
Ayaw ng Dalaga sa mga Guwapo at Mayaman Hanggang sa Makilala Niya ang isang Lalaki; Ito na Kaya ang Taong Mamahalin Niya?
Hindi mahilig sa mga lalaking guwapo at mayaman si Lowela. Ang gusto niya ay ang lalaking simple lang na kahit hindi kaguwapuhan at mayaman ay seryoso at mamahalin siya nang tapat kaya nang magkita sila ng kaniyang matalik na kaibigan na si Pearl na kababalik lang sa Pilipinas ay nagulat itong kahit kailan ay hindi pa ito nagkaroon ng nobyo. Tatlong taong nagtrabaho ang babae sa Canada at nang magkita sila ni Lowela ay hindi makapaniwalang certified single pa rin ito.
“Totoo ba ang sinabi mo, friend, na hanggang ngayon ay single ka pa rin?” tanong nito.
“Oo. Hindi ko pa rin kasi dumarating ang lalaking hinahanap ko, e,” sagot ni Lowela.
“Eh, napaka-mapili mo kasi, e! Ayaw mo sa guwapo at ayaw mo rin sa mayaman? Diyos ko, ang mga iyon nga ang gustung-gusto ng mga babae ngayon ‘no!”
“Alam mo naman na iba ang hanap ko sa isang lalaki ‘di ba? Hindi ko hangad na magkaroon ng nobyong guwapo o mayaman, basta mabait at tapat ang pag-ibig sa akin ay masaya na ako,” tugon ulit niya.
“Naku, ewan ko ba sa iyo, friend! Napakaganda mo at matalino. May kaya rin ang pamilya mo. Maraming lalaki ang nanligaw sa iyo noon, mga guwapo at nangggaling din sa magagandang pamilya pero wala kang sinagot. Mayroon namang mga hindi kaguwapuhan na nanligaw rin sa iyo pero hindi mo rin sinagot. Ano ba talaga ang gusto mo?”
“May mga nanligaw nga sa akin na hindi kaguwapuhan pero ang lalakas naman ng dating, ang yayabang at ang taas ng tingin sa kanilang sarili. Wala sa kanila ang hinahanap kong lalaki,” ani Lowela.
“Gusto mo hanapan kita?”
“Teka, baka naman kung sino-sino lang ang ireto mo sa akin, ha?”
“Marami akong naging kaibigang Pinoy sa Canada na naghahanap rin ng gustong maging kaibigan at ka-ibigan, ipapakilala kita,” wika ni Pearl na kinikilig pa.
Dali-daling kinuha ng babae ang kanyang cell phone at naghanap sa Facebook. Mayamaya ay may ipinakita itong litrato kay Lowela.
“Ito, bagong kaibigan ko na nakilala ko sa Canada kaso bihira lang kaming magkita dahil marami rin siyang trabaho roon. Gusto mong makilala? Tamang-tama, ‘di ba gusto mo ‘yong simple lang at hindi kaguwapuhan? Siya na ang hinahanap mo at mabait pa!”
Kumunot ang noo ni Lowela sa balak ng kaibigan.
“Parang binubugaw mo naman ako, friend? Sigurado ka bang okay ‘yan?” aniya.
“Oo naman! Okay itong ipakikilala ko sa iyo!”
Ibinigay ni Pearl ang Facebook account ni Lowela sa lalaking kaibigan nito. Kinagabihan ay nagulat si Lowela na mayroong nag-message sa kaniya sa Facebook.
“Hi, ibinigay sa akin ni Pearl ang Facebook account mo, ako nga pala si Micko, Pinoy din ako na nagtatrabaho sa Canada,” sabi ng lalaki sa chat.
Dahil sa kuryosidad ay hinanap niya ang account ng lalaki. Tama nga ang sinabi ng kaibigan na hindi nga kaguwapuhan ang lalaki pero mukhang may lahi. Hindi mawari sa sarili ngunit nakaramdam siya ng kakaiba sa lalaki kaya agad niyang sinagot ang chat nito.
“Hello, ako si Lowela! Maari ko bang malaman kung ikaw ba talaga itong nasa profile picture mo?”
Mabilis na sumagot ang lalaki.
“Oo naman, bakit may pagdududa ka ba?” anito.
“Malay ko ba! Alam mo naman ang panahon ngayon, maraming manloloko!”
“Hindi ako nagsisinungaling, kung gusto mo ay mag-usap tayo sa video call?” yaya ng lalaki.
Napangiti ang babae sa gustong mangyari ng kausap. Iyon talaga ang gusto niyang mangyari, ang magpakita sa kaniya ang lalaki.
Nagkakilanlan sila sa video call at madaling nagkapalagayan ng loob. Napagalaman nila na nagtatrabaho ito bilang cook sa isang restaurant sa Canada at nagmula sa mahirap na pamilya kaya nakipagsapalaran sa ibang bayan. Sa bilis ng mga panyayari ay nabigla na lamang ang mga magulang ni Lowela nang malaman ng mga ito na may manliligaw na ang dalaga.
“Nag-iisip ka ba, anak? Isang buwan mo pa lang siyang nakikilala tapos mababalitaan namin na boyfriend mo na ang lalaking iyon?” galit na sabi ng kaniyang ina.
“Kung tunay ang hangarin niya sa iyo ay pupunta siya rito at sa bahay aakyat ng ligaw,” sabad naman ng kaniyang ama.
“Mabait naman po si Micko at nararamdaman ko naman po na tapat ang kaniyang hangarin sa akin,” sagot niya sa mga magulang.
Kahit tutol ang mga magulang sa panliligaw ni Micko ay itinuloy pa rin niya ang pakikipag-usap sa lalaki . Hilig nila ang mag-usap sa telepono ng mahabang oras. Ewan ba niya kung bakit ang dali niyang nahulog sa lalaki. Pero isa lang ang sigurado niya, napapamahal na rin siya rito. Lubos ang pasasalamat niya kay Pearl dahil nakilala niya ito.
‘Di nagtagal ay sinagot na rin niya ito at sila ay naging opisyal na magkasintahan. Kahit long distance relationship ang dalawa ay wala namang naging problema. Umabot ng isang taon ang relasyon nila kaya napagdesisyunan na nilang magpakasal.
Isang linggo bago ang kasal ay bumalik sa Pilipinas si Micko at namanhikan sa mga magulang niya kasama ang mga magulang nito.
Bagama’t hindi pa rin sang-ayon ang mga magulang ni Lowela sa kanilang kasal dahil sa pag-aalala na hindi pa nila lubusang kilala ang isa’t isa. Dahil sa matindi ang paghahangad ng lalaki na maikasal sa kaniya ay lumuhod ito sa harapan ng mga magulang niya para hingin ang kaniyang kamay.
“Ipinapangako ko pong hindi ko pababayaan ang inyong anak, kaya sana po ay pagbigyan niyo akong mahalin at pakasalan ko siya,” pakiusap ng lalaki.
At dahil naipakita ni Micko kung gaano niya kamahal ang kasintahan ay nakumbinsi rin ng lalaki ang mga magulang ni Lowela. Wala ring nakapigil sa pag-iisang dibdib ng dalawa.
Nagpatuloy ang magkasintahan sa pagpaplano ng kanilang kasal.
“Kung ako ang tatanungin ay simple lang ang gusto kong kasal, mahal ko!” sabi ni Lowela sa nobyo.
“Huwag ka nang mag-alala, mahal ko, at maayos na ang lahat. Pinapangako kong ikaw ang pinakamasayang bride sa kasal natin.”
Nang sumapit ang araw ng kanilang kasal ay laking gulat ni Lowela ng siya ay sorpresahin ng lalaki. Ang simpleng kasal na nais niya ay hindi natuloy dahil isang engrandeng kasal iyon na kahit sa panaginip ay hindi niya hinangad.
“Mahal ko, anong ibig sabihin nito?” gulat na tanong ni Lowela.
“Iyan ang sorpresa ko sa iyo, mahal ko. Gusto kong ikaw ang pinakasamayang babaeng ikakasal at gusto kong ang kasal natin ang pinakamaganda at pinkamemorable.”
Nalaman ni Lowela na si Micko ay hindi totoong cook sa restaurant at hindi nagmula sa mahirap na pamilya. Nagmamay-ari pala ito ng isang malaking kumpanya sa Canada. Ang ama pala ng lalaki ay isang mayamang negosyanteng Canadian na mula nang puman*w ay kay Micko ipinamana ang lahat ng naiwan nitong ari-arian.
“Ang sabi kasi sa akin ni Pearl ay ayaw mo sa mga lalaking mayaman kaya nagpanggap akong OFW at simpleng tao para makilala ka. Mula nang masilayan ko ang picture mo na ipinakita sa akin ng kaibigan mo ay nakaramdam na ako ng kakaiba. Patawarin mo ako, mahal ko kung naglihim ako sa iyo. Natakot lang ako na baka kapag nalaman mong nagmula ako sa mayamang pamilya ay tanggihan mo na ako agad,” bunyag pa ng lalaki.
“Hindi pa rin ako makapaniwala na inilihim mo sa akin ang iyong tunay na pagkatao, pero kahit nalaman kong hindi ka simpleng tao at mayaman ka pala ay hindi pa rin magbabago ang pagmamahal ko sa iyo, dahil ipinakita mo sa akin at ipinaramdam mo ang iyong pagmamahal sa sarili mong pamamaraan na hindi mo ginamitan ng anumang halaga. Para sa akin, ikaw na ang matagal ko nang hinihintay. Engrande man o hindi ang kasal natin, mahirap o mayaman ka man ay hindi iyon mahalaga. Mas mahalaga sa akin ngayon ay ikaw at wala nang iba. Mahal na mahal kita, Micko!” naluluhang wika ni Lowela.
“Mahal na mahal din kita, Lowela!” sagot ni Micko sabay punas sa luhang dumaloy sa pisngi ng babaeng pinakamamahal niya.
Natuloy ang kanilang kasal at ‘di naglaon ay biniyayaan ng tatlong anak.