
Ilang Beses na Sinubok ng Tadhana ang Pananampalataya ng Binata; Biyaya pala ang Kasunod ng Matinding Hinagpis Niya
Isang mabait na binata si Poy. Mapagmahal ito sa kaniyang magulang at pamilyang kinalakihan. Madalas ay ang lola niya ang kasama sa bahay kaya naman naging malapit siya rito. Kuntento na siya sa buhay nila kahit minsan ay kinakapos ang kanilang pang-araw-araw na tustusin sa bahay.
Nang mag disi-otso si Poy ay tila sunod-sunod ang dagok na kinaharap niya. Kinailangan niyang tumigil sa pag-aaral upang tumulong sa magulang niya. Mahirap para sa kaniya ang desisyon na iyon ngunit wala siyang magawa dahil sa hirap ng buhay.
Nang matapos ang kaarawan niya, ilang linggo lamang ay puman*w ang kaniyang ina. Dinig na dinig ang bawat paghagulhol ni Poy sa buong bahay. Hindi maawat ng kahit sino ang binata sa pag-iyak at maging ang nakaririnig ay dama ang sakit na pinagdaraanan ng binata.
Hanggang sa mailibing ang ina ni Poy. Hindi na makausap ang binata. Tila nawalan ito ng gana sa buhay para sumaya ngunit hindi hinayaan ng kaniyang Lola Mila na maging ganoon ang apo.
Naging lalong malapit ang dalawa. Araw-araw, may pasalubong ang binata sa matanda na paborito nitong ubas o kaya saging na palaging hinihingi ni Poy noong ito ay bata pa. Dahil doon ay naging maayos muli ang binatang si Poy at ipinagpatuloy ang buhay sa tulong ng ama, kapatid niyang babae at ni Lola Mila.
Limang buwan ang lumipas ng makaramdam ng sakit ang matanda. Lubhang nabahala si Poy. Kinailangan nilang isugod sa pagamutan ang kaniyang lola Mila. Malaking pera ang kinakailangan kaya naman nagpapalitan sila ng kaniyang ate sa pagbabantay upang makapagtrabaho sila.
Nangayayat nang husto ang binata. Ang mga nakakakita rito ay hindi na siya makilala sa sobrang payat ng pangangatawan nito. Ang kaniyang ama ay wala rin tigil sa pagtatrabaho mapunan lamang ang mga gamot na kinakailangan para sa ina.
Naging napakahirap ang araw-araw ni Poy. Gumigising siya upang magtrabaho at ang pahinga lamang ay ang pagbabantay sa lola niyang may sakit. Nakakapagod para sa binata ang sitwasyon ngunit hindi siya maaaring tumigil dahil buhay ng kaniyang lola ang magiging kapalit noon.
“Lola, laban lang ha?” pagkausap ni Poy sa matanda at pilit naman siyang nginitian nito.
“Marami akong gustong ipakita sa ‘yo, Lola. Magpagaling ka po, bibili pa ako ng maraming pagkain na gusto mo. Ipapasyal kita sa lugar na gusto mong puntahan. Basta p-pangako mo gagaling ka po, ha?” sobrang emosyonal na saad ni Poy. Walang tigil ang pag-iyak niya. Para itong batang inagawan ng laruan o pagkain na hindi mapatahan.
Maging si Lola Mila ay hindi naiwasang mapaiyak dahil sa dinaranas ng apo. Ang bawat pagyugyog ng balikat nito ay dumudurog sa puso niya.
Gabi-gabing ipinagdadasal ni Poy ang kaligtasan ng pamilya niya. Hindi siya nawalan ng pag-asa na darating ang araw at maririnig din siya ng Panginoon. Hindi siya nanumbat, hindi siya nanisi, hindi siya napagod na magdasal sa halip ay pinanatili niya ang pananalig sa Ama.
Buwan ang lumipas, masayang ibinalita ng mga doktor na magaling na si Lola Mila. Wala na ang sakit nito at himalang mabilis na gumaling ang matanda. Hindi inaasahan ng lahat ang pangyayari. Labis ang tuwa ng pamilya ni Poy, higit ay ang binata. Agad niyang niyakap ang matanda habang hinihintay naman nitong yakapin siya ng apo.
Hindi napigilan ni Poy ang muling mapaluha. Sa huli, nagpasalamat siyang napagtagumpayan nila ang lahat. Matapos ang ilang buwang sakit, pagod at puyat ay natapos na ang kanilang paghihirap.
Alam ni Poy na ang pananalig niya sa Diyos ang naging sandata. Ang hindi niya pagbitiw sa tiwalang sasamahan siya ng Diyos sa kabila ng hirap at pasakit ang tumulong sa kaniya.
Sa ngayon ay masaya nilang ginagawa ang mga bagay na ipinangako niya sa matanda. Katulad ng nakagawian ay inuuwian niya ng pasalubong si Lola Mina at tuwing walang trabaho ay ipinapasyal niya ito.
Naging sunod-sunod din ang biyayang natatanggap ni Poy paglipas ng taon. Walang humpay ang pasasalamat niya sa Ama dahil sa patuloy nitong paggabay sa kaniya.
Nagkaroon ng asawa ang kaniyang ate habang ang ama niya ay pinatigil na niya sa pagtatrabaho. Nagtayo siya ng maliit na negosyo sa mga naipon niyang pera. Nagdesisyon si Poy na tapusin ang pag-aaral. Kumuha siya ng kursong pang medikal upang maging isang doktor.
Nakilala rin niya ang dalagang nagpatibok sa kaniyang puso. Naging magkarelasyon sila at sa huli ay itinadhana ng Diyos na maging isa.
Ilang beses man siyang sinubok ng tadhana ay hindi naman nawala ang pananlig niya sa Panginoon bagkus ay mas lalo pa nga iyong tumibay kaya naman ngayon ay biyaya naman ang kaniyang natatamasa.