Inday TrendingInday Trending
Ginawa ng Dalaga ang Lahat Upang Makamit ang Pinakamataas na Karangalan; Ngunit Ngayon ay Pinagsisihan Niya Iyon

Ginawa ng Dalaga ang Lahat Upang Makamit ang Pinakamataas na Karangalan; Ngunit Ngayon ay Pinagsisihan Niya Iyon

Masayang umuwi si Shiela sa kanilang tahanan dahil nagagalak siyang ibalita sa kaniyang pamilya na siya ang nakatakdang magkamit ng pinakamataas na parangal sa darating na pagtatapos nila ng high school, ngunit nagtaka siya nang wala siyang abutan sa kanilang bahay.

Naalala niyang kaarawan nga pala ngayon ng bunsong kapatid. Nawaglit iyon sa kaniyang isipan dahil sa sobrang pag-aalala niya kung sino nga ba sa kanila ng katunggali ang magkakamit ng pinakamataas na karangalan.

Nalungkot si Shiela nang mga sandaling iyon. Nakiusap pa naman sa kaniya ang kapatid na sana ay sumama siya sa pagdiriwang nila ng kaarawan nito ngunit mas pinili niya ang ibang bagay kaysa rito.

Ang tawanan ng kaniyang mga kapamilya sa labas ang napalingon kay Shiela mula sa mahabang pag-iisip. Tila masayang-masaya ang mga ito mula sa ginanap nilang selebrasyon ng kaarawan ng bunsong kapatid niyang si Shane.

Napatingin si Shiela sa orasan. Alas dyes na pala ng gabi.

Nakaramdam nang matinding lungkot si Shiela nang makitang nilampasan siya ng kapatid. Alam niyang nagtatampo ito sa kaniya dahil apat na taon na siyang hindi nakasasama sa tuwing magse-celebrate sila ng kaarawan nito dahil palagi niya iyong nakaliligtaan.

Nang mga sandaling iyon ay tila natauhan si Shiela. Tila bumalik sa kaniyang mga ala-ala ang mga pagkakataong mas inuna niya ang pagpapataas ng kaniyang grado kaysa ang makasama ang kaniyang pamilya. Pasko, birthday, bagong taon, reunions at kung anu-ano pa ang mga okasyong hindi niya na halos matandaan kung kailan siya huling nakasama.

Dahil doon ay hindi na niya nagawa pang ibalita sa kanila ang tungkol sa matatanggap niyang karangalan.

Dumating ang araw na pinakahihintay ng lahat. Naroon ang mga guro, magulang at kapwa niya magsisipagtapos na labis ang tuwa dahil sa wakas ay makaaalis na sila sa hayskul.

Maraming naging ganap sa seremonya. Mapagtimping naghintay si Shiela na tawagin ang pangalan niya. Sa daming nagsipagtapos at nagkamit ng karangalan ay siya ang huling tinawag.

“Shiela Dalisay, may pinakamataas na karangalan.” Tumayo si Shiela at hinintay ang mga magulang upang magsabit ng medalya sa kaniya.

Alam niyang hindi makapaniwala ang mga ito ngunit naroon at halos maiyak sa tuwa ang reaksyon nila.

Pagkasabit ng medalya ay niyakap siya ng kaniyang mga magulang. Halo-halo ang kaniyang nadarama, natutuwa siya dahil sa wakas ay nakuha niya ang pinakamataas na parangal na kaniyang pinaghirapan ngunit nalulungkot naman dahil iilang segundo lamang niyang naramdaman ang parangal.

Nang tawagin muli ang pangalan niya para sa kaniyang mensahe ay doon niya ibinuhos lahat ng mga nais niyang sabihin.

“Mapagpalang araw sa ating lahat. Hindi ko na hahabaan pa ang aking pagsasalita. Nais ko lamang ibahagi sa inyo ang reyalisasyon ko bago ako tumuntong sa entabladong ito.

Lahat tayo ay hinangad na makuha ang pinakamataas na titulo…” Turo ni Shiela sa medalyang nakasabit sa leeg niya. “Ngunit alam n’yo bang sandali ko lamang naramdaman ang saya dulot ng pagkamit ko ng parangal na ito? Matapos ng lahat ng sakripisyo, pagod at luha ay ganoon lang pala kadali iyon? Nakakatawa, hindi ba? Ilang kaarawan ng mga miyembro ng aming pamilya ang lumipas na hindi ako nakakasama dahil isinubsob ko ang sarili ko sa pag-aaral para lamang dito. Ilang mga kaibigan ang natanggihan ko at halos kalimutan ko nang mag-enjoy bilang isang teenager dahil sa takot na hindi makuha ang posisyon kong ito. Sa paghahabol ko sa gintong medalya ay maraming nasayang na oras at panahon na sana ay para sa kaibigan at pamilya ko inalaan.

Na-realize ko na oo nga, masaya at nakaka-proud na makamit ang mga karangalang ito, ngunit sana pala, nagkaroon ako ng limitasyon. Nakakatawa pero nakakasisi palang isiping ginawa ko ang lahat ng iyon para lamang pasayahin ang mga magulang ko gayong makita at makasama lang nila ako ay masaya naman na sila. Nakakapagsisi lang dahil sa pagtanda ko pala ay wala man lang akong maikukuwentong masaya o nakakatawang ala-ala ko noong ako ay high school pa dahil ang ginawa ko lang ay mag-aral nang mag-aral kahit pa wala na akong oras para sa sarili ko, sa kaibigan ko at mga kapamilya.

But today, I’ve learned my lesson.

Sa mga magulang at kapwa ko na ring mag-aaral, relax lang tayo. May mga bagay na hindi naman natin kailangang paglaanan ng lahat ng oras natin lalo na at may ibang bagay pa namang mas mahalaga rito. Matuto tayong makuntento sa mga bagay na kaya nating ibigay sa abot lang ng ating makakaya upang sa huli ay hind na natin to pagsisisihan pa.

Ako po si Shiela Dalisay, muli, mapagpalang-araw sa lahat at maraming salamat.”

Lahat ay nagpalakpakan sa sinabi ni Shiela. Sa pagbaba niya ng entablado ay mas hinangaan siya ng mga kamag-aral niya. Nakita niya ang luha sa mga mata ng magulang. Alam niyang proud naman sa kaniya ang mga ito ngunit ngayon ay gusto niya namang bumawi sa kanila.

Advertisement