
Hindi Tinanggap ng Boss ang Aplikanteng Putol ang Isang Paa; Hinangaan pa Siya ng Marami
“Sir, hindi po ba talaga pwedeng tanggapin n’yo ako? Ayos lang po sa akin kahit na anong trabaho, sir! Kailangang-kailangan ko lang po talaga ngayon.”
Halos nagsusumamo na si Rudolfo sa HR Officer ng pinag-a-apply-an niyang construction company upang tanggapin siya nito bilang isa sa mga construction worker ng mga ito. Talaga lamang kasing kailangan niya ng trabaho ngayon dahil nasa ospital ang kaniyang anak. Pang-ilang kompaniya na kasi itong pinag-apply-an niya ngunit palagi na lamang siyang declined dahil sa kaniyang kapansanan.
Simula nang maputulan siya ng isang paa buhat sa isang aksidente ilang taon na ang nakakalipas, ay talaga namang ganoon na lang ang hirap niyang makahanap muli ng trabaho. Bukod kasi sa kaniyang kondisyong ay wala ring natapos si Rudolfo na ngayon ay talagang pinagsisisihan niya. Ito lamang ang alam niyang trabaho.
“Pasensiya na po talaga. Gustuhin ko man po kayong tulungan, pero sa kalagayan n’yo po ay hindi n’yo talaga kakayanin ang trabaho dito sa amin. Pareho po kasi tayong mapeperwisyo kung ipagpipilitan nating matanggap kayo bilang construction worker,” malungkot at puno ng simpatiyang sagot naman ng kausap.
Napayuko na lamang si Rudolfo sa naging sagot nitong iyon. Nawawalan na siya ng pag-asa. Pakiramdam niya ay siya na ang pinakainutil na ama sa mundo, dahil wala siyang magawa para sa anak niyang may sakit.
Sa halos labing limang taon ay ang asawa niya nang si Criselda ang nagtrabaho para sa kanilang pamilya. Ginampanan nito ang trabaho niya bilang haligi ng kanilang tahanan, habang siya naman ang pumalit dito at nagsilbing ilaw at gabay para sa kanilang mga supling.
Ganoon pa man ay hindi pa rin magawang pagsisihan ni Rudolfo ang naging dahilan ng pagkaputol ng isa sa kaniyang mga paa. Iyon kasi ay dulot ng pagtulong niya noon sa isang trese anyos na batang lalaki nang ito ay muntik nang mabagsakan ng malalaking batong galing sa isang gumuguhong pader sa construction site na kaniyang pinagtatrabahuhan. Katatapos lamang kasi noon ng isang malakas na lindol na siyang nagpahuna sa nasabing pader, lalo pa at ito ay kagagawa lamang at hindi pa nga natatapos.
“Sang-ayon ho ako sa sinabi ng tauhan ko, manong. Hindi na ho dapat kayo nagtatrabaho nang ganoon kabigat dahil sa kalagayan n’yo.”
Isang boses ang biglang nagsalita sa likuran ni Rudolfo matapos biglang bumukas ang opisina ng HR Officer.
“Good morning po, engineer!” biglang bati naman ng HR Officer na kanina ay kausap niya sa bagong pasok na lalaki.
Nakasuot ito ng pormal at magarang damit at mukha itong mayaman. Sa palagay niya ay ito ang may-ari ng kompaniyang pinag-a-apply-an niya.
“Pasensiya na po kayo sa kakulitan ko, sir. Talaga lang pong kailangan ko ng trabaho ngayon dahil nasa ospital ang aking anak. Pero kung talaga pong hindi maaari ay uuwi na lang po ako.” Bagsak ang balikat ni Rudolfo nang kaniya iyong sabihin.
“Pero may mas maganda ho akong offer sa inyo. Halina ho sa opisina ko para mapag-usapan po natin,” bigla namang singit ng boss ng naturang kumpaniya nang nakangiti. Tila nabuhayan ng loob si Rudolfo sa narinig kaya naman agad siyang tumalima sa sinabi nito.
Nang marating nila ang sinasabing opisina nito ay agad siyang kinausap ng boss ng kumpaniya nang wala nang pasakalye pa.
“Hindi na ho ako magpapaligoy-ligoy pa. Gusto ko lang pong sabihin na ako na ho ang sasagot sa pagpapaospital sa anak ninyo. Bukod doon ay gusto ko ho kayong bigyan ng puhunan upang makapag-uumpisa kayo ng negosyo at nang hindi na ninyo kailanganin pang mag-apply ng trabaho. Gusto ko ho na hindi na kayo mahirapan pa nang sobra.”
“H-ho?!” Napamulagat siya sa narinig na sinabi ng kaharap. Natawa naman ito nang bahagya nang makita ang kaniyang naging reaksyon.
“Totoo po ang narinig n’yo. Gagawin ko talaga ang lahat nang iyon kung hahayaan n’yo lang ako. Sana po ay matanggap n’yo ang offer ko, manong,” sabi pa nito.
“P-pero bakit n’yo po gagawin ’yon, sir?” utal pa ring tanong ni Rudolfo sa binatang kaharap.
“Ibabalik ko lang po ang kabutihan n’yo sa akin, fifteen years ago, manong. Kulang pa nga ho ito kung tutuusin dahil ikalawang buhay ang ibinigay n’yo sa akin…”
Nanlaki ang mga mata ni Rudolfo sa tinuran ng binatang ngayon ay nalaman niyang siya pala ang batang tinulungan niya noon!
Napag-alaman niyang matagal na pala siyang hinahanap nito simula nang nagkaroon ito ng sariling kumpaniya at nagsimulang umangat sa buhay.
Matapos ang kanilang pag-uusap ay tinupad ng binata ang naging pangako nito kay Rudolfo na itinuturing nitong tagapagligtas at hindi na nakatanggi pa ang huwarang ama. Doon ay napagtanto ni Rudolfo na kusang babalik sa iyo ang kabutihang ginawa mo sa kapwa, ilang taon man ang lumipas.