
Instant Crush ng Babae ang Binata Kaso may Nobya na; Balak Niya ay Agawin Ito
“Miss, sa ‘yo ba ‘to?” Napalingon si Melyn sa taong kumalabit sa kaniya.
Napanganga siya nang makita kung gaano kakisig ang lalaking naroon sa likod niya kaya naman nahihiya niyang hinarap ito.
Isang tango ang isinagot niya nang makita ang kaniyang wallet na hindi niya napagtantong nahulog na pala mula sa suot niyang pantalon.
Iniabot ito ng lalaki sa kaniya at halos matunaw naman ang binata sa pagkakatitig ni Melyn. Isang ngiti ang iginawad ng lalaki kay Melyn bago umalis.
“S-salamat.” Huli na nang masambit niya iyon. Napasimagot si Melyn bago muling inilibot ang mata sa Museum na madalas niyang puntahan. Instant crush niya agad ang lalaki kahit na hindi pa niya ito kilala.
Maya-maya ay nakita niya ang lalaki na hindi niya nakuha ang pangalan. May kasama itong maganda rin na babae at sa pakiwari niya’y may pinagtatalunan.
Napaiwas si Melyn ng tingin. Napunta kasi sa kaniya ang atensyon ng dalawa at mukhang hindi nagustuhan ng babae nang mapansin nito ang kaniyang pakikinig ng usapan. Tinaasan siya nito ng isang kilay.
“Sorry, ha? Ako na ang humihingi ng pasensiya sa ginawa ng girlfriend ko.” Napuno ng panghihinayang ang puso ni Melyn nang makumpirma ang hinalang may relasyon nga ang binata at ang babaeng kausap nito kanina nang lapitan siya nito upang humingi ng paumanhin.
“Wala iyon. Ako nga pala si Melyn Cortez. Salamat nga pala kanina.” Inilahad ni Melyn ang kaniyang kamay na tinanggap din naman ng lalaki.
“Ritzen Quizon.” Napangiti nang malaki si Melyn nang magpakilala rin ito sa kaniya.
Nanghinayang si Melyn nang bumitiw si Ritzen matapos nilang mag-kamayan at nagpaalam nang aalis.
Mas naging madalas si Melyn sa Museum na iyon. Araw-araw niyang hinahanap ang lalaki upang kahit papaano ay masilayan ito, kahit na alam naman niyang may karelasyon na itong iba. Naging mabilis ang pagkahulog niya sa binata. Love at first sight, kumbaga.
Maraming pagkakataon nagkausap si Melyn at Ritzen hanggang sa sila ay naging malapit na magkaibigan na. Nagkukuwento na rin ito ng tungkol sa sarili. Ngunit wala roon ang pokus ni Melyn… inaakit niya ang binata. Kinaibigan niya ito at pinilit na mapalapit sila sa isaʼt isa. Ginawa niya ang lahat upang mahulog ito sa kaniya at maagaw ito sa nobya nito.
Isang araw ay nagkakuwentuhan sila tungkol sa relasyon ni Ritzen at ng nobya nitong si Ayris.
“Ang totoo, nagkakalabuan na kami, Melyn,” pag-amin ni Ritzen. “Sobrang selosa niya. Hindi ko alam kung paano ko patutunayang siya lang ang babae sa buhay ko.”
Hindi na nagulat si Melyn sa narinig, ngunit pakiramdam niya ay lumundag ang puso niya sa saya… ngunit agad din iyong napawi nang makita ang labis na kalungkutan sa mga mata ng binata.
“Hindi ko alam ang gagawin ko para maging okay kami. Mahal na mahal ko siya, Melyn,” dagdag pa ng binata.
Ngayon ay tila tinutusok naman ng milyon-milyong karayom ang puso ni Melyn. May biglang bumikig sa kaniyang lalamuman at gusto niyang maiyak sa narinig.
Hanggang ngayon pala ay si Ayris pa rin ang mahal nito, kahit ginawa na niya ang lahat upang mahulog ito sa kaniya. Natawa na lang nang mapait si Melyn.
Matapos ang pag-uusap nilang iyon ng binata ay agad na pinuntahan ni Melyn ang pinagtatrabahuhan ng nobya nito. Balak niyang puntahan si Ayris upang kausapin!
Dumating siya sa building ng kompanyang pinapasukan nito. Eksakto namang palabas na si Ayris mula roon kayaʼt agad na nagtama ang kanilang mga paningin.
“A-anoʼng ginagawa mo rito?” gulat na tanong ni Ayris nang makita siya.
Napakunot ang noo ni Melyn nang mapansing mugtong-mugto rin ang mga mata ni Ayris na tila ba galing sa matagal at mahabang pag-iyak.
“Mag-usap tayo… tungkol kay Ritzen,” sagot niya.
“Para saan pa? Break na kami. Malaya ka nang agawin siya.”
Ikinagulat ni Melyn ang narinig kay Ayris, ngunit ang mas nagpawindang sa kaniya ay nang makaramdam siya ng awa sa dalaga, lalong-lalo na nang makita niyang muling nangilid ang luha sa mga mata nito!
“Ginawa ko ang lahat, Ayris, para sa akin niya ibaling ang pagmamahal niya. Inakit ko siya, kinaibigan at ipinakita ko iyon sa ʼyo lahat dahil akala ko, makakaya ko siyang agawin. Pero nagkamali pala ako. Ni minsan ay hindi sineryoso ni Ritzen ang lahat ng ginagawa ko. Alam mo ba kung bakit?” naiiyak na ring sabi ni Melyn sa kausap.
Umiling si Ayris.
“Kasi, ikaw lang ang mahal niya, Ayris at umiiyak siya sa akin kanina dahil natatakot siyang mawala ka.”
Sa huling katagang iyon tuluyang bumuhos ang nararamdaman ni Melyn. Nasasaktan siya, ngunit sa kabilang banda ay natutuwa dahil may pagkakataon pa rin siyang ayusin ang relasyong tinangka niyang sirain.
Umalis si Melyn at iniwan ang nalilitong si Ayris. Matapos iyon ay nabalitaan na lang niyang nagkabalikan na ito at si Ritzen.
Nasaktan man ay masaya na rin si Melyn na natauhan siyaʼt ginawa ang tama bago niya pa masira nang tuluyan ang relasyon nila. Simula noon ay iniwasan niya na ang dalawa upang maging tahimik ang pagsasama nila, lalo pa at malapit na rin silang ikasal.