Susunduin Daw ng Lalaking Ito ang Babaeng Matagal na Niyang Pinapangarap, Sumama Kaya Ito sa Kaniya?

“Ernesto, sigurado ka bang kaya mo sa Maynila? Tandaan mo, hayskul lang ang tinapos mo, anak, hindi naman sa minamaliit kita pero maraming manloloko roon,” tanong ni Aling Santa, nanay ng binata.

“Oo, ‘nay, sigurado na ako, hahanapin ko si Rose. May kaunti naman na akong ipon para magamit doon at huwag kayong mag-alala, isang buwan lang. Isang buwan lang akong mawawala,” sagot naman ng lalaki habang nagbabalot ng kaniyang mga gamit.

“Malay niyo pagbalik ko rito ay ikasal na ako bago man lang mawala sa kalendaryo,” dagdag pa nito saka natawa sa kaniyang sinabi.

Hindi naman na nagsalita pa ang kaniyang ina at umiling na lang ito sa biglaang desisyon niya na pagluwas ng Maynila.

Bata pa lamang sina Ernesto at Rose ay may pagtingin na ang lalaki sa babae at pinangarap na rin niya ang mga araw na magiging asawa niya ito ngunit nang makapagtapos sila ng hayskul ay lumuwas ang pamilya ng babae sa Maynila para roon na manirahan at simula noon ay nawalan na ng balita si Ernesto hanggang sa dumating ang balita sa kaniya ngayon tungkol sa babae.

“Tony, salamat sa pagpapatira mo rito sa akin sa dorm mo. Pero sigurado ka ba sa nakita mo? Si Rose ba talaga iyon?” tanong ni Ernesto kay Tony, kaklase noon ng lalaki at siyang nagpadala ng balita sa kaniya tungkol kay Rose.

“Oo, si Rose talaga ‘yun, pare, kahit na tumanda tayo ay hindi ako pwedeng magkamali, nakita ko talaga syang pumasok sa bahay na ‘yun. Iniwasan niya kaagad ako at nagmadaling pumasok,” sagot ni Tony.

“Ayaw ko na sanang magsayang pa ng oras, Tony, pero pwede mo ba akong samahan sa bahay na sinasabi mo?” mabilis na tanong ni Ernesto sa kaibigan. Hindi naman na nagsayang ng oras ang dalawa at pinuntahan nga si Rose.

Advertisement

Hindi sinabi ni Ernesto sa kaniyang nanay ang tunay na dahilan kung bakit bigla niyang hinanap si Rose sa Maynila. Hindi niya ito hinanap dahil dumating ang balita sa kaniya na ang babaeng pinangarap niya at hinangaan ng matagal na panahon ay nagtratrabaho raw bilang bayaring babae ngayon.

Nakita na nila ang bahay na tinutuluyan ni Rose at kilala ito bilang bahay ng mga babaeng puhunan ay ang kanilang puri. Itinuro sila kaagad sa pinagtratrabahuhan ng mga ito. Kinakabahan man ngunit malayo palang ay nakita na ni Ernesto ang litrato ni Rose kahit na nag-iba ang kulay ng buhok nito ay hinding-hindi siya magkakamali na ito ang babaeng unang bumihag ng kaniyang puso.

Madilim ang lugar, maraming nag-iinuman na mga tao, may lalaki at may babae rin. Inilibot niya ang mga mata para humanap ng isang pamilya na mukha ngunit napahinto siya nang makita niya ang babaeng sumasayaw sa entablado na tanging salawal lamang ang bumabalot sa katawan nito.

“Rose,” bulong niya sa sarili at pumatak ang luha sa kaniyang mga mata. Hinintay niyang matapos ito sa trabaho para kausapin.

“Halika na, mag-usap tayo sa hotel,” wika kaagad ni Rose sa kaniya at hinawakan ang kaniyang kamay. Hindi nagsalita si Ernesto at hawak lamang niya ang kamay ni Rose hanggang sa nakapasok sila sa kwarto at kaagad siyang hinalikan ng babae.

“Hindi ito ang pinunta ko,” mahinang wika ng lalaki at pinigilan si Rose sa kaniyang ginagawa.

“Umuwi na tayo, sumama ka sa akin sa probinsiya,” sabi pang muli ng lalaki at hinawakan ang kamay ng babae.

“Hindi mo man lang ba itatanong sa akin kung bakit ganito ang nangyari sa buhay ko at bakit ako naging ganito?” baling ni Rose saka bumitaw sa lalaki.

Advertisement

“Sa tingin mo ba, ikaw ‘yung superhero ko? Na ikaw lang ang inaantay kong dumating para makalabas ako sa salot na ito sa buhay ko? Hindi ako si Darna at hindi ikaw si superman, Ernesto, hindi na ako ng Rose na dating kilala mo,” dagdag pa ng babae.

“’Wag mo na akong puntahan ulit, bumalik ka na sa probinsya at kalimutan mo na ako,” muli pa niyang sabi at saglit na natahimik ang dalawa. Tumayo na si Rose at kinuha ang bag niya bago nagsalitang muli ang lalaki.

“Hindi ako ang magliligtas sa’yo kung ‘di ang sarili mo. Pero hindi man siguro ako ang tagapagligtas mo, pwede ko namang ilaban ang pagmamahal ko sa’yo,” sabi ni Ernesto sa kaniya at niyakap niya ang babae.

Hindi nagsalita si Rose at umiyak lamang ito dahil sa tinagal-tagal ng panahon ay ngayon lamang niya naramdamang may lalaking totoong nagmamahal sa kaniya.

Hindi naging madali ang panunuyo ni Ernesto kay Rose ngunit nagtagumpay ang lalaki na patigilin ito sa kaniyang hanap-buhay. Sabay silang umuwi sa probinsya at wala kahit anong tanong ang lumabas sa bibig ni Ernesto. Ni wala ring nangyayari sa kanilang dalawa kahit ilang beses pang ibigay ni Rose ang kaniyang sarili. Hinintay siya ng lalaki na maikasal silang dalawa.

“Bakit ako, Ernesto? Ang dami pang ibang babae sa mundo, pero bakit ako?” tanong ni Rose sa lalaki.

“Bakit hindi ikaw? Lahat tayo nagkakamali at nadadapa sa buhay pero ang importante ay ‘yung makatagpo tayo ng tunay na pag-ibig. Lahat tayo binigyan ng Diyos ng isang itinadhana sa atin at naniniwala akong ikaw ‘yun, Rose,” sagot ni Ernesto sa kaniya.

Naluha na lamang si Rose dahil minsan na siyang nawalan ng pag-asa sa tunay na pag-big ngunit ito siya ngayon, binigyan ng bagong buhay ng Diyos sa piling ng lalaking mahal na mahal siya sa kabila ng kaniyang mga pagkakamali at pagkakadapa sa buhay.