
Hinangaan ang Magtataho Dahil sa Kaniyang Kasipagan; Ngayon ay Uulanin Siya ng Biyaya
Nakilala ang magtatahong si Andoy simula nang mapagkatuwaan siyang kunan ng litrato ng isa sa kaniyang mga kostumer dahil bumilib daw ito sa kaniya. Nang araw na iyon kasi, bukod sa pasan-pasan niyang mga balde ng taho sa kaniyang magkabilang balikat ay bitbit pa niya sa kaniyang likuran ang kapatid na may kapansanan. Wala kasi itong kakayahang tumayo sa sariling paa dahil sa isang kondisyong dala na nito noong ito’y ipinanganak pa lamang.
Simula nang umalis ang kanilang ina upang mangatulong sa ibang tao ay kinailangan na ng labing siyam na taong gulang na si Andoy na palagi ring isama ang limang taong gulang niyang kapatid na si Andrea sa tuwing siya ay maglalako ng taho dahil wala siyang maiiwang kasama ni Andrea sa kanilang bahay, bilang siya ang tumatayong tagapag-alaga nito sa tuwing wala ang kanilang ina. Kinakailangan pa rin kasi niyang magkaroon ng kita upang may maisuporta man lang sa kaniyang pag-aaral at nang makabawas na sa isipin ng kanilang ina kaya naman kahit mahirap ay ipinagpatuloy ni Andoy ang paglalako ng taho habang inaalagaan ang kaniyang kapatid. Sayang kasi ang isang taon na lamang na igugugol niya sa eskuwelahan bago siya magtapos sa dalawang taong kursong kaniyang kinukuha.
Hinangaan ng maraming tao si Andoy kaya naman nang i-upload ng kanilang kostumer ang litrato niya at ni Andrea sa social media ay agad iyong nag-viral. Umani iyon ng milyun-milyong reaksyon at papuri mula sa ibang tao. Tinawag pa siyang Ulirang Kuya ng karamihan dahil sa kahanga-hanga niyang malasakit sa kaniyang kapatid.
“Andoy! Andoy!” Isang tawag ang narinig ni Andoy mula sa labas ng kanilang bahay. Boses iyon ng kaibigan niyang si Jaypee.
“O, bakit, pare?” napatanong si Andoy nang mapagbuksan na niya ang humahangos na kaibigan.
“E, p’re, may naghahanap kasi sa ’yo sa labas. Naka-kotse at mukhang mayaman!” nakahawak pa sa dibdib na anito habang hinahabol ang sariling paghinga.
Naisip ni Andoy na baka isa na namang netizen na nakakita ng viral picture nila ni Andrea ang naghahanap sa kanila. Marami na kasing nagpunta mismo sa kanilang lugar para lamang makita siya na animo siya ay isang artista. Kadalasan ay nagbibigay ng tulong ang mga ito para sa kanilang magkapatid. Groceries, pera, vitamins, bigas at damit ang kadalasang natatanggap nila mula sa mga ito kaya naman malaki ang pasasalamat ni Andoy sa mga netizen na naantig ang puso dahil sa kalagayan nilang magkapatid.
Ngunit lingid sa kaalaman ni Andoy ay patikim pa lamang iyon sa biyayang handang ibuhos ng tadhana sa kaniya…
“Po?!” Nanlaki ang mga mata ni Andoy habang titig na titig sa kausap matapos nitong isiwalat ang totoong pakay ng pagparito nito sa kanilang lugar upang sadyain silang magkapatid.
Kaharap niya ngayon ang isang mayamang lalaki… isang mayaman at napakabait na lalaking negosyante na handa raw silang handugan ng ibaʼt ibang tulong pinansyal dahil lamang naantig ang puso nito sa kuwento nilang magkapatid!
“Totoo po ba? Gusto nʼyo po kaming pag-aralin ng kapatid ko?” Magkahalong kaba, tuwa at pagdududa ang sabay-sabay na nararamdaman ni Andoy habang itinatanong iyon sa mayamang negosyante.
Nakangiti namang tumango ang kausap. “Oo, hijo, pero bukod doon ay gusto ko ring sagutin ang pagpapatingin sa kalagayan ng kapatid mong si Andrea. Baka may magagawa pa tayo upang bumuti ang kaniyang kalusugan, kung papayag kayo ng iyong ina,” sabi pa nito sa hanggang ngayon ay natutulala pa ring si Andoy.
“Pero bakit po? Hindi po birong halaga ang gusto nʼyong ilabas para lamang sa amin na ni hindi nʼyo naman po kaano-ano,” may kunot sa noong nasabi naman ni Andoy, dahil talagang hindi siya makapaniwala.
Tinapik ng kaharap ang kaniyang balikat at saka nagsabing: “Nakikita ko kasi ang sarili ko sa ʼyo noong kabataan ko pa. Halos hindi naglalayo ang kuwento nating dalawa. Iyon nga lang, noong mga panahong iyon ay hindi pa uso ang social media kaya naman hindi ako nagkaroong ng pagkakataong makahanap ng tutulong sa amin ng kapatid ko… kaya naman nawala siya sa akin.”
Nakangiti man ay matinding lungkot ang kitang-kitang gumuhit sa mga mata ng negosyante nang maalala ang kaniyang masaklap na nakaraan. Doon ay naintindihan na ni Andoy ang pinaghuhugutan nito, kaya naman malugod siyang nagpasalamat at tinanggap niya ang alok nito, sa patnubay na rin ng kaniyang ina. Iyon na ang simula ng magandang buhay ni Andoy at ng kaniyang pamilya, dahil sa kasipagan niya.
Tunay ngang hindi man lahat, sa kabataang katulad ni Andoy pa rin magmumula ang pag-asang hinahangad ng ating bansa. Ang kailangan lamang nila ay tamang patnubay, tulong at gabay mula sa mas nakatatanda upang maging mas mabuti silang tao.