Inday TrendingInday Trending
Walang Ibang Hiling ang Bata kundi ang Magkaayos sila ng Kapatid; Ngunit Mabubunyag ang Lihim na ang isa pala sa Kanila ay Ampon

Walang Ibang Hiling ang Bata kundi ang Magkaayos sila ng Kapatid; Ngunit Mabubunyag ang Lihim na ang isa pala sa Kanila ay Ampon

“Ano ba, Allen?!” galit na sigaw ni Alvin sa kapatid.

“Pasensiya po, Kuya,” hinging-paumanhin naman niya tungkol sa pagkabasag ng isang basong hinuhugasan niya.

“Pasensiya na po? Puro ka pasensiya, paulit-ulit mo pa rin naman ginagawa!” sigaw nito na para bang napakalaki ng nagawa niyang kasalanan.

Sa halip na sumagot si Allen ay natahimik na lang siya. Hindi niya talaga alam kung bakit napakalaki ng galit sa kaniya ng kapatid. Palagi itong ganoon sa kaniya noon pa man.

Hindi sila malapit sa isa’t isa. Madalang umuwi ng bahay si Alvin dahil madalas ay nasa bahay ito ng kabarkada. Umuwi man ay hindi rin ito nagtatagal at mabilis ding umaalis.

Simula nang mawala ang kanilang ina ay naging ganoon na ang trato nito sa kaniya. Siya kasi ang sinisisi nito dahil binawian ito ng buhay noon habang siya ay ipinanganganak.

Ang kanilang lolo at lola na ang nakagisnan nila ngunit sa kasamaang palad ay pareho na rin itong kinuha sa kanila sa magkasunod na taon. Dahil doon ay napilitang tumigil ni Alvin sa kaniyang pag-aaral upang magtrabaho at nang may maitustos siya sa pangangailangan nilang magkapatid.

Lalong tumindi ang alitan sa pagitan nila. Napipilitan man ay ipinagpatuloy ni Alvin ang pagsuporta niya sa pag-aaral ni Allen dahil iyon ang huling bilin ng kaniyang lola bago ito bawian ng buhay. Ngunit kapalit niyon ay ang pagmamalupit ng nakatatanda sa mas batang si Allen.

Sa kabila ng pagmamalupit ng kaniyang Kuya ay nanatiling mapagpasensiya si Allen. Naiintindihan naman kasi niya ang pinanggagalingan ng hinanakit nito. Noon kasi ay hindi naman patas ang pagtrato sa kanila ng ilan sa kanilang mga kamag-anak. Paano ay palaging siya ang mas pinapaboran ng mga ito sa hindi malamang dahilan. Iniisip na lamang ni Allen na nagkaroon ng malaking epekto iyon sa kaniyang Kuya kaya naman ganoon na lamang siya kung tratuhin nito.

Palaisipan din naman sa kaniyaang sa loob ng mahabang panahon ang dahilan kung bakit ganoon nga ang kanilang mga kamag-anak sa kaniyang kuya… ngunit sa araw na ito ay masasagot na iyon.

Magkatulong ang magkapatid na Alvin at Allen na naglilinis ng lumang bodega nila na balak gawing sari-sari store ni Alvin upang may maipangdagag sa kanilang gastusin. Doon ay hindi inaasahang nahalungkat nila ang dating mga gamit ng kanilang ina.

Nasabik si Allen na makita ang mga gamit ng kaniyang inang hindi naman niya kailan man nasilayan. Ngunit isang bagay ang pinakapumukaw sa kanilang atensyon.

“Kuya, diary ni mama, oh!” bakas ang galak na sabi ni Allen is sa nakatatanda ng kapatid. Agad naman siya nitong nilingon nang nakakunot ang noo.

Marahang iniabot ni Allen sa kaniyang kuya Alvin ang naturang diary na agad naman nitong binuklat. Hindi inaalis ng magkapatid ang kanilang mga mata roon at sabay nilang binasa ang mga nakasulat…

Hindi akalain ng magkapatid na imbes na matuwa at maibsan ang nadarama nilang pangungulila sa ina dahil sa pagbabasa nila sa kaniyang diary ay nagdulot pa iyon ng hindi maipaliwanag na pagkalumo, lalong-lalo na kay Alvin.

Unang pahina pa lamang kasi ay ginimbal na sila ng isang lihim na matagal nang nakatago ngunit wala pa ring nakapigil upang hindi ito mabunyag!

“Kaya pala ganoon ang turing sa akin ng mga kamag-anak ni mama…” halos hindi na marinig na sambit ni Alvin sa hangin.

Hindi naman makapagsalita ang noon ay natatakot na si Allen. Kung iyon nga kasing akala ng Kuya Alvin niya ay magkadugo sila ay pinagmamalupitan siya nito, dahilan ngayon pa kayang nalaman nilang… siya’y isa lamang ampon?!

Bumagsak ang balikat ni Allen at hindi na matingnan pa ang kaniyang kuya. Ngayon ay nawawalan na talaga siya ng pag-asang magiging maayos pa ang samahan nila ng kapatid.

Ilang araw pa ang lumipas at lalong lumayo ang loob ni Alvin kay Allen at talaga namang nagdulot iyon ng matinding lungkot sa huli.

Ngunit isang araw ay nagulat na lamang siya nang may isang bisig ang mahigpit na yumakap sa kaniya habang siya ay naghuhugas ng pinggan…

“K-kuya?” gulat at takang tawag ni Allen sa kapatid.

“Happy birthday, bunso!” sagot naman ng kaniyang Kuya Alvin na ngayon ay kumalas na sa pagkakayapos sa kaniya.

Nang lingunin niya ang kanilang mesa ay punong-puno iyon ng pagkaing masasarap at pawang mga paborito niya. Mayroon ding cake na nakahain doon at regalo nang nakabalot!

“Pasensiya ka na, Allen, ngayon lang natin maipagdiriwang ang kaarawan mo simula nang mawala sina lolo at lola. Pinuno ko kasi ng galit noon ang puso ko nang hindi ko alam ang totoo. Pinairal ko kasi ang inggit dahil sa hindi patas na pagtrato sa atin ng mga kamag-anak natin, hindi ko inisip na kung tutuusin ay masuwerte pa rin ako at naranasan ko naman ang pagmamahal ng ating mama… Pinagmalupitan kita, samantalang ako ay inalagaan ng iyong ina kahit pa hindi naman niya ako kaanu-ano.” Pumiyok na sa huling sinabi si Alvin, tanda na siya ay naiiyak na nang sobra. “Pero sana Allen, hayaan mong bumawi si kuya sa ’yo…

Hindi pa man natatapos sa pagsasalita ay dinamba na ng yakap ni Allen ang kaniyang Kuya Alvin. Sobrang saya niya nang mga sandaling iyon at sigurado siyang magiging mas masaya na ang kanilang pamumuhay dahil sa wakas ay magkakasundo na silang magkapatid.

Advertisement