
Walang Pananampalataya sa Diyos ang Lalaki; Magbabalik-loob Siya Para sa Kaniyang Ina
Naging napakahirap para kay Joshua ang magtiwala sa Panginoon. Noong pumanaw kasi ang kaniyang kapatid ay ipinangako niya sa sarili na hinding-hindi na siya lalapit sa tinatawag na Diyos. Hindi na, kahit kailan.
Hindi na matandaan ni Joshua kung ilang beses siyang humingi ng tulong sa sinasabing Panginoon ng lahat. Lumuhod, umiyak, nagmakaawa na huwag kuhanin ang bunso niyang kapatid na si Jaehan. Ang ina at kapatid na lang kasi niya ang naiwan sa kaniya simula noong sumama ang kaniyang ama sa kabit nito.
Ganoon na lang ang sakit na naramdaman ni Joshua nang sabihin ng kaniyang ina na wala na si Jaehan. Napatingin siya sa krus na nasa simbahan ng hospital at unti-unting napuno ng galit ang kaniyang dibdib. Maraming sumbat ang kaniyang ibinato sa krus na gawa sa kahoy. Sumbat na alam niyang hindi rin nito maririnig dahil kung ang pagmamakaawa niya ay hindi, ano pa ang mga sumbat.
Naging iba ang ugali ni Joshua. Naging mapanakit itong lalaki, bastos at tila walang iginagalang. Kinalimutan at tinalikuran niya ang pagiging mabuting tao dahil sa galit.
“Joshua, ano na naman ang ginawa mo?” nanghihinang tanong ng ina ni Joshua pagdating niya ng bahay.
“Wala, ‘to. Huwag mo ‘kong alalahanin.” Ngumisi ito sa ina bago pumasok sa kwarto. Napaupo nalang ang ina ni Joshua sa malambot na sofa at saka humagulhol.
Napatingin ito sa palibot ng bahay at wala siyang makitang kahit anong bakas ng paniniwala sa Diyos, maliban na lang sa isip at puso niya kahit na alam niyang hindi na maniniwala ang kaniyang anak sa kakayahan at kabutihan ng Panginoon. Laylay ang balikat niyang pumasok sa sariling kwarto.
Pitong taon nang nasa hukay si Jaehan. Pitong taon na rin simula nang itakwil ni Joshua ang Panginoon sa buhay niya. Sa araw na iyon ay pinuntahan niya ang kaniyang kapatid upang bigyan ng regalo. Dala niya ang paborito nito.
“Bunso, may dala si kuyang pagkain. Hindi ba paborito mo ‘yong spaghetti at saka chicken? Dinalahan kita. Miss na kita, bunso. Sana—” hindi maituloy ni Joshua ang sasabihin sapagkat alam niyang hilingin man niya iyon ay malabong mangyari.
“Mahal na mahal kita, Bunso. Patawad ha? Walang nagawa si Kuya para mabuhay ka. Na wala akong kwenta kasi nawala ka. Patawad, J-Jaehan.” Kumibot ang kaniyang mga labi. Maya-maya ay yumuyugyog na ang balikat ni Joshua dahil hindi niya makayanan ang sakit at naroon pa rin ang panlulumo na hindi niya nailigtas ang kapatid.
Nasa ganoon siyang sitwasyon nang may tumawag sa kaniyang cellphone.
“Sino ‘to?” tanong niya sa kabilang linya.
“Kuya Joshua, si Tita, ang mama mo, isinugod sa hospital!”
Parang binuhusan ng malamig na tubig si Joshua. Dali-dali siyang tumakbo palapit sa dala niyang motor at agad na pinaharurot ito sa malapit na hospital sa kanilang bahay. Sa hospital kung saan din binawian ng buhay ang kaniyang kapatid.
Mabilis siyang nakarating sa hospital. Hindi niya pinansin ang mga taong tumitingin sa kaniya na walang awat ang pagluha ng kaniyang mga mata.
Nakita niya ang pinsan na si Mica.
“Anong nangyari?” tanong niya agad sa pinsan.
Umiling ito. “Nakita ko siyang walang malay sa inyo kaya isinugod ko na agad rito! M-malala raw ang lagay ni tita, kuya!” Humahagulhol na rin ito.
Napaupo si Joshua sa mga upuang nakahilera sa gilid. Maya-maya ay kusang gumalaw ang kaniyang paa papunta sa kinaiilagan niyang lugar.
Sa maliit na chapel sa hospital kung saan din siya nakiusap noon na huwag kuhanin ang buhay ng kapatid. Nakita niya ang sariling naroon malapit sa altar, nakaluhod at titig na titig sa imahe ng Panginoon na nakapako sa malaking krus.
Gusto niyang manumbat, magmura, kuwestiyonin ang Diyos kung tunay nga ba siya, pero iba ang lumabas sa kaniyang bibig…
“Alam ko pong malaki ang kasalanan ko sa inyo at makapal ang mukha ko dahil pumunta pa ako rito para muling humiling sa kabila ng pangunguwestyon ko sa yo noon… pero sana po, Ama, ako na lang. Pakiusap, huwag si mama. Kasalanan ko po ang lahat. Huwag siya, ako na lang!” Itinuon niya ang dalawang kamay sa semento habang patuloy na humahagulhol.
Nasa ganoon siyang sitwasyon nang dumating ang pinsan niya…
“Gising na si Tita, kuya. Hinahanap ka,” anito nang makalapit sa kaniya.
Isang himalang nakaligtas mula sa pagkabagok ng ulo ang kaniyang ina. Ipinagtataka pa nga ng doktor kung papaanong wala man lang seryosong depekto ang bahagi ng katawan nitong naapektuhan ng aksidente!
Simula noon ay bumalik ang pananampalataya ni Joshua. Agad siyang nagbago upang muling maging mabuting tao at muli na siyang naniwala sa Poong Maykapal.