Inday TrendingInday Trending
Bagong Empleyado Lamang ang Babaeng Ito Ngunit Siya Raw ang Magsisiwalat sa Nakakasukang Relasyon sa Trabaho, Magawa Kaya Niya Ito?

Bagong Empleyado Lamang ang Babaeng Ito Ngunit Siya Raw ang Magsisiwalat sa Nakakasukang Relasyon sa Trabaho, Magawa Kaya Niya Ito?

“Jen, pwede ba ako magtanong ng chismis dito sa opisina natin? Magkarelasyon ba sina Sir Xander at Ms. June? Napapansin ko kasing palagi silang magkasama at medyo malapit sila sa isa’t isa na alam mo na,” wika ni Ara, bagong empleyado sa opisina nila.

“Ikaw, hindi ka pa nga nare-regular ay iyon na ang napansin mo! Huwag mo na lang silang pansinin!” sagot ni Jen sa kaniya.

“E nakakailang lang kasi para silang mag-asawa. ‘Di ba’y pamilyado ‘yun si Sir Xander? Hindi ba siya nahihiyang napag-iisipan siyang kabit?” wikang muli ni Ara sa katrabaho.

“Alam mo, nung bago lang din ako rito sa opisina ay napansin ko na rin ‘yan sila pero maraming nagsasabi na walang naglalakas ng loob na pag-usapan o sitahin man lang ang dalawa. Bukod sa mataas ang posisyon nung lalaki ay matagal na rin ‘yung babae rito sa kompanya kaya naman wala na halos pumapansin sa kanila. Kumbaga nananahimik na lang at hindi nanghihimasok ng buhay ng iba. Kaya kung ako sa’yo, ganun na lang din ang gawin mo,” paliwanag ni Jen sa babae at saka ito tinalikuran at nagtrabahong muli.

Bago lamang si Ara sa kompanya at mabilis niyang napansin ang kakaibang relasyon ng kaniyang bisor at isa pang empleyado at ayaw man niyang mangkialam ngunit naiirita talaga siya sa mga babaeng kerida dahil doon nagmula ang kwento ng pamilya niya.

“Ma, kapag ba ikaw nakita mo ‘yung katrabaho mo na may asawa tapos sobrang halata na may kabit, anong gagawin mo?” tanong ni Ara sa kaniyang nanay.

“Sa akin mo pa talaga tinanong ‘yan? Para namang hindi mo alam ang gagawin ko, aba’y siyempre sasabihin ko roon sa asawa nung lalaki. Alam mong usong-uso ‘yung mga ganyan sa opisina tapos ayaw magsalita nung mga katrabaho kasi ayaw masali sa gulo pero kung ako ‘yun, wala akong pakialam, hahanapin ko ‘yung tunay na asawa at ako ang magsisiwalat sa nakakasukang lihim nila,” sagot ng kaniyang nanay.

Alam ni Ara na bago pa lamang siya sa kaniyang trabaho at gulo ang aabutin niya sa gagawin ngunit hindi dapat ito maging dahilan para masali siya sa nakakasukang relasyon ng kaniyang katrabaho. Kaya naman kahit na ilang beses pa siyang sinabihan ng kaniyang mga katrabaho na huwag ituloy ay hindi ito nagpaawat.

Hinanap niya sa Facebook ang asawa ng lalaki at kaagad siyang nakipagkita rito.

“Pasensiya na po kayo kung pinilit ko po kayong makipagkita sa akin ng personal kahit may Facebook na. Wala lang po talaga akong tiwala sa social media ngayon kaya mas gusto ko kayong kausapin nang personal,” wika ni Ara sa asawa ni Xander.

“May babae po ang asawa niyo sa opisina at hindi ko lang po talaga kayang makiisa sa mga katrabaho ko na manahimik. Kailangan niyo na pong malaman,” diretsong sabi ng babae.

Hindi naman sumagot si Reina ang asawa ni Xander at hinigop lamang ang kape na nasa baso niya.

“Salamat,” maiksi nitong sabi.

“Okay po, sorry, nanghimasok po ba ako? Pasensiya na, lumaki po kasi akong may kabit ang tatay ko kaya naman galit ako sa mga babaeng ganun pero mukhang alam niyo naman na yata,” mahinang sabi ni Ara at parang nahiya pa siya sa pagkasigasig na masabi ang inaakala niyang lihim.

“Salamat kasi may mga taong katulad mo na gusto pa rin protektahan ang konsepto ng pamilya. Hindi ko alam kung nakarating na sa’yo ang kwento namin pero mukhang hindi pa kaya naman ako na ang magsasabi,” sagot ni Reina sa kaniya.

“Ako ang kabit sa relasyon nila noong magkasintahan palang sila pero nabuntis ako at kinailangan panindigan ni Xander ang bata. Akala ko makukuha ko rin siya paglipas ng panahon, akala ko maliligtas ng bata ang relasyon namin na nagsimula sa mali pero hindi pala,” siwalat ng babae sa kaniya na labis niyang ikinabigla.

“Mukhang si June pa rin ang laman ng puso niya. Alam mo bang walang nangyayari sa amin kahit magkasama kami sa iisang bubong? Pero hindi matutumbasan ang pagiging tatay niya sa anak namin. Okay na ako sa ganoon, ‘yung may tatay ang anak ko na umuuwi sa amin saka ko na siguro aasamin na ako naman ang mahalin niya,” dagdag pa nito.

Saglit na naubusan ng salita si Ara sa kaniyang narinig at hindi siya makapaniwalang may ganitong kwento siyang malalaman na akala niya’y sa pelikula lamang nangyayari.

Hindi na muling nagsalita ang babae at mas pinili na rin umalis ni Ara sa nakakailang nilang sitwasyon.

Gustuhin man niya na ayusin ang mundo ng magugulong pamilya ay hindi niya magagawa. Mas malungkot ngayon si Ara dahil may mga babaeng pinipili ang ganoong sitwasyon katulad ni Reina kaya naiwan siyang dasal na lang ang tanging maibibigay sa babae at pikitmatang titiisin ang nakikita niya sa opisina.

Ikaw kabayan? Kung ikaw ang nasa paa ni Ara, ano ang gagawin mo?

Advertisement