
Malaki ang Tampo Niya sa Ina; Mas Paborito Kasi Nito ang Ate Niya
Simula pagkabata ay ramdam ni Lovely na mas pinapaboran ng kaniyang ina ang nakakatandang kapatid na si Jenny. Hindi lang siya ang nakakapansin nito dahil ganoon din ang nakikita ng bunso nilang kapatid na si Stephanie, dahilan upang dumepende ito nang sobra sa nobyo nito sa edad na disisais anyos pa lamang.
Sobrang mahal na mahal nito ang kanilang kapatid na walang ginawa kung hindi abusuhin ang pagmamahal at kabaitan ng ina. Lahat ng pagloloko nito ay hinahayaan ng kanilang ina kahit pa mabaon sila sa utang.
Gasta rito, gasta roon. Paulit-ulit na minsan na ring pinagtalunan ng kanilang mga magulang.
“Kaya ikaw mag-aral ka munang mabuti dahil ikaw na lang ang pag-asa ng iyong mama at papa.” Hindi nagawang magsalita ni Lovely sa sinabi ng kaniyang Tita Wilma. Sa edad na labing siyam ay alam niya kung gaano kahirap ang kanilang buhay.
Araw-araw ay may maniningil na pumupunta sa kanilang bahay. May mga sulat galing sa barangay dahil sa tambak na utang na hindi mabayaran.
“Alam mong kahit na may kinakasama ang Ate mo ay patuloy pa rin ang hingi nito sa mama mo kaya kayo nababaon sa utang. Ang kapatid mong si Stephanie ay hindi na yata hihiwalayan ang boyfriend niya kaya mag-aral ka munang mabuti at tulungan mo ang mga magulang mo.” Hindi napigilan ni Lovely na mapaiyak. Garalgal ang kaniyang boses at pinipilit na ilabas ang saloobin sa Tita dahil hindi naman niya masabi iyon sa ina.
“Tita, nape-pressure po ako sa responsibilidad ko.” Hinaplos nito ang kaniyang likod kaya nagpatuloy siya sa pagsasalita. “Ginagawa ko po lahat para makatulong. Nagtu-tutor ako, nagsusulat ng kwento para kahit papaano ay magkaroon ako ng pera na pantulong kay mama at papa, pero sino naman pong tutulong sa akin?” Muli siyang napaiyak sa ganoong isipin.
Ang perang kinikita niya sa pagtuturo at pagsusulat ay walang labis, walang kulang niyang ibinibigay sa ina upang kahit papaano ay mabawasan ang isipin sa araw-araw na bayarin. Naroon na sa mismong ina humihingi ang panganay at bunso niyang kapatid.
“Hindi ko rin alam sa mama mo kung bakit ganoon na hindi pantay ang pagmamahal sa inyo. Mahal na mahal niya ang ate mo. Siguro dahil muntik na itong kuhanin ng Diyos noong nasa tiyan pa lamang niya ito.”
Naalala ni Lovely ang kwentong iyon. Na muntik ng maagas ang Ate Jenny nila nang minsang maaksidente ang kanilang mama habang ipinagbubuntis ito kaya naman parang kadugtong na ng buhay ng ina ang buhay ng kaniyang Ate.
Kinabukasan ay masaya silang nagkukuwentuhan ng pinsan na si Armelyn.
“Hindi ba kahapon kausap mo si Mama?” panimula ni Armelyn. Tumango si Lovely bilang sagot.
“Nakausap din niya si Tita kahapon. Napag-usapan nila kung bakit mahal na mahal ni Tita si Ate Jenny. Umiiyak din ang mama mo at alam mo ba ang sabi niya?” Tahimik lang si Lovely na naghihintay ng sunod na sasabihin.
“Mas matatag ka raw kasi kaysa kay Ate Jenny. Mas matalino, mas magaling, mas madiskarte, mas maganda at mas mabait na anak, kaya akala niyaʼy mas dapat na pagtuunan ng pansin si Ate Jenny. Si Stephanie naman ay sadyang matampuhin lang, kahit ang totoo ay sunod lang din naman ang layaw nito sa mama nʼyo. Pero ikaw? Ikaw ang pinakaipinagmamalaki ng mama mo. Iyon nga lang, hindi niya na maipakita sa dami ng problemang pinapasan ng pamilya nʼyo,” paliwanag ng pinsan niya kay Lovely.
Biglang nangilid ang luha niya sa narinig na sinabi ng pinsan. Hindi siya makapaniwala. Ang buong akala niya ay balewala lang ang mga ginagawa niya para sa ina, pero lahat pala iyon ay nakikita nito at natatandaan.
Dali-daling umuwi si Lovely. Agad na kinausap ang kaniyang mama at humingi ng tawad dahil nakaramdam siya rito ng pagtatampo ngunit mahigpit na yakap lang ang isinagot ng kaniyang ina.
“Ako ang patawarin mo, anak. Hindi ko naipakita sa ʼyo ang pagmamahal ko dahil akala ko ay sapat na iyon dahil matatag ka naman. Nakalimutan kong kahit matalino at maunawain ka ay kailangan mo pa rin ng aruga ko bilang ina. Pasensiya ka na talaga.”
Bumuhos ang madramang emosyon sa tagpong iyon nina Lovely at ng kaniyang ina ngunit napakasaya ng dalaga.
Unti-unti ay bumawi sa kaniya ang ina at walang kasing sarap ang bahaging iyon ng buhay ni Lovely.