maibili ka ng bago,” buska ni Matty sa ina.

Nang mapansin ang ekspresyon ng ina ay naalarma si Matty.

“‘Nay, galit ka po ba?” alanganing wika ni Matty.

Noon ngumiti nang maluwag si Romina. “Anak, hindi ako galit. Nag-aalala lang ako nung mga nakaraang araw kasi akala ko may bisyo kang hindi mo sinasabi sa akin.”

Natatawang niyakap ni Matty ang ina.

“‘Nay, sa laki ng hirap mo sa akin, ang bigyan ka ng problema ang huling gagawin ko,” paglalambing niya sa ina.

Lalong lumuwag ang ngiti ni Romina. Parating sinasabi ni Matty na swerte ito sa kaniya, ngunit ang totoo, mas maswerte siya sa pagkakaroon ng anak na tulad nito.

Advertisement