Iniligtas ng Batang Ito ang Kaniyang Ina sa Pamamagitan ng Laruan Niyang Kotse

Umagang-umaga ngunit dinig na naman ang maingay na panenermon ni Ginang Soledad sa kaniyang asawang si Nestor. Paano ay may panibago na naman itong uwing laruan para sa apat na tong gulang na anak nilang lalaki, si Resty. Nitong mga nakaraang linggo kasi ay napapansin nilang nahihilig sa iba’t ibang laruang sasakyan ang bata kaya naman ngayon ay inuwian na naman ito ng kaniyang ama ng isang laruang ambulansya.

“Lagi ka na lang ganiyan, Nestor. Imbes na turuan mo ang anak natin ng mga bagay na pakikinabangan niya paglaki niya, aba’y tinuturuan mo pa siyang mahilig sa mga walang katuturang gawain.” Kunot na kunot ang noo ni Ginang Soledad. Naiiling pa siya habang kinakausap ang kaniyang asawa.

“Mahal, ano ka ba naman? Apat na taong gulang pa lang anak natin. Hayaan mo siyang enjoy-in muna ang pagkabata niya bago mo siya pangaralan ng mga life lessons dahil hindi pa rin naman niya iyan maintindihan nang maayos ngayon,” katuwiran naman ni Mang Nestor na lalong nagpailing kay Ginang Soledad na ngayon ay napapabuntong hininga pa.

Hindi na lamang nakipag talo si Gina Soledad kay Nestor dahil bukod sa papasok na ito sa trabaho ay alam niyang hindi naman siya mananalo rito at baka mauwi pa sa away ang pag-uusap nila.

Samantala, naiintindihan naman ni Nestor ang pinanggagalingan ng asawa. Matagal kasi nilang hinintay na dumating sa buhay nila ang anak na si Resty. Sa katunayan nga ay isa itong menopause baby, kaya naman ganoon na lamang ang pagiging istrikto ni Ginang Soledad. Halos madaliin nito ang paglaki ng anak sa takot na baka hindi na niya maabutan ang paglaki nito dahil sa siya ay tumatanda na.

Ganoon pa man, ayaw naman ni Nestor na si Resty ang maghihirap dahil lamang sa takot nilang iyon kaya naman kahit ayaw ng asawa niya ay ibinibigay niya sa anak ang kahit anong magpapasaya rito kahit pa nga madalas, ay pinagsisimulan iyon ng away nilang mag-asawa.

“Kapag kailangan n’yo n tulong, huwag kalimutan, tawagan lang ang mga numerong nakasulat sa ating sasakyan! Go, Rescue Team!”

Nang makaalis si Nestor ay dinig na dinig sa buong salas ang ingay ng telebisyon dahil nanunuod na naman si Resty ng paborito niyang palabas na cartoons. Kitang-kita naman sa mukha ng bata ang tuwa habang hawak-hawak ang cellphone ng kaniyang ina. Akmang pipindutin ni Resty ang naturang aparato nang makita ito ni Ginang Soledad at agad itong sinaway.

Advertisement

“No, Resty. Hindi ba at sinabi ko sa ’yo na ayaw kong humahawak ka ng gadgets? O nanunuod ng T.V.? Tigilan mo na ’yan. Go get your book. Magbasa ka na lang, anak.”

Napasimangot ang bata sa mahigpit na pagsasaway na iyon ni Ginang Soledad. Imbes na sundin siya nito at kumuha ng libro ay ang mga laruan naman nitong kotse-kotsehan ang pinagtuunan ng pansin.

Nasapo ni Ginang Soledad ang kaniyang noo. Minabuti niyang pagbigyan na lamang muna ang anak at hayaan itong maglaro. Nagpasiya siyang magtungo na lamang muna sa kusina at magluto na ng pananghalian nilang mag-ina. Isa pa’y wala siyang lakas para magsaway nang magsawa ngayon dahil kaninang umaga pa lang ay sinasamaan na siya ng pakiramdam.

Nasa kalagitnaan na ng pagluluto si Ginang Soledad nang maramdaman niyang tumitindi na ang nadarama niyang pagkahilo.

Agad niyang t-in-urn off ang kalan at nagmadaling pumunta sa salas kung saan naroon din ang anak na nalilibang sa kaniyang bagong laruang sasakyan ambulansya.

Nang maupo na si Ginang Soledad sa sofa ay doon na siya inabutan ng pandidilim ng paningin. Labis na takot ang kaniyang naramdaman ngunit wala na siyang nagawa pa nang tuluyan na siyang mawalan ng ulirat.

Samantala, nakita ng batang si Resty ang nangyari sa ina. Tila naman naalala ng bata ang mga napapanuod niya sa T.V. lalo na ang paborito niyang cartoons na “Rescue Team” ang pamagat. Naalala ng bata ang ambulansyang sasakyang laruan na iniregalo sa kaniya ng ama kagabi. Agad iyong pinulot ng apat na taong gulang na si Resty at doon ay nakita niya ang mga numerong nakasulat.

Ang sumunod na ginawa ng bata ay talaga namang kabilib-bilib. Kinuha niya ang telepono ng ina at tinawagan ang numerong nakita niya sa kaniyang laruan katulad ng ginagawa ng mga karakter sa paborito niyan cartoons.

Advertisement

Agad na sinagot ng reciever ang tawag ng bata dahil nagkataong ang mga numero palang iyon ay totoong emergency hotline!

Hindi kapani-paniwalang nagawa ng batang si Resty na ikuwento sa nasa kabilang linya ang kalagayan ng kaniyang ina nang mga sandaling iyon kaya naman mabilis na nakaresponde ang ambulansya at nadala si Ginang Soledad sa ospital.

Halos mawindang ang mag-asawang Soledad at Nestor nang malaman nila ang nangyari. Hindi sila makapaniwala ng isang matalino ng bata ang kanilang anak sa edad nitong apat na taong gulang pa lang.

Laking pasasalamat nila, lalo na ng ina ni Resty sa nangyari kaya naman nang mga sandaling iyon ay napagtanto niyang hindi naman pala dapat pinaghihigptan nang ganoon ang bata dahil hindi totoong wala itong natutunan sa kaniyang paglalaro at panunuod ng mga pambatang palabas. Simula noon ay nagbago na si Ginang Soledad at binawasan na ang kaniyang pagiging istrikta.