Inday TrendingInday Trending
Bukod sa Kamalasan na Kasunod ng Babaeng Ito ay May Isang Truck na Bumubuntot sa Kaniya, Ano ang Dala Nito?

Bukod sa Kamalasan na Kasunod ng Babaeng Ito ay May Isang Truck na Bumubuntot sa Kaniya, Ano ang Dala Nito?

Inulan na raw ng kamalasan ngayon si Jessabeth sa kaniyang buhay dahil pagpasok pa lang ng taon ay sinalubong siya ng akyat bahay at nakuha ang halos lahat ng mga gamit niya sa pagtratrabaho.

“Hija, pasensiya ka na kung hindi naging maganda ang pananatili mo rito sa akin. Pero pwede bang may sabihin ko sa’yo?” tanong ni Aling Marta, may-ari ng apartment na inuupahan ng dalaga.

“Wala naman kayong kasalanan dito, Aling Marta, marami na talagang magnanakaw ngayon. Pero ano po ba ang sasabihin niyo at bakit parang ang seryoso naman yata?” sagot ni Jessabeth dito.

“Mamalasin ka pa lalo sa mga susunod na araw at buwan, hindi ko maintindihan pero may malas na sumusunod sa’yo ngayong taon,” ani Aling Marta.

“Naku naman, nakakatakot naman pala ‘yan! Huwag po kayong mag-alala dahil sa lilipatan ko ay magpapausok ako kaagad para hindi ko na madala ang malas,” natatawang sagot ng dalaga.

“Mag-ingat ka sa mga kaibigan mo, sa mga kakilala mo at sa mga akala mong totoo sa’yo. Ayon lang naman, basta mag-iingat ka palagi, Hija, kaawaan ka nawa ng Diyos,” paalam ng ale saka ito umalis.

Naiwan namang napailing si Jessabeth at gustong isisi sa kaniyang tinitirhan ang kamalasan na nararanasan. Simula kasi ng doon siya tumira ay hindi na natapos ang trahedya sa buhay niya.

Natapos na mag-empake ang babae at uuwi muna ito ng Bataan para makapagbakasyon sandali.

Dahil sa mahabang byahe ay huminto muna siya para kumain, mga trenta minuto rin siguro siyang nagpahinga at kumuha ng ilang litrato niya habang nasa labas at naninigarilyo. Kaagad na rin siyang bumalik sa sasakyan at ipinagpatuloy ang pagmamaneho nang mapansin niyang may isang truck na sumusunod sa kaniya.

“Baka naman parehas lang kayo ng daan, Jessabeth, ‘wag ka masyadong mapanghusga,” bulong niya sa sarili ngunit unti-unti na siyang kinabahan ng dumidilim na ang daan na tinatahak niya kasabay ng pagdilim ng langit. Tiningnan niya ang oras at hating gabi na pala kaya kakaunti na lamang ang mga sasakyan na kasabay niya.

Nagpalit ng linya sa daan si Jessabeth at sumunod pa rin ang truck sa kaniya. “Tang*na! Malayo pa ang susunod na drive thru, bakit naman nangyayari ‘to!” saad niya sasakyan. Binilisan pa niyang muli ang andar at napansin niyang binibilisan din ng truck na sumusunod sa kaniya. Para silang naghahabulan sa daan at paulit-ulit pa siyang iniilawan nito.

Umiiyak na si Jessabeth sa loob ng sasakyan at patuloy lamang sa pagmamaneho. Pinipilit niyang kalmahin ang sarili at naghihintay siya ng pinakamalapit na pwedeng mahintuan hanggang sa nakakita siya ng gasolinahan.

Mabilis niyang ipinarada ang sasakyan saka siya bumaba at nagsisisigaw.

“Tulong, tulungan niyo ako! May sumusunod sa akin!” sigaw ng babae sa mga tao roon at mabilis namang nakaparada ang truck na sumusunod sa kaniya.

Bumaba ang lalaki kaagad at pumunta sa kaniyang direksyon.

“Tulong!” sigaw ni Jessabeth habang walang gumagalaw sa mga taong nasa gasolinahan at natameme lamang sa pagsigaw niya.

Laking gulat ng babae na hindi siya nilapitan ng lalaki, imbes, pumunta ito sa sasakyan niya at binuksan ang pangalawang pintuan saka hinatak ang isang lalaki na doon ay nagtatago.

Gulat na gulat si Jessabeth dahil sa layo ng kaniyang minaneho ay hindi niya alam na may kasama siya sa sasakyan at hindi pa niya kilala.

Kaagad na pinadapa ng lalaking galing sa truck ang lalaking nakuha niya sa sasakyan ni Jessabeth.

“Sino ‘yan? At sino ka!” tanong ni Jessabeth habang nanginginig pa rin ang kaniyang boses at buong katawan.

“Kasabay mo rin ako kanina kumain doon sa una mong hinintuan at pagkasakay mo ng sasakyan mo saka ko nakitang pumuslit itong lokong ito. Kaya sinusundan kita at iniilawan, pasensiya ka na kung natakot kita,” paliwanag ng lalaking nagmamaneho ng truck.

Mabilis na dumating ang mga pulis para arestuhin ang lalaking pumuslit sa sasakyan ni Jessabeth. Doon napag-alaman na gumagamit ito ng ipinagbabawal na gamot at balak sanang gah*sain ang babae. Laking pasasalamat na lamang ni Jessabeth na nagmagandang loob ang truck driver na sundan siya at nailigtas ang buhay niya.

Ngayon ay napagtanto niyang hindi siya minamalas kung ‘di ay hindi siya nag-iingat dahil kung naging mapagmatyag siya ay hindi nakasakay ang lalaki sa kotse. Ganun din ang ibang insidente sa kaniyang buhay, hindi niya ito masisising kamalasan dahil ito ay sarili niyang kapabayaan. Swerte pa rin siya dahil hindi siya pinabayaan ng Panginoon kahit sa pamamagitan ng ibang tao.

Advertisement